Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Pagpapanatiling Ligtas ng mga Kingdom Hall sa Panahon ng COVID-19

Pagpapanatiling Ligtas ng mga Kingdom Hall sa Panahon ng COVID-19

OKTUBRE 1, 2022

 “Masaya kaming ipaalam sa inyo na nagdesisyon ang Lupong Tagapamahala na puwede nang magpulong nang magkakasama ang mga kapatid sa bawat kongregasyon simula sa linggo ng Abril 1, maliban na lang kung may restriksiyon ang gobyerno sa lugar ninyo.” Na-excite ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo sa announcement na iyan sa jw.org noong Marso 2022. Pero hindi pa tapos ang COVID-19 pandemic. a Anong mga pagbabago, suplay, at kagamitan ang kailangan para maprotektahan ang mga dumadalo mula sa kumakalat na virus? Mga dalawang taon nang hindi nagagamit ang mga Kingdom Hall, kaya paano ito maihahanda para sa mga pulong?

 Ang totoo, maraming buwan nang naghahanda ang mga kapatid para sa pagbabalik ng mga pulong sa Kingdom Hall.

Iba’t Ibang Pangangailangan, Iba’t Ibang Solusyon

 Isang buwan pa lang mula nang ihinto ang in-person na mga pagpupulong noong 2020, pinag-aralan na ng Worldwide Design/Construction Department (WDC), sa Warwick, New York, kung paano makakaapekto ang COVID-19 sa paggamit natin ng mga Kingdom Hall at kung ano ang mga kailangan para mapanatiling ligtas ang mga ito.

 Siyempre, iba’t iba ang kailangan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sinabi ni Matthew De Sanctis, na nagtatrabaho sa WDC: “Sa ilang lugar, walang maayos na mga handwashing facility ang mga Kingdom Hall. May ilang Kingdom Hall din na walang tubig, kaya kailangan pa ng mga kapatid na bumili o umigib sa balon o ilog. Sa ibang bansa naman, nagbago ang kahilingan ng gobyerno pagdating sa paggamit ng aircon, bentilasyon ng hangin, at mga signage tungkol sa kalusugan at kalinisan.”

 Ano ang ginawa ng mga kapatid? Nakita nila na sa maraming Kingdom Hall, “hindi na kailangang gumastos nang malaki dahil may mga simpleng solusyon naman na epektibo,” ang sabi ni Matthew. Halimbawa, sa Papua New Guinea, para magkaroon ng hugasan ng kamay, nilagyan ng mga kapatid ng gripo ang mga timba na kayang maglaman ng 20 litro ng tubig. Kaya $40 (U.S.) lang ang ginastos nila para sa bawat Kingdom Hall. Para sa mga Kingdom Hall naman sa Africa, mahigit 6,000 magagandang klaseng handwashing station ang binili sa isang supplier sa Asia.

Tinuturuan ng mga magulang ang mga anak nila kung paano maghugas ng mga kamay

 Ang isa pang ginawa ay ang pag-i-install o pag-a-adjust ng mga fan para mas maayos ang bentilasyon sa Kingdom Hall. Maraming kongregasyon ang bumili ng mga boom pole para hindi na hahawakan ng mga kapatid ang mikropono kapag may talakayan. Regular ding sina-sanitize ang mga bagay na madalas hawakan na puwedeng kapitan ng virus, gaya ng hawakan ng pinto at mga gripo. Sa ilang kongregasyon naman, nilagyan nila ang mga CR ng Kingdom Hall ng mga gripong may sensor. Sa Chile, gumastos ng mga $1,400 (U.S.) sa bawat Kingdom Hall para maihanda ito para sa face-to-face na pagpupulong.

Hindi na ipinapasa ang mga mikropono

 Mahalaga na maging safe ang mga Kingdom Hall, pero sinikap din ng mga kapatid na gamitin ang mga donasyon sa pinakamatalinong paraan. Halimbawa, sa ilang lugar, sinamantala ng mga kapatid ang pagbili ng mga handwashing station at boom pole habang may tulong mula sa gobyerno. Nagtulungan ang mga sangay sa pagbili ng maraming suplay para makatipid. Madalas din na direktang bumibili sa mga manufacturer ang mga sangay at ang Global Purchasing Department para makamura at mas mapabilis ang pagde-deliver.

Isang sanitizing station

“Ramdam Ko Talaga na Safe Ako”

 Nakatulong ang mga kaayusang ginawa sa mga Kingdom Hall para maingatan at mapanatag ang mga dadalo. Inamin ni Dulcine, isang sister sa Peru, na “medyo natakot” siya nang malaman niya na magpupulong na ulit sa mga Kingdom Hall. “Simula pa lang ng pandemic, nagka-COVID na ako,” ang sabi niya. “Kaya nag-aalangan ako na dumalo sa Kingdom Hall kasi baka mahawa ulit ako. Pero pagdating ko sa Kingdom Hall, napansin ko na ang daming ginawa ng mga elder para maging ligtas dito. May mga hand-sanitizing station, at gumagamit na ng mga boom pole sa mga mikropono. May kaayusan din na idi-disinfect ang Kingdom Hall bago at pagkatapos ng bawat pulong. Dahil sa mga ito, ramdam ko talaga na safe ako.” b

Pagdi-disinfect sa Kingdom Hall

 Iba naman ang naging hamon kay Sara, isang sister sa Zambia. Sinabi niya: “Mga ilang buwan pa lang mula nang mamatay ang asawa ko dahil sa COVID-19. Unang beses ’kong dadalo sa Kingdom Hall na wala na siya. Kaya hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko.” Pero ano ang naramdaman niya nang dumalo siya? Sabi niya: “Dahil sa face-to-face na mga pulong, naramdaman ko na hindi tayo pinapabayaan ni Jehova sa mga huling araw na ito. At ngayon, mas ramdam ko ang pampatibay, pag-ibig, at suporta ng mga elder at ng mga kapatid.”

Masaya ang mga kapatid na magpulong ulit nang face-to-face

 Tuwang-tuwa ang mahal nating mga kapatid sa buong mundo na sa Kingdom Hall na uli tayo nagpupulong. Maraming salamat sa mga donasyon ninyo na karamihan ay ipinadala sa donate.dan124.com. Nakatulong ang mga donasyong ito para maging ligtas at komportable ang mga Kingdom Hall kung saan natin sinasamba si Jehova.

a Kung kailangan, maaari pa ring dumalo ng pulong sa pamamagitan ng videoconference o telepono.

b Lahat ng dumadalo sa Kingdom Hall ay hinihilingang magsuot ng face mask.