MULA SA AMING ARCHIVE
Nagkakaisa sa Isang Nababahaging Bansa
Mula 1948 hanggang 1994, may apartheid sa South Africa. a Noong mga panahong iyon, hindi maganda ang tingin ng marami sa mga hindi nila kalahi. Sinabi ni Kallie, na itinuturing na “colored” (may ninunong magkaiba ang lahi) noong panahong iyon: “May diskriminasyon din ang mga non-white sa isa’t isa.”
Iba-iba ang lahi ng mga Saksi ni Jehova sa South Africa. Ano ang ginawa nila noong panahon ng apartheid? At ano ang matututuhan natin sa kanila?
Pagharap sa Delikadong Sitwasyon Noong Apartheid
Sa South Africa, nag-organisa ng mga protesta ang ilan sa mga hindi sang-ayon sa ginagawang paghihiwalay ng mga lahi. Marami sa kanila ang ikinulong, at pinatay pa nga ang iba. Kaya lalong naging marahas ang mga kumokontra sa gobyerno. Pero sinunod ng mga Saksi ni Jehova ang batas. Hindi sila sumali sa mga protesta o mga pagtatangkang baguhin ang gobyerno. ‘Nagpasakop sila sa nakatataas na mga awtoridad,’ gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo.—Roma 13:1, 2.
Madalas masubok ang pagiging neutral ng mga Saksi ni Jehova. Kung may kakampihan sila, puwede silang mapasama sa mararahas na away sa politika o kaya naman labanan ang mismong mga kapananampalataya nila. Halimbawa, “nang magkaroon ng mga pag-aaklas noong 1976, pinilit ang maraming estudyante ng high school na sumali sa mga riot sa politika,” ang sabi ni Thembsie. “Y’ong mga estudyanteng sumali sa riot, nagbabahay-bahay sila para kumbinsihin ang iba pang estudyante na sumama sa kanila. Kapag tumanggi ka, puwede nilang sunugin ang bahay mo, o kaya naman bugbugin ka hanggang sa mamatay ka.” Sinabi ng isang lider ng partidong kontra sa gobyerno kay Theophilus, na isang Saksi, “Kapag natalo namin ang puting ’yon, papatayin ka namin kasi hindi ka lumaban para sa bansa natin.”
Sama-samang Nagpupulong sa Nababahaging Bansa
Napakahirap ng sitwasyon noon dahil sa apartheid, pero patuloy pa ring nagpupulong ang mga Saksi sa South Africa. (Hebreo 10:24, 25) Hindi makapagtayo ng Kingdom Hall ang ilang kongregasyon kasi napakahirap ng buhay. b “Ilang taon din kaming umuupa ng mga pasilidad kahit hindi maayos ang mga iyon,” ang sabi ni Enver. “Kaya ipinagamit ni Tatay ang bahay namin para sa mga pulong. Dalawang beses sa isang linggo, inaayos namin ’yon na parang Kingdom Hall. Minsan, mahigit 100 ang nagsisiksikan sa bahay namin. Pagkatapos ng mga pulong, madalas kaming mag-alok ng mga pagkain at inumin sa mga dumalo.”
Dahil sa apartheid, nagkaroon ng mga hadlang sa gawain ng mga Saksi pero nakagawa sila ng mga paraan. Halimbawa, sa Limpopo Province, isang puting brother ang naatasang magpahayag sa isang circuit assembly. Pero dahil gaganapin iyon sa lugar ng mga itim, hindi siya pinayagang pumasok doon. Kaya nakiusap siya sa isang puti na may-ari ng farm na katabi lang ng lugar ng mga itim. Nagkasundo sila na sa farm siya magpapahayag habang nasa kabilang bakod naman ang mga tagapakinig.
Pangangaral sa mga Teritoryo Noong May Apartheid
Noong panahon ng apartheid, pinagsasama-sama sa isang lugar ang magkakalahi. Kaya karaniwan nang pare-pareho ng lahi ang matatagpuan sa teritoryo ng kongregasyon. Dahil sa apartheid, kailangang maging flexible ng mga Saksi sa mga kaayusan sa pangangaral. Halimbawa, nahirapan ang mga kapatid sa pangangaral sa mga unassigned territory. “May mga lugar na hindi puwedeng makitulog ang mga non-white. Kaya natutulog kami sa kotse namin o sa ilalim ng mga puno,” ang sabi ni Krish, na itinuturing na “Indian” noong panahon ng apartheid. “Kinabukasan, maghihilamos kami at makikigamit sa restroom ng gasolinahan. Kaya lang kung minsan, may nakapaskil na ‘Whites Only’ sa mga restroom. Pero kahit gano’n ang kalagayan, patuloy pa rin ang mga kapatid sa masayang pangangaral at pagtuturo sa mga interesado sa mga lugar na iyon.”
Mahirap ang sitwasyon noon, pero patuloy pa ring dumami ang mga lingkod ni Jehova. Nang gawing legal noong 1948 ang apartheid, 4,831 lang ang Saksi ni Jehova sa South Africa. Pero nang matapos iyon noong 1994, naging 58,729 ang mga mamamahayag doon. At mas dumami pa iyon. Noong 2021, umabot sa 100,112 ang pinakamataas na bilang ng mga mamamahayag sa South Africa.
Pinagkakaisa ng Pag-ibig Kahit Napapalibutan ng Galit
Pinagbubukod-bukod ang mga lahi sa South Africa noong panahon ng apartheid. Pero sinikap pa rin ng mga Saksi ni Jehova na magpakita ng pag-ibig at pagkakaisa sa lahat ng lahi. Itinuro nila at sinunod ang mga prinsipyo sa Bibliya. (Gawa 10:34, 35) Kahit napapalibutan sila ng galit, pinagkakaisa sila ng pag-ibig.—Juan 13:34, 35.
Noong 1993, nagkaroon ng kombensiyon ang mga Saksi ni Jehova sa South Africa na dinaluhan ng iba’t ibang lahi. Nang dumating ang mga international delegate sa airport, masaya silang binati at niyakap ng mga Saksi na taga-South Africa. At nakita iyon ng isang kilalang lider sa politika, kaya nasabi niya: “Kung nagkakaisa kaming tulad ninyo, nalutas na sana namin noon pa man ang aming mga problema.”
a Ang apartheid ay isang sistema sa politika kung saan pinaghihiwa-hiwalay ang mga lahi. Nakadepende sa lahi ng isa kung anong edukasyon ang puwedeng niyang kunin, ano ang puwede niyang maging trabaho, saan siya puwedeng tumira, at sino ang puwede niyang mapangasawa. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang “Ano Ba ang Apartheid?” sa 2007 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova.
b Mula noong 1999, ang mga donasyon mula sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay ginagamit para magtayo at mag-renovate ng mga Kingdom Hall kung saan may pangangailangan.