TAMPOK NA PAKSA | MAY NAITUTULONG BA ANG PANALANGIN?
Mayroon Bang Nakikinig?
Nadarama ng ilan na ang pananalangin ay pagsasayang lang ng panahon, dahil wala namang nakikinig. Sinubukan naman ng iba na manalangin pero pakiramdam nila, hindi sila sinasagot. Isang ateista ang kumatha sa isip niya ng isang Diyos at saka nanalangin: “Magparamdam ka lang.” Pero sinabi niyang ang Diyos ay nanatiling “walang kibo.”
Gayunman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na may Diyos at na nakikinig siya sa mga panalangin. Iniuulat ng Bibliya ang pananalitang ito sa isang sinaunang bayan: “Walang pagsalang pagpapakitaan ka niya [ng Diyos] ng lingap sa tinig ng iyong pagdaing; kapag narinig niya iyon ay sasagutin ka nga niya.” (Isaias 30:19) Sinasabi ng isa pang teksto sa Bibliya: “Ang panalangin ng mga matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.”—Kawikaan 15:8.
Nanalangin si Jesus sa kaniyang Ama, “at malugod siyang pinakinggan.”—Hebreo 5:7
Isinasalaysay rin ng Bibliya ang halimbawa ng mga taong pinakinggan ang kanilang mga panalangin. Sinasabi ng isang teksto na si Jesus ay naghandog ng “mga pakiusap . . . sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya” at na “malugod siyang pinakinggan.” (Hebreo 5:7) Makikita ang iba pang halimbawa sa Daniel 9:21 at 2 Cronica 7:1.
Kung gayon, bakit inaakala ng ilan na hindi sinasagot ang kanilang panalangin? Para pakinggan, dapat tayong manalangin tangi lamang sa Diyos ng Bibliya, si Jehova, * at hindi sa ibang diyos ni sa mga ninuno. Hinihiling din ng Diyos na humingi tayo “ayon sa kaniyang kalooban”—sa mga bagay na sinasang-ayunan niya. Tinitiyak sa atin ng Diyos na kung gagawin natin ito, ‘pakikinggan niya tayo.’ (1 Juan 5:14) Kaya para pakinggan ang ating mga panalangin, kailangan nating makilala ang Diyos ng Bibliya at alamin ang kaniyang kalooban.
Naniniwala ang marami na ang panalangin ay hindi lang isang ritwal kundi na talagang nakikinig ang Diyos at sinasagot ang mga ito. Sinabi ni Isaac, taga-Kenya: “Nanalangin ako na tulungan akong maunawaan ang Bibliya. Di-nagtagal, may lumapit sa akin at inalok ako ng tulong na kailangan ko.” Sa Pilipinas naman, gusto ni Hilda na huminto sa paninigarilyo. Pagkatapos mabigo nang ilang beses, iminungkahi ng mister niya, “Bakit hindi ka manalangin sa Diyos at humingi ng tulong?” Sinunod niya ang payo at sinabi: “Hindi ako makapaniwala! Tinulungan Niya ako. Parang nawalan ako ng ganang manigarilyo. Naihinto ko ito.”
Interesado rin kaya ang Diyos na tulungan ka sa iyong mga ikinababahala na kaayon ng kaniyang kalooban?
^ par. 6 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.