TAMPOK NA PAKSA | PUWEDE MONG MAUNAWAAN ANG BIBLIYA
Tulong Para Maunawaan ang Bibliya
Isipin mong pupunta ka sa isang bansa na ngayon mo lang mararating. Marami kang makikilalang tao na ibang-iba ang kaugalian, pagkain, at ginagamit na pera. Natural lang na baka madismaya ka.
Malamang na ganiyan din ang madama mo kapag nagbasa ka ng Bibliya sa unang pagkakataon. Para kang bumabalik sa isang sinaunang daigdig na marahil ay kakaiba para sa iyo. Doon, makikilala mo ang mga Filisteo, makikita mo ang kakaibang kaugalian gaya ng ‘paghapak sa mga kasuutan,’ o malalaman mo ang pagkain na tinatawag na manna at ang baryang tinatawag na drakma. (Exodo 16:31; Josue 13:2; 2 Samuel 3:31; Lucas 15:9) Puwede kang malito. Gaya ng pagpunta sa ibang bansa, hindi ba’t matutuwa ka kung may magpapaliwanag sa iyo ng mga bagay na ito?
TULONG NOON
Mula nang isulat ang sagradong mga akda noong ika-16 na siglo B.C.E., may tulong nang inilaan para maunawaan ang nilalaman nito. Halimbawa, ‘pinasimulang ipaliwanag’ ni Moises, unang lider ng bansang Israel, ang kahulugan nito.—Deuteronomio 1:5.
Makalipas ang mga 1,000 taon, may bihasang mga tagapagturo pa rin ng Kasulatan. Noong 455 B.C.E., nagtipon ang isang malaking grupo ng mga Judio, pati mga bata, sa isang liwasan sa lunsod ng Jerusalem. Naroon ang mga tagapagturo ng Bibliya na “patuloy [na] bumabasa nang malakas mula sa [sagradong] aklat” na iyon. Pero higit pa ang ginawa nila. “Patuloy silang nagbibigay ng unawa sa pagbasa.”—Nehemias 8:1-8.
Pagkaraan ng 500 taon, nagturo din si Jesu-Kristo tungkol sa Kasulatan. Sa katunayan, nakilala siya ng mga tao bilang isang guro. (Juan 13:13) Nagturo siya sa malalaking grupo, pati na rin sa mga indibiduwal. Minsan, nagbigay siya ng pahayag sa napakaraming tao, ang kilalang Sermon sa Bundok, at “lubhang namangha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo.” (Mateo 5:1, 2; 7:28) Noong tagsibol ng 33 C.E., kinausap ni Jesus ang dalawa niyang alagad habang naglalakad ang mga ito papunta sa isang nayon malapit sa Jerusalem, na “lubusan niyang binubuksan ang Kasulatan” sa kanila, o malinaw na ipinaliliwanag ito.—Lucas 24:13-15, 27, 32.
Ang mga alagad ni Jesus ay mga tagapagturo din ng Salita ng Diyos. Minsan, isang opisyal ng Etiopia ang nagbabasa ng isang bahagi ng Kasulatan nang lapitan ito at tanungin ng alagad na si Felipe: “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?” Sumagot ang Etiope: “Ang totoo, paano ko nga iyon magagawa, malibang may pumatnubay sa akin?” Ipinaliwanag sa kaniya ni Felipe ang kahulugan ng bahaging iyon ng Kasulatan.—Gawa 8:27-35.
TULONG SA NGAYON
Gaya ng mga guro at tagapagturo ng Bibliya noon, ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay nagtuturo din ng Bibliya sa 239 na lupain sa buong daigdig. (Mateo 28:19, 20) Linggo-linggo, tinutulungan nila ang mahigit siyam na milyong indibiduwal na maunawaan ang Bibliya. Marami sa mga nag-aaral ay di-Kristiyano. Libre ang pag-aaral at puwede itong gawin sa bahay nila o sa iba pang kumbinyenteng lugar. Ang ilan ay nag-aaral pa nga sa pamamagitan ng telepono o sa pamamagitan ng video gamit ang kanilang computer, tablet, o cellphone.
Pakisuyong makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova para malaman kung paano ka makikinabang sa kaayusang ito. Makikita mong ang Bibliya ay isang aklat na hindi mahirap maunawaan; sa halip, ito ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran,” upang ikaw ay “maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.