Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Nakatulong ang JW Satellite Channel sa mga Lugar na Walang Internet

Nakatulong ang JW Satellite Channel sa mga Lugar na Walang Internet

ABRIL 1, 2021

 Inaabangan natin buwan-buwan ang espirituwal na mga programa at video sa JW Broadcasting. Pero hindi ito napapanood ng maraming kapatid natin sa Africa. Bakit?

 Maraming lugar sa Africa ang walang access sa Internet. Kung mayroon man, madalas na mabagal ito o napakamahal. Halimbawa, isang tagapangasiwa ng sirkito sa Madagascar ang nag-download ng isang programa ng JW Broadcasting sa isang Internet café. Nagbayad siya ng $16—mas malaki pa sa kinikita sa isang linggo ng ilang tagaroon! a

 Sa kabila nito, milyon-milyon sa Africa ang puwede nang makapanood ng JW Broadcasting kahit walang Internet. Paano?

 Mula noong 2017, napapanood na ng mga nakatira sa timog ng Sahara sa Africa ang JW Broadcasting gamit ang isang satellite-television channel. Nagbobrodkast ito nang libre—24 na oras kada araw, 7 araw sa isang linggo, sa 16 na wika.

Mga kapatid sa Mozambique na nag-a-adjust ng receiver ng JW satellite channel sa kanilang Kingdom Hall, 2018

 Para magawa ito, nakipagkontrata ang mga Saksi ni Jehova sa isang television broadcast service para maipalabas ang mga programa natin. Naaabót ng satellite na ito ang mga 35 bansa sa timog ng Sahara sa Africa. Mahigit $12,000 ang binabayaran kada buwan para sa kontratang iyon. Kapag may kailangang ibrodkast nang live, nagbabayad tayo para sa isa pang channel. Dahil dito, libo-libo ang nakakapanood ng mga kombensiyon o ng espesyal na programa kapag may branch visit.

Isang grupo ng Local Design/Construction sa Malawi ang nanonood ng JW satellite channel, 2018

 Maraming tao, kasama na ang mga di-Saksi, ang nakakapanood ng JW satellite channel sa TV nila sa bahay. Pero may mga kapatid na walang pambili ng equipment na kailangan para makapanood nito. Kaya naglagay ng satellite-receiving equipment sa mahigit 3,670 Kingdom Hall para mapanood ng mga kapatid ang JW Broadcasting doon. Kung may TV o projector na ang Kingdom Hall, nasa $70 na lang ang gastos sa equipment, kasama na ang pagpapadala nito. Pero kung wala pa, umaabot ito nang hanggang $530.

 Ipinagpapasalamat ng mga kapatid ang paglalaang ito. Sinabi ng isang elder sa Cameroon: “Para sa pamilya namin, gaya ito ng manna sa gitna ng disyerto.” Sinabi naman ni Odebode, isang brother sa Nigeria: “Tatlong beses sa isang linggo naming pinapanood ng pamilya ko ang channel na ito. Laging excited ang mga anak ko. Minsan nga, kapag may iba kaming pinapanood, ipinapalipat pa nila ang TV sa JW channel.” Ganito naman ang sinabi ni Rose, na taga-Nigeria din: “Natutuwa ako sa JW satellite channel, kasi hindi na puro balita ang pinapanood ko. Kapag nanonood ako ng balita, mabilis akong mainis at tumataas ang presyon ng dugo ko. Pero napapatibay ako at narerelaks ng JW Broadcasting! Ito ang paborito kong channel. Napakagandang regalo nito galing kay Jehova.”

Isang pamilya sa Malawi ang nanonood ng pambatang video sa ating satellite channel

 Sinabi ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa Mozambique na sa sirkito niya, nai-set up na sa mga Kingdom Hall ang mga equipment para sa satellite channel. Ang mga kapatid sa mga kongregasyon doon ay dumarating nang isang oras bago magpulong o mas maaga pa para manood ng JW Broadcasting.

Isang kongregasyon sa Ethiopia ang nakapanood ng isang programa ng JW Broadcasting kahit walang Internet, 2018

 Noong 2019 internasyonal na kombensiyon sa Johannesburg, South Africa, ginamit ang channel para maipapanood sa siyam na iba pang lokasyon ang mga tampok na pahayag, kasama na ang mga pahayag ng miyembro ng Lupong Tagapamahala. Sinabi ni Sphumelele, na nagtatrabaho sa local Broadcasting Department sa sangay sa South Africa: “Dati, ipinapadala namin ang mga pahayag gamit ang Internet. Kaya lang, kailangang maganda ang koneksiyon ng Internet, ’tapos may bayad pa. Pero ang JW satellite channel, mas mura na, stable pa.”

 Dahil sa mga donasyon ninyo para sa pambuong-daigdig na gawain, maraming kapatid sa Africa ang nakakapanood na ngayon ng JW Broadcasting. Maraming salamat sa inyong pagkabukas-palad. Pinapahalagahan namin ang mga donasyong ibinibigay ninyo gamit ang mga paraang makikita sa donate.dan124.com.

a Ang lahat ng dolyar sa artikulong ito ay tumutukoy sa U.S. dollar.