Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Posible Ba Talagang Makilala ang Diyos?

Posible Ba Talagang Makilala ang Diyos?

“Ang Diyos ay mahirap maunawaan.”—Philo ng Alejandria, unang-siglong pilosopo.

“Hindi . . . malayo [ang Diyos] sa bawat isa sa atin.”—Saul ng Tarso, kausap ang mga unang-siglong pilosopo sa Atenas.

NANG basahin mo ang dalawang pananalitang iyan, alin diyan ang katulad ng pananaw mo? Para sa marami, maganda at nakapagpapatibay ang sinabi ni Saul ng Tarso, na tinatawag ding apostol Pablo. (Gawa 17:26, 27) May iba pang katiyakang gaya nito sa Bibliya. Halimbawa, sa isang panalangin ni Jesus, nagbigay siya ng katiyakan na puwedeng makilala ng mga tagasunod niya ang Diyos at tumanggap ng Kaniyang pagpapala.—Juan 17:3.

Iba naman ang pangmalas ng mga pilosopong gaya ni Philo. Sinasabi nilang hinding-hindi natin makikilala ang Diyos dahil hindi natin siya lubusang mauunawaan. Alin kaya ang totoo?

Malinaw na sinasabi ng Bibliya na may ilang bagay tungkol sa Diyos na mahirap maintindihan ng tao. Halimbawa, ang haba ng pag-iral ng Maylalang, ang katalinuhan ng kaniyang isip, at ang lalim ng kaniyang karunungan ay hindi mabibilang, masusukat, o maaarok. Hindi ito kayang abutin ng isip ng tao. Pero ang mga aspektong ito tungkol sa Diyos ay hindi hadlang para makilala siya. Sa katunayan, kung bubulay-bulayin natin ang mga ito, matutulungan tayo nito na “lumapit . . . sa Diyos.” (Santiago 4:8) Tingnan natin ang ilang halimbawa na mahirap maunawaan. Pagkatapos, susuriin naman natin ang mga bagay tungkol sa Diyos na maaari nating maintindihan.

Mga Bagay na Mahirap Maunawaan

WALANG-HANGGANG PAG-IRAL NG DIYOS: Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay umiiral “mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 90:2) Ibig sabihin, ang Diyos ay walang pasimula at walang wakas. Sa pananaw ng tao, “ang bilang ng kaniyang mga taon ay hindi masasaliksik.”—Job 36:26.

Kung paano ka makikinabang: Ang Diyos ay nangangako ng buhay na walang hanggan kung kikilalanin mo siya. (Juan 17:3) Maaasahan mo ba ang pangakong iyan kung ang Diyos mismo ay hindi nabubuhay nang walang hanggan? Tanging ang “Haring walang hanggan” ang makatutupad ng gayong pangako.—1 Timoteo 1:17.

PAG-IISIP NG DIYOS: Itinuturo ng Bibliya na “hindi maaarok ang . . . unawa” ng Diyos dahil di-hamak na mas mataas ang kaniyang kaisipan kaysa sa atin. (Isaias 40:28; 55:9) Tamang-tama ang tanong ng Bibliya: “Sino ba talaga ang nakaaalam sa isip ng Panginoon upang siya ay turuan?”—1 Corinto 2:16, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

Kung paano ka makikinabang: Kayang pakinggan ng Diyos ang milyon-milyong panalangin nang sabay-sabay. (Awit 65:2) Alam nga niya maging ang bawat maya na bumabagsak sa lupa. Darating ba sa punto na mapupuno nang husto ang isip ng Diyos, anupat hindi ka na niya mapapansin at hindi na niya mapapakinggan ang mga panalangin mo? Hindi, dahil walang limitasyon ang kaniyang pag-iisip. Isa pa, “nagkakahalaga [ka] nang higit kaysa sa maraming maya.”—Mateo 10:29, 31.

MGA DAAN NG DIYOS: Itinuturo ng Bibliya na “hindi kailanman [matutuklasan ng tao] ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.” (Eclesiastes 3:11) Kaya hindi natin kailanman malalaman ang lahat tungkol sa Diyos. “Di-matalunton” ang karunungan ng mga daan ng Diyos. (Roma 11:33) Gayunman, handang isiwalat ng Diyos ang kaniyang mga daan sa mga nagnanais na palugdan siya.—Amos 3:7.

Ang haba ng pag-iral ng Maylalang, ang katalinuhan ng kaniyang isip, at ang lalim ng kaniyang karunungan ay hindi mabibilang, masusukat, o maaarok

Kung paano ka makikinabang: Kung babasahin mo at pag-aaralan ang Bibliya, lagi kang may matututuhang bagong bagay tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga daan. Ibig sabihin, maaari tayong lalong mapalapít sa ating makalangit na Ama magpakailanman.

