Nakumpirma ang Lokasyon ng Isang Tribo ng Israel
Sinasabi ng Bibliya na nang masakop ng mga Israelita ang Lupang Pangako, hinati-hati nila ang lupain sa kanilang mga tribo. Ibinigay sa 10 pamilya sa tribo ni Manases ang ilang lupain na nasa kanluran ng Jordan, na nakahiwalay sa lahat ng iba pang tribo. (Josue 17:1-6) Mapapatunayan ba ito ng mga natuklasan ng arkeolohiya?
Noong 1910, nahukay sa Samaria ang isang koleksiyon ng mga piraso ng kagamitang gawa sa luwad na may nakaukit na mga sulat. Sa mga pirasong ito, o mga ostracon, may mga pananalitang nakasulat sa Hebreo. Mga rekord ito tungkol sa pagpapadala ng mamahaling mga produkto—gaya ng alak at langis para sa kosmetik—papunta sa palasyo ng kabiserang lunsod. Lahat-lahat, may natagpuang 102 ostracon, na mula pa noong mga ikawalong siglo B.C.E., pero 63 lang sa mga ito ang may ukit na nababasa pa. Pero kung pagsasama-samahin ang mga impormasyon sa 63 pirasong ito, mababasa ang mga petsa at pangalan ng mga pamilya, pati na ang nagpadala at tumanggap ng produkto.
Kapansin-pansin, lahat ng pamilya na binanggit sa Samaria Ostraca, ay mula sa tribo ni Manases. Ayon sa NIV Archaeological Study Bible: “Bukod sa ulat ng Bibliya, ang mga pangalan ng pamilya ng tribo ni Manases na nakatala sa mga [ito] ay naglalaan ng katibayan na nanirahan sila sa mga teritoryong iyon.”
Pinatunayan din ng Samaria Ostraca na totoo ang sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Amos tungkol sa mayayamang tao nang panahong iyon: “Umiinom sila ng alak sa mga mangkok, at pinapahiran nila ang sarili nila ng pinakapiling mga langis.” (Amos 6:1, 6) Kinumpirma ng Samaria Ostraca na ang mga produktong ito ay inangkat papunta sa ilang lupain kung saan nanirahan ang 10 pamilya ni Manases.