Negosyo Lang Ba ang Relihiyon?
Napapansin mo ba na maraming relihiyon ang parang mas interesadong kumita ng pera kaysa tumulong sa mga tao na mapalapít sa Diyos? Nag-aalok sila at nagbebenta ng mga serbisyo at produkto. Malaki ang suweldo at maluho ang buhay ng maraming lider ng relihiyon. Tingnan ang ilang halimbawa:
Ayon sa isang imbestigasyon, isang Katolikong obispo ang gumamit ng pondo ng simbahan sa loob ng 13 taon para sa halos 150 niyang biyahe sa private jet at mga 200 pagrenta ng limousine. Gumastos din siya ng mahigit apat na milyong dolyar para ipa-renovate ang tirahan niya na pag-aari ng simbahan.
Isang pastor sa isang bansa sa Africa ang regular na nagdaraos ng relihiyosong pagtitipon at libo-libo ang nagpupunta rito. Makikita sa malaking simbahan niya ang maraming klase ng paninda—“miracle oil,” tuwalya at T-shirt na may litrato niya, at iba pa. Mahirap lang ang karamihan ng pumupunta doon, samantalang siya, napakayaman.
Dalawa sa apat na sagradong bundok ng mga Budista sa China ay mga kompanya. Ang sikát na Shaolin Temple ay ginagamit sa maraming negosyo, kaya ang pinakamataas na monghe nito ay tinatawag na “CEO monk.”
May mga kompanya sa America na umuupa ng tao para gumawa ng mga relihiyosong ritwal at magpayo sa mga empleado nito.
Ano ang tingin mo sa mga relihiyon na nagnenegosyo? Naiisip mo ba kung ano ang nararamdaman ng Diyos sa mga taong pinagkakakitaan ang kanilang relihiyon?
Ano ang tingin ng Diyos sa mga relihiyong nagnenegosyo?
Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga relihiyong nagnenegosyo. Ipinapakita sa Bibliya na nagalit siya noon sa mga saserdote na nagsasabing kinakatawan nila ang Diyos pero nagtuturo nang “may bayad.” (Mikas 3:11) Nagalit din ang Diyos sa mga sakim na negosyante dahil ginawa nilang “pugad ng mga magnanakaw” ang lugar ng pagsamba.—Jeremias 7:11.
Gaya ng Diyos, galít din si Jesus sa mga taong ginagawang negosyo ang relihiyon. Noong panahon niya, nakikinabang ang mga lider ng relihiyon sa mga sakim na negosyante na pinayagan nilang magtinda sa loob ng templo sa Jerusalem. Sinamantala nila ang mga taong pumupunta doon para sumamba. Buong tapang na pinalayas ni Jesus sa templo ang mga mandarayang negosyanteng ito. Sinabi niya: “Huwag na ninyong gawing lugar ng negosyo ang bahay ng aking Ama!”—Juan 2:14-16.
Tinularan din ni Jesus ang pananaw ng Diyos noong nagtuturo siya sa mga tao. (Juan 8:28, 29) Hindi siya nagpabayad nang turuan niya sila tungkol sa Diyos. Hindi rin siya naningil nang gumawa siya ng mga himala, gaya nang pakainin niya ang nagugutom, pagalingin ang maysakit, at buhayin ang mga patay. Kahit kailan, hindi ginamit ni Jesus ang ministeryo niya para magpayaman—ni wala nga siyang sariling bahay.—Lucas 9:58.
Paano nagawa ng mga Kristiyano noon na hindi mahaluan ng negosyo ang pagsamba nila?
Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na huwag silang magpabayad sa pagtuturo nila. Sinabi niya: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Sinunod nila ang payo ni Jesus, at nakilala sila bilang mga Kristiyano. Tingnan natin ang ilang halimbawa:
Si apostol Pedro, na nakasama ni Jesus sa ministeryo niya, ay inalok ng pera ni Simon, isang lalaki na gustong magkaroon ng kapangyarihan at awtoridad. Agad na tinanggihan ni Pedro ang alok ni Simon at sinabi sa kaniya: “Malipol ka nawang kasama ng pilak mo, dahil iniisip mong mabibili mo ng pera ang walang-bayad na regalo ng Diyos.”—Gawa 8:18-20.
Si apostol Pablo ay nakilala bilang isang naglalakbay na ministro. Maraming taon siyang naglingkod sa mga kongregasyong Kristiyano, pero ni minsan, hindi siya humingi ng bayad. Siya, pati na ang iba pang Kristiyano noon, ay hindi “tagapaglako ng salita ng Diyos gaya ng marami.” (2 Corinto 2:17) Sa halip, isinulat ni Pablo: “Gabi’t araw kaming nagtrabaho para hindi mapabigatan ang sinuman sa inyo nang ipangaral namin sa inyo ang mabuting balita ng Diyos.”—1 Tesalonica 2:9.
Siyempre, kailangan din naman ng mga Kristiyanong iyon ng panggastos para sa malawakang pangangaral nila at pagtulong sa iba. Pero hindi sila nagpabayad para sa mga serbisyong iyon. Puwede namang magbigay ang mga tao kung gusto nila, ayon sa mga prinsipyong ito:
2 Corinto 8:12: “Dahil kung may pananabik ang isang tao, nagiging kalugod-lugod ang ibinibigay niya; hindi inaasahan na ibibigay ng isa ang hindi niya kayang ibigay kundi kung ano lang ang kaya niya.”
Ibig sabihin: Sa pagbibigay, mas mahalaga ang motibo kaysa sa halaga.
2 Corinto 9:7: “Magbigay ang bawat isa nang mula sa puso, hindi mabigat sa loob o napipilitan, dahil mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay.”
Ibig sabihin: Ayaw ng Diyos na napipilitan tayo sa pagbibigay. Natutuwa siya kapag nagbibigay tayo dahil gusto natin.
Ano ang malapit nang mangyari sa mga sakim na relihiyon?
Malinaw na sinasabi ng Bibliya na hindi tinatanggap ng Diyos ang lahat ng relihiyon o paraan ng pagsamba. (Mateo 7:21-23) Sa isang hula ng Bibliya, itinulad ang lahat ng huwad na relihiyon sa isang babaeng bayaran dahil nakikipag-alyansa sila sa mga gobyerno para sa pera o iba pang pakinabang at sinasamantala nila ang mga tao ng lahat ng bansa. (Apocalipsis 17:1-3; 18:3) Ipinakita rin sa hulang iyon na malapit nang parusahan ng Diyos ang huwad na relihiyon.—Apocalipsis 17:15-17; 18:7.
Habang hindi pa iyan nangyayari, ayaw ng Diyos na madaya ang mga tao o mailayo sila sa kaniya dahil sa maling gawain ng huwad na relihiyon. (Mateo 24:11, 12) Hinihimok niya ang tapat-pusong mga tao na alamin kung paano siya dapat sambahin at humiwalay sa huwad na relihiyon.—2 Corinto 6:16, 17.