Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Pagtatanggol sa Karapatang Sumamba ng mga Kapatid Nating Katutubo

Pagtatanggol sa Karapatang Sumamba ng mga Kapatid Nating Katutubo

MAYO 1, 2021

 Daan-daang milyon ang nakatira sa Latin America, at milyon-milyon sa mga ito ang may sariling katutubong wika at kaugalian. Marami sa kanila ay mga kapatid natin na nagpapahalaga sa kanilang minanang kultura. Para matulungan ang mga tao, nagsasalin sila at namamahagi ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova sa mahigit 130 katutubong wika sa Latin America. a Ang ilan sa kanila ay pinag-uusig dahil sa paglilingkod kay Jehova at pagtangging makibahagi sa mga kaugaliang karaniwan sa kanilang komunidad pero labag sa sinasabi ng Bibliya. Paano nakakatulong sa kanila ang mga donasyon mo?

Nakatulong Para Makabalik sa Lugar Nila

 Sa Mexico, may mga kapatid tayong nakatira sa isang komunidad ng mga Huichol na nasa mga bundok ng Jalisco. b Magalang silang tumanggi na sumali sa mga relihiyosong gawain na labag sa konsensiya nila. Pero may mga nagalit na katutubo. Noong Disyembre 4, 2017, isang grupo ng galít na mga katutubo ang umatake sa mga Saksi at sa iba pang kasama nila. Sapilitan silang pinalayas sa komunidad, sinira ang mga pag-aari nila, at pinagbantaang papatayin kapag bumalik sila.

 Tumulong agad ang mga kapatid na nasa mga kalapít na bayan. Pero may magagawa kaya para makabalik sila sa lugar nila? “Wala kaming pera para kumuha ng abogado,” ang sabi ng brother na si Agustín, “at hindi namin alam kung kanino lalapit.”

 Dahil tungkol ito sa kalayaang sumamba ng mga kapatid natin, kumilos agad ang sangay sa Central America. Una, pinaimbestigahan nila sa lokal na mga awtoridad ang nangyaring krimen. Pagkatapos, inaprobahan ng Coordinators’ Committee ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova na makipag-ugnayan sila sa Legal Department sa pandaigdig na punong-tanggapan at magsampa ng kaso para sa mga kapatid nating Huichol. Nakarating ang kaso sa Supreme Court of Justice of the Nation—ang pinakamataas na korte sa Mexico.

 Naghanda ng isang malinaw na argumento ang isang grupo ng mga abogadong mula sa iba’t ibang bansa. Ipinaliwanag ng mga abogado na kung paanong nirerespeto ng iba ang kultura ng mga katutubong komunidad, dapat ding irespeto ng mga nasa katutubong komunidad ang karapatan ng lahat ng miyembro nila. Ang lahat ng tao ay may karapatan saanman sila nakatira.

 Noong Hulyo 8, 2020, nagkaisa ang Supreme Court of Justice sa desisyong pabor sa mga Saksi ni Jehova. Iniutos nitong pabalikin ang lahat ng pinalayas sa komunidad nila. Talagang nagpapasalamat si Agustín, na binanggit kanina, pati na ang mga kasama niya. Sinabi niya: “Maraming, maraming salamat sa lahat ng ginawa ng mga kapatid para sa amin. Kung hindi nila kami tinulungan, wala kaming magagawa.”

‘Nagtutuon ng Malaking Pansin Para sa Iilan’

 Pinag-usig din ang mga kapatid natin sa San Juan de Ilumán, isang nayon sa Ecuador kung saan nakatira ang maraming katutubo ng Otavalo Valley. Noong 2014, matapos makuha ang lahat ng kinakailangang permit, sinimulan nilang itayo ang Kingdom Hall. Pero sapilitan silang pinatigil ng isang grupo ng mahigit 100 tao na pinapangunahan ng isang pari. Pagkatapos, ipinagbawal din ng komunidad ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova.

 Nagtulungan ang legal department na nasa sangay sa Ecuador at ang nasa pandaigdig na punong-tanggapan para ipagtanggol ang karapatang sumamba ng mga kapatid doon. Nagsampa ng kaso ang mga kapatid. Dahil dito, itinigil ng komunidad ang pag-uusig at pinayagan nang magpatuloy ang mga pagpupulong at ang pagtatayo ng Kingdom Hall. Pero para hindi na maulit ang ganitong pag-uusig, inilapit ng mga abogado natin sa matataas na korte ang isang napakahalagang usapin: Dapat bang kilalanin ng mga katutubong komunidad ang mga karapatang pantao na itinakda sa buong mundo?

 Noong Hulyo 16, 2020, ang kaso ay dininig ng Constitutional Court of Ecuador, ang pinakamataas na korte sa bansang iyon. Ang mga kapatid nating abogado sa Ecuador ang humarap para sa kongregasyon. Bukod sa kanila, apat pang kapatid na makaranasang abogado mula sa iba’t ibang bansa ang humarap din sa pagdinig. Dahil sa mga restriksiyon ng COVID-19, ginawa nila ito sa pamamagitan ng videoconference. Ito ang unang pagkakataon na ang isang legal team ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay pinayagan ng anumang korte na magharap ng mga argumento sa ganitong paraan. c Binanggit nila na ayon sa internasyonal na mga batas, hindi nawawala ang mga karapatan ng isang tao dahil lang sa miyembro siya ng isang katutubong komunidad.

Gamit ang videoconference, ipinagtanggol ng mga abogado mula sa iba’t ibang bansa ang karapatan ng mga kapatid natin

 Hinihintay ng mga kapatid natin sa Otavalo Valley ang desisyon ng Constitutional Court. Pero kahit wala pa ang desisyon, nagpapasalamat na sila sa tulong na natanggap nila. Sinabi ni César, isang elder sa Ilumán Quichua Congregation: “Si Jehova lang, sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, ang magtutuon ng malaking pansin para sa iilan.”

 Lahat ng abogadong nagtanggol sa mga kapatid natin sa mga kasong ito ay mga Saksi ni Jehova. Masaya silang tumutulong nang walang bayad. Pero ang pagsasampa ng kaso, paghahanda, at pagtatanggol nito sa korte ay nangangailangan ng panahon at pera. Mahigit 380 oras ang nagamit ng mga abogado at iba pang kapatid sa paghahanda ng argumento, at 240 oras para sa pagsasalin ng mga dokumentong gagamitin sa paglilitis sa Mexico. Daan-daang oras naman ang nagamit ng halos 40 abogado mula sa iba’t ibang bansa para sa kaso sa Ecuador. Paano natin natustusan ang mga gastos na ginamit sa mga kasong ito? Sa pamamagitan ng mga ibinigay ninyong kontribusyon gamit ang mga paraang makikita sa donate.dan124.com. Maraming salamat sa inyong pagkabukas-palad.

a Nagsasalin din ang mga Saksi ni Jehova sa maraming iba pang wikang sinasalita sa Latin America at sa ilang sign language na ginagamit lang sa rehiyong iyon.

b Tinatawag ding Wixáritari ang mga Huichol, at Wixárika ang karaniwang tawag sa wika nila.

c Kahit na walang kinalaman sa kaso ang ating organisasyon, pinayagan ng mga hukom na humarap sa korte ang mga kapatid natin bilang amicus curiae, o “kaibigan ng korte.”