Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG TINGIN NG DIYOS SA MGA DIGMAAN?

Ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan Ngayon

Ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan Ngayon

Ang mga tao ngayon ay sinisiil. Marami ang paulit-ulit na humihingi ng tulong sa Diyos at nagtatanong kung darating kaya ang tulong. Naririnig ba ng Diyos ang kanilang pagdaing? Kumusta naman ang mga nakikipagdigma para wakasan ang paniniil sa kanila? Sinusuportahan ba sila ng Diyos, anupat itinuturing na makatuwiran ang kanilang pakikipagdigma?

Ang Armagedon ang digmaan na tatapos sa lahat ng digmaan

Una, nakatutuwang malaman ang katotohanang ito: Nakikita ng Diyos ang pagdurusa sa daigdig ngayon, at layunin niyang wakasan ito. (Awit 72:13, 14) Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, nangangako ang Diyos na ang mga ‘dumaranas ng kapighatian ay giginhawa.’ Kailan? “Sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel . . . samantalang nagpapasapit siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:7, 8) Ang pagsisiwalat na ito kay Jesus ay mangyayari sa hinaharap sa tinatawag ng Bibliya na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” ang Armagedon.—Apocalipsis 16:14, 16.

Sa digmaang iyon, gagamitin ng Diyos, hindi ang mga tao, kundi ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, kasama ang iba pang makapangyarihang espiritung nilalang para makipagdigma laban sa masasama. Wawakasan ng mga hukbo sa langit ang lahat ng paniniil.—Isaias 11:4; Apocalipsis 19:11-16.

Hindi nagbago ang tingin ng Diyos sa mga digmaan hanggang sa ngayon. Isa pa rin itong matuwid na paraan para wakasan ang paniniil at kasamaan. Ngunit gaya ng pinatutunayan sa buong kasaysayan, ang Diyos lang ang may karapatang magpasiya kung kailan at kung sino ang makikipagdigma. Gaya ng natalakay na natin, naipasiya na ng Diyos na ang digmaan na tatapos sa kasamaan at maghihiganti para sa mga sinisiil ay sa hinaharap pa at ipakikipaglaban ito ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ibig sabihin, hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga digmaan na ipinakikipaglaban sa lupa ngayon, gaano man karangal sa wari ang layunin nito.

Upang ilarawan: Isipin ang dalawang magkapatid na nag-aaway habang wala ang tatay nila. Huminto sila sandali at tinawagan sa telepono ang kanilang tatay. Nagsumbong ang isa na ang kapatid niya ang nagpasimula ng away. Idinahilan naman ng isa na sinasaktan siya nito. Pareho silang nagsumbong sa tatay nila, na bawat isa’y umaasang kakampihan siya. Gayunman, matapos silang pakinggan, sinabihan sila na ihinto ang away at hintayin siya para lutasin ito pag-uwi niya. Sandaling naghintay ang dalawa. Di-nagtagal, nag-away na naman sila. Pagdating ng tatay sa bahay, hindi siya natuwa sa kanilang dalawa at pinarusahan sila dahil sa hindi pagsunod sa kaniya.

Sa ngayon, karaniwan nang humihingi ng tulong sa Diyos ang nagdidigmaang mga bansa. Pero walang kinakampihan ang Diyos sa mga digmaan ngayon. Sa halip, maliwanag na sinasabi niya sa kaniyang Salita, ang Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama,” at “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili.” (Roma 12:17, 19) At ipinaalam niya sa mga tao na dapat nilang matiyagang hintayin ang kaniyang pagkilos, na gagawin niya sa Armagedon. (Awit 37:7) Kapag hindi hinintay ng mga bansa ang pagkilos ng Diyos at sa halip ay makipagdigma, itinuturing niya ang gayong mga digmaan na kapangahasan, at hindi niya iyon sinasang-ayunan. Kaya sa Armagedon, ipahahayag ng Diyos ang kaniyang galit at lulutasin minsan at magpakailanman ang alitan ng mga bansa sa pamamagitan ng ‘pagpapatigil sa mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.’ (Awit 46:9; Isaias 34:2) Oo, ang Armagedon ang digmaan na tatapos sa lahat ng digmaan.

Ang wakas ng mga digmaan ay isa sa maraming pagpapala ng Kaharian ng Diyos. Ang gobyernong iyon ay binanggit ni Jesus sa kilalang panalangin na ito: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng digmaan pati na ang sanhi nito, ang kasamaan. * (Awit 37:9, 10, 14, 15) Hindi nga kataka-taka na buong-pananabik na inaasahan ng mga tagasunod ni Jesus ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos.—2 Pedro 3:13.

Pero hanggang kailan tayo maghihintay para wakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pagdurusa, paniniil, at kasamaan? Ipinakikita ng katuparan ng mga hula sa Bibliya na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1-5) * Hindi na magtatagal, wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang mga huling araw na ito sa digmaan ng Armagedon.

Gaya ng nabanggit kanina, ang mga malilipol sa pangwakas na digmaang ito ay ang mga hindi “sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:8) Ngunit alalahanin na ayaw ng Diyos na mamatay ang sinuman, pati na ang masasama. (Ezekiel 33:11) Dahil “hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa” sa pangwakas na digmaang ito, tinitiyak niya ngayon na ang mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus ay “ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa” bago dumating ang wakas. (2 Pedro 3:8, 9; Mateo 24:14; 1 Timoteo 2:3, 4) Oo, sa pamamagitan ng pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo, may pagkakataon ang mga tao ngayon na makilala ang Diyos, sundin ang mabuting balita hinggil kay Jesus, at mabuhay sa panahon na wala nang digmaan.

^ par. 9 Aalisin din ng Kaharian ng Diyos ang kaaway ng tao—ang kamatayan. Gaya ng binabanggit ng artikulong “Sagot sa mga Tanong sa Bibliya” sa isyung ito, bubuhaying muli ng Diyos ang di-mabilang na mga tao, kasama na ang maraming biktima ng digmaan sa buong kasaysayan.

^ par. 10 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga huling araw, tingnan ang kabanata 9 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.