Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Bakit nag-ahit si Jose bago humarap kay Paraon?

Isang sinaunang painting sa pader sa Ehipto tungkol sa isang barbero

Ayon sa ulat ng Genesis, ipinag-utos ni Paraon na dalhin agad sa kaniya ang bilanggong Hebreo na si Jose para bigyang-kahulugan ang mga panaginip niya na bumabagabag sa kaniya. Ilang taon nang nakabilanggo si Jose noong mga panahong iyon. Kahit na apurahan siyang ipinatawag ni Paraon, nag-ahit muna si Jose. (Genesis 39:20-23; 41:1, 14) Sa pagbanggit ng manunulat sa tila di-mahalagang detalyeng ito, makikitang pamilyar siya sa mga kaugalian sa Ehipto.

Karaniwan nang nagpapahaba ng balbas ang mga tao sa maraming bansa noon, kasali na ang mga Hebreo. Pero “tanging ang sinaunang mga Ehipsiyo lang sa mga bansa sa Silangan ang hindi nagpapahaba ng balbas,” ang sabi ng Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature nina McClintock at Strong.

Balbas lang ba ang inaahit? Sinasabi ng magasing Biblical Archaeology Review na may mga seremonyal na kaugalian sa Ehipto kung saan hinihiling sa isang lalaki na mag-ayos muna ng sarili bago humarap kay Paraon na para siyang papasok sa isang templo. Sa gayong sitwasyon, kailangang ahitin ni Jose ang lahat ng buhok sa kaniyang ulo at katawan.

Sa ulat ng Mga Gawa, sinasabing Griego ang ama ni Timoteo. Ibig bang sabihin nito, galing siya sa Gresya?

Hindi naman. Sa kaniyang kinasihang mga sulat, kung minsan ikinukumpara ni apostol Pablo ang mga Judio sa mga Griego, o Hellenes—na kapag sinabing Griego, para bang kumakatawan ito sa lahat ng di-Judio. (Roma 1:16; 10:12) Tiyak na ang isang dahilan nito ay sapagkat sa mga lugar na pinangaralan ni Pablo, lubhang pamilyar ang mga tao sa wika at kulturang Griego.

Sino ang itinuturing noon na mga Griego? Noong ikaapat na siglo B.C.E., may-pagmamalaking binanggit ng orador ng Atenas na si Isocrates ang paglaganap ng kulturang Griego sa daigdig. Sinabi niya na dahil dito, “Griego ang tawag sa mga nagtamo ng ibinibigay nating edukasyon, at hindi lang basta katutubo ng Gresya.” Kaya posibleng ang di-Judiong ama ni Timoteo at ang iba pang tinukoy ni Pablo na mga Griego ay hindi ipinanganak na Griego kundi lumaki sa kulturang Griego.—Gawa 16:1.