PATULOY NA MAGBANTAY!
Pagkasira ng Lupa—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
“Dahil sa mga ginagawa ng tao, malapit na tayong dumating sa puntong lulubog sa baha ang malalaking lunsod. Makakaranas tayo ng matitinding heat wave, nakakatakot na mga bagyo, at kakulangan ng tubig sa maraming lugar. Mauubos ang milyon-milyong species ng mga halaman at hayop. Hindi ito basta kuwento lang o pagmamalabis. Ito ang sinasabi ng siyensiya na mangyayari kung hindi babaguhin ng mga gobyerno ang mga batas sa paggamit ng enerhiya.”—Pahayag ni António Guterres, secretary-general ng United Nations, tungkol sa report ng Intergovernmental Panel on Climate Change na inilabas noong Abril 4, 2022.
“Nagbababala ang mga scientist na sa susunod na mga taon, halos lahat ng 423 national park [sa United States] na madaling maapektuhan ng pagbabago ng temperatura ay masisira. Katulad ito ng mga sakunang ipinapahiwatig ng Bibliya: sunog at baha, natutunaw na mga yelo, pagtaas ng lebel ng dagat, at tumitinding mga heat wave.”—“Flooding Chaos in Yellowstone, a Sign of Crises to Come,” The New York Times, Hunyo 15, 2022.
Kaya pa bang solusyunan ang problemang ito ng lupa sa kalikasan? Kung oo, sino ang gagawa niyan? Tingnan ang sinasabi ng Bibliya.
Inihula ang pagkasira ng kalikasan
Sinasabi ng Bibliya na ‘ipapahamak ng Diyos ang mga nagpapahamak sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) May tatlong bagay na itinuturo sa atin ang tekstong ito sa Bibliya:
1. Dahil sa ginagawa ng mga tao, nasisira ang lupa.
2. Hindi magpapatuloy ang pagsira sa lupa.
3. Diyos ang gagawa ng solusyon sa mga problema sa kalikasan, hindi tao.
Siguradong magiging maayos ang lupa natin
Sinasabi ng Bibliya na “ang lupa ay mananatili magpakailanman.” (Eclesiastes 1:4) Titirhan ito magpakailanman.
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
Ibabalik ang perpektong kalagayan ng lupa.
“Ang ilang at ang tuyong lupain ay magsasaya, at ang tigang na kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.”—Isaias 35:1.