Ang Puwede Mong Malaman

Kahit hindi natin lubusang maunawaan ang ilang aspekto tungkol sa Diyos, hindi naman ibig sabihin nito na hindi na natin siya maaaring makilala. Maraming impormasyon sa Bibliya ang tutulong sa atin na mas makilala ang Diyos. Tingnan ang ilang halimbawa:

PANGALAN NG DIYOS: Itinuturo ng Bibliya na may pangalan ang Diyos. Sinabi niya: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.” Ang pangalan ng Diyos ay lumilitaw nang mga 7,000 ulit sa Bibliya, mas marami kaysa sa iba pang pangalan.—Isaias 42:8.

Kung paano ka makikinabang: Sa kaniyang modelong panalangin, sinabi ni Jesus: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Puwede mo rin bang gamitin ang pangalan ng Diyos kapag nananalangin ka? Nais ni Jehova na iligtas ang lahat ng gumagalang sa kaniyang pangalan.—Roma 10:13.

TAHANAN NG DIYOS: Itinuturo ng Bibliya na may dalawang “dako”—ang dako ng mga espiritu kung saan naroroon ang mga espiritung nilalang na may katawang espiritu at ang pisikal na dako na binubuo ng ating lupa at ng uniberso. (Juan 8:23; 1 Corinto 15:44) Sa Bibliya, ang salitang “langit” ay kadalasang tumutukoy sa dako ng mga espiritu. Ang “dakong tinatahanan” ng Maylalang ay sa “langit.”—1 Hari 8:43.

Kung paano ka makikinabang: Lalo mong makikilala ang Diyos. Ang Maylalang ay hindi lang basta isang mahiwagang puwersa na nasa bawat dako at nasa lahat ng bagay. Si Jehova ay isang tunay na Persona na nakatira sa isang tunay na dako. Gayunman, “walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin.”—Hebreo 4:13.

KATANGIAN NG DIYOS: Itinuturo ng Bibliya na si Jehova ay may magagandang katangian. “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Hindi siya kailanman nagsisinungaling. (Tito 1:2) Siya ay di-nagtatangi, maawain, mahabagin, at mabagal sa pagkagalit. (Exodo 34:6; Gawa 10:34) Baka nga ikagulat pa ng marami na gusto ng Maylalang na magkaroon ng “matalik na kaugnayan” sa mga may paggalang sa kaniya.—Awit 25:14.

Kung paano ka makikinabang: Maaari kang maging kaibigan ni Jehova. (Santiago 2:23) At habang nalalaman mo ang mga katangian ni Jehova, mas maiintindihan mo ang mga ulat ng Bibliya.

‘HANAPIN SIYA’

Malinaw ang pagkakalarawan ng Bibliya sa Diyos na Jehova. Hindi siya mahirap maunawaan. Sa katunayan, gusto ng Maylalang na makilala mo siya. Ipinapangako ng kaniyang Salita, ang Bibliya: “Kung hahanapin mo siya, hahayaan niyang masumpungan mo siya.” (1 Cronica 28:9) Bakit hindi kilalanin ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga ulat ng Bibliya? Kung gagawin mo iyan, nangangako ang Bibliya na ang Diyos ay ‘lalapit sa iyo.’—Santiago 4:8.

Kung babasahin mo at pag-aaralan ang Bibliya, lagi kang may matututuhang bagong bagay tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga daan

Baka isipin mo, ‘Yamang hindi ko maiintindihan ang lahat tungkol sa Maylalang, paano ako magiging kaibigan niya?’ Pag-isipan ito: Kailangan bang nagtapos din ng medisina ang matalik na kaibigan ng isang doktor? Hindi. Maaaring may ibang propesyon ang kaibigan ng doktor. Pero posible pa rin silang maging magkaibigan. Ang mahalaga, kilalá ng kaibigan ng doktor ang personalidad nito, pati na rin ang mga gusto at ayaw nito. Maaari mo ring matutuhan mula sa Bibliya kung ano ang personalidad ni Jehova—ang lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa kaniya para maging kaibigan niya.

Malinaw na inilalarawan ng Bibliya ang Maylalang sa pagbibigay ng impormasyong kailangan natin para makilala ang Diyos. Gusto mo bang matuto nang higit pa tungkol sa Diyos na Jehova? Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aalok ng libreng pag-aaral sa Bibliya sa inyong tahanan. Maaari kang makipag-usap sa mga Saksi sa inyong lugar o magpunta sa aming website na www.dan124.com/tl.