Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Krisis sa Tubig sa Mundo?

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Krisis sa Tubig sa Mundo?

 Kailangan natin ng malinis na tubig para mabuhay. Pero “dahil malaki ang pangangailangan ng mundo sa tubig,” ang sabi ni UN Secretary-General António Guterres, “problema ngayon ang krisis sa tubig.” Walang makuhang malinis na tubig ang bilyon-bilyong tao sa buong mundo.

Strdel/AFP via Getty Images

 Magkakaroon kaya ng sapat na tubig para sa lahat? O lagi na lang nating magiging problema ang krisis sa tubig? Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa suplay ng tubig

 Sinasabi ng Bibliya na darating ang araw na hindi na magkakaroon ng kakapusan sa tubig at na magiging sagana ang malinis na tubig.

 “Bubukal ang tubig sa ilang, at ang mga ilog sa tigang na kapatagan. Ang lupang natuyo sa init ay magiging lawa na may mga halaman, at ang lupang uhaw ay magiging mga bukal ng tubig.”—Isaias 35:6, 7.

 Bakit tayo makakapagtiwala sa pangakong iyan? Tingnan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa disenyo ng planeta natin.

Ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa planeta at water cycle

 ‘Hindi nilalang ng Diyos ang lupa nang walang dahilan, kundi nilikha niya ito para tirhan.’—Isaias 45:18.

 Ginawa ng Diyos ang lupa para suportahan ang buhay. Naglagay siya ng mga sistema sa kalikasan para magkaroon ng saganang malinis na tubig.

 “Tinitipon [ng Diyos] paitaas ang mga patak ng tubig; namumuo ang manipis na ulap para maging ulan; ibinabagsak iyon ng mga ulap at bumubuhos sa sangkatauhan.”—Job 36:27, 28.

 Inilalarawan nito ang ginawa ng Diyos para magkaroon ng natural at maaasahang sistema ng pagre-recycle at pagsusuplay ng tubig. Nag-e-evaporate ang tubig mula sa lupa at dagat, nagiging ulap, at bumabagsak bilang ulan. Dahil dito hindi nawawalan ng suplay ng malinis na tubig ang mga tao at hayop.—Eclesiastes 1:7; Amos 5:8.

 “Magpapaulan ako sa tamang panahon, at magbibigay ng ani ang lupain, at mamumunga ang mga puno sa parang.”—Levitico 26:4.

 Isang bansa ng mga magsasaka ang Israel noon. Nangako sa kanila ang Diyos na bibigyan niya sila ng regular na suplay ng tubig para magkaroon sila ng saganang ani. Alam kasi ng Diyos na para magkaroon ng pagkain, kailangan nila ng ulan sa tamang panahon.

 Gagawin ng Diyos sa buong mundo ang ginawa niya noon sa bansang Israel. (Isaias 30:23) Pero sa ngayon, lumalala ang krisis sa tubig sa iba’t ibang lugar sa mundo, kasama na ang hindi pag-ulan. Ano pa ang sinasabi ng Bibliya na magiging solusyon sa mga problema sa tubig ngayon?

Kung paano matatapos ang krisis sa tubig

 Sinasabi ng Bibliya na gagamitin ng Diyos ang Kaharian niya para solusyunan ang mga problema ng planeta natin, kasama na ang krisis sa tubig ngayon. (Mateo 6:9, 10) Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno sa langit na mamamahala sa lupa. (Daniel 2:44; Apocalipsis 11:15) Gagawin ng Kaharian ng Diyos ang hindi kayang gawin ng mga gobyerno ng tao. Aalisin nito ang mga dahilan ng problema sa tubig.

 Problema: Hindi nagiging normal ang water cycle dahil sa climate change. Nagkakaroon ng malalang mga tagtuyot at pagbaha dahil sa malalakas na ulan o pagtaas ng sea level.

 Solusyon: Aayusin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng problema sa kalikasan. Nangako ang Diyos: “Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 21:5) Magkakaroon ng saganang tubig sa mga tuyong lupain kaya magkakaroon ng buhay sa mga lugar na dating hindi natitirhan. (Isaias 41:17-20) Kaya ring kontrolin ng Kaharian ng Diyos, sa pamamahala ni Jesu-Kristo, ang mga puwersa ng kalikasan.

 Nang patigilin ni Jesus ang isang malakas na bagyo noong nasa lupa siya, ipinakita niya ang kapangyarihang ibinigay sa kaniya ng Diyos. (Marcos 4:39, 41) Sa pamamahala niya bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, mawawala na ang mga likas na sakuna. Magiging panatag at ligtas ang mga tao dahil hindi na sila matatakot sa anumang sakuna na puwedeng mangyari.

 Problema: Dahil sa mga makasariling tao at korporasyon, nadudumhan ang mga ilog, lawa, at mga imbakan ng tubig sa ilalim ng lupa kaya nagkakaroon ng kakulangan sa malinis na tubig.

 Solusyon: Lilinisin at aayusin ng Diyos ang mga nasirang ilog, lawa, dagat, at lupa. Magiging paraiso ang buong mundo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang ilang at ang tuyong lupain ay magsasaya, at ang tigang na kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.”—Isaias 35:1.

 Ano naman ang mangyayari sa mga taong hindi iniisip ang kalikasan o ang kapuwa nila? Ipinapangako ng Diyos na ‘ipapahamak niya ang mga nagpapahamak sa lupa.’—Apocalipsis 11:18, Kawikaan 2:21, 22.

 Problema: Mas marami sa suplay ng tubig ang nagagamit at nasasayang ng mga tao.

 Solusyon: Sa ilalim ng Kaharian, mangyayari ang kalooban ng Diyos, hindi ang sa mga tao. (Mateo 6:9, 10) Tuturuan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng mga sakop nito. “Ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman tungkol kay Jehova,” ang sabi sa Isaias 11:9. a Dahil sa kaalamang iyan at sa pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng nilalang niya, aalagaan ng mga tao ang napakagandang planeta natin at mga likas na yaman nito.

  •    Para malaman pa kung ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos, tingnan ang artikulong “Ano ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos?

  •    Basahin ang aklat ng Bibliya na Isaias sa kabanata 35, para malaman kung paano gagawing paraiso ang lupa.

  •    Panoorin ang video na Bakit Ginawa ng Diyos ang Lupa? para malaman kung ano ang layunin ng Diyos para sa lupa at sa mga tao.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?