Paalam Bossert Hotel
Noong Nobyembre 2012, ipinagbili ng mga Saksi ni Jehova ang Bossert Hotel. Ibinigay na sa bagong may-ari ang mga susi, at gaya ng di-mabilang na mga naging panauhin dito, nag-check out na ang mga Saksi. Ang napagbilhan ay gagamitin sa pagpapasulong sa pambuong-daigdig na gawaing pagtuturo sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova.
Ipinagbili ng mga Saksi ang 14-na-palapag na gusali na istilong Italian Renaissance dahil ang kanilang punong-tanggapan sa Brooklyn, New York ay ililipat na sa Warwick, New York. Inaasahang aabutin nang ilang taon ang paglilipat na ito.
Sandaang-Taóng Kasaysayan
Si Louis Bossert, isang negosyante ng lumber sa New York, ang nagtayo ng Bossert noong 1909 upang gawing “apartment hotel” para sa mga pansamantala at permanenteng residente. Dahil mabilis itong napuno, pinalakihan ito noong 1914, kaya halos nadoble ang sukat nito. Isang restawran na tinawag na Marine Roof ang idinagdag sa rooftop nito noong 1916.
Noong dekada ’80, binili at ni-renovate ng mga Saksi ni Jehova ang gusali para maging tirahan ng mga nagtatrabaho sa kanilang punong-tanggapan. Ang mga ballroom ay ginawang mga dining room at ang restawran sa rooftop ay ginawang lounge para sa mga residente at sa kanilang mga bisita.
Mula noong 2010, sa gusaling ito tumutuloy ang mga Saksi ni Jehova mula sa iba’t ibang bansa na dumadalaw para mag-tour sa punong-tanggapan.
Pinaplano ng bagong may-ari na i-renovate ang gusali at gawing hotel. Dahil napakaganda ng kondisyon ng gusali, ang Bossert na may mga studio-type at one-bedroom unit ay madaling gawing luxury hotel.
Ibinalik ang Ganda
Bago lumipat ang mga Saksi ni Jehova sa Bossert, hindi maganda ang kalagayan ng gusali dahil napabayaan ito sa loob ng maraming taon. Ang puting pinakapader nito sa labas ay marumi at ang kornisa nito na gawa sa terakota na nakapalibot sa tuktok ng gusali ay sira-sira at marupok na. Ang mga bintana ay luma na rin at pinapasok ng hangin. Mga kalapati na lang ang kostumer sa Marine Roof. Kaya sinimulan ang malaking proyekto ng renovation. Ang mga Saksi ni Jehova sa buong Estados Unidos ay naglaan ng kanilang panahon, at ginamit ang kanilang kasanayan para sa proyektong ito na natapos noong 1991.
Nilinis at kinumpuni ng mga Saksi ang pinakapader ng gusali na gawa sa limestone at granite. Pinalitan nila ang kornisa ng eksaktong replika nito na gawa sa magaang fiberglass. Nagkabit din sila ng mga bintana na gawa sa mahogany.
Ni-renovate din nang husto ang loob ng gusali, lalo na ang dating magandang lobby nito. Sