Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Halfpoint Images/Moment via Getty Images

PATULOY NA MAGBANTAY!

Nagbabala ang Isang Health Official sa Epekto ng Social Media sa mga Kabataan—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Nagbabala ang Isang Health Official sa Epekto ng Social Media sa mga Kabataan—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

 Noong Mayo 23, 2023, sinabi ng isang mataas na health official ng United States na nagkakaroon ng masamang epekto ang social media sa maraming kabataan.

  •   “Nakakatulong ang social media sa maraming bata at kabataan, pero nakita rin na talagang nakakasama ito sa mental at pisikal na kalusugan nila.”—Social Media and Youth Mental Health: The U.S. Surgeon General’s Advisory, 2023.

 Ipinakita ng advisory ang resulta ng mga pag-aaral.

  •   Ang mga edad 12 hanggang 15 na “gumagamit ng social media nang mahigit 3 oras kada araw ay dalawang beses na mas malamang na magkaroon ng problema sa mental health, gaya ng depression at anxiety.”

  •   Sa mga 14 years old, nakita na “kapag mas maraming oras ang ginagamit nila sa social media, kadalasan nang naaapektuhan nito ang pagtulog nila, binu-bully sila online, napapangitan sila sa sarili nila, pakiramdam nila wala silang halaga, at nade-depress sila. At mas nararanasan ito ng mga babae.”

 Paano mapoprotektahan ng mga magulang ang mga anak nila? Maganda ang ipinapayo ng Bibliya.

Ang puwedeng gawin ng mga magulang

 Maging alisto. Bilang mga magulang, alamin ang masasamang epekto ng social media bago magdesisyon kung papayagan ninyong gumamit ng social media ang mga anak ninyo.

 Kung papayagan ninyong gumamit ng social media ang anak ninyo, maging alisto sa mga posibleng panganib at regular na i-check ang ginagawa nila online. Paano?

 Protektahan ang anak mo sa nakakasamang content. Tulungan ang anak mo na malaman at iwasan ang nakakasamang content online.

  •   Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag man lang mabanggit sa gitna ninyo ang seksuwal na imoralidad at lahat ng uri ng karumihan o kasakiman . . . Hindi rin angkop sa inyo ang kahiya-hiyang paggawi, walang-saysay na usapan, at malaswang pagbibiro.”—Efeso 5:3, 4.

  •   Para sa praktikal na mga tip, basahin ang artikulong “Ituro ang Tamang Paggamit ng Social Media sa Anak Mong Teenager.”

 Mag-set ng limit. Halimbawa, sabihin kung kailan at kung gaano katagal puwedeng gumamit ng social media ang anak mo.

  •   Prinsipyo sa Bibliya: “Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”—Efeso 5:15, 16.

  •   Gamitin ang whiteboard animation na Maging Matalino sa Paggamit ng Social Network para maintindihan ng anak ninyo kung bakit kailangang limitahan ang paggamit ng social media.