Alam Mo Ba?
Anong mga hamon ang napaharap kay Herodes nang muling itayo ang templo sa Jerusalem?
Ang templo sa Jerusalem ay itinayo ni Solomon sa ibabaw ng isang burol. May mga pader ito sa silangan at kanlurang bahagi ng burol na nagsisilbing suhay para makagawa ng baitang-baitang na lupa sa palibot ng templo. Pero gusto ni Herodes ng isang mas maringal na templo, kaya kinumpuni niya at pinalaki pa ang templong itinayo ni Solomon.
Pinalawak ng mga inhinyero ni Herodes ang gawing hilaga ng templo. Sa gawing timog naman, pinalawak nila ito nang 32 metro. Para magawa ito, isang hilera ng mga arkong istraktura na yari sa bato at isang makapal na pader ang itinayo na pinakasuporta. Ang ilang bahagi ng pader ay umabot nang hanggang 50 metro ang taas.
Sinikap ni Herodes na huwag magalit ang mga Judio o magambala ang paglilingkod at paghahandog na ginagawa sa templo. Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, sinanay pa nga ni Herodes ang mga saserdoteng Judio na maging mga kantero at karpintero para sila ang magtrabaho sa banal na mga lugar.
Hindi na nakita ni Herodes na matapos ang proyekto. Noong 30 C.E., ang templo ay 46 na taon nang itinatayo. (Juan 2:20) Ang proyekto ay tinapos ni Agripa II, apo sa tuhod ni Herodes, noong kalagitnaan ng unang siglo C.E.
Bakit naisip ng mga taga-Malta na mamamatay-tao si apostol Pablo?
Posibleng ang ilang taga-Malta ay naimpluwensiyahan ng mga paniniwala ng relihiyong Griego. Tingnan ang nangyari nang mawasak ang barkong sinasakyan ni Pablo sa Malta, na mababasa sa aklat ng Mga Gawa. Nang lagyan ng apostol ng isang bungkos na kahoy ang apoy para mainitan ang mga kasama niya sa paglalakbay, isang makamandag na ahas ang kumapit sa kaniyang kamay. Dahil dito, sinabi ng mga tagaisla: “Tiyak na ang taong ito ay isang mamamaslang, at bagaman nakarating siyang ligtas mula sa dagat, hindi ipinahintulot ng mapaghiganting katarungan na patuloy siyang mabuhay.”—Gawa 28:4.
Ang salitang Griego na isinaling “mapaghiganting katarungan” ay “di’ke.” Ang salitang ito ay maaaring tumukoy sa konsepto ng katarungan. Gayunman, sa Griegong mitolohiya, Dike ang pangalan ng diyosa ng katarungan. Pinaniniwalaan noon na ang diyosang ito ang nangangasiwa sa mga pangyayari sa buhay ng mga tao at iniuulat kay Zeus ang mga inilihim na kawalang-katarungan para maparusahan ang nagkasala. Kaya ayon sa isang reperensiya, maaaring ganito ang naisip ng mga taga-Malta: “Bagaman nakaligtas si Pablo mula sa dagat, hindi siya nakaligtas sa diyosang si Dike . . . sa pamamagitan ng makamandag na ahas.” Nagbago lang ang isip ng mga tao nang makita nilang wala namang nangyaring masama kay Pablo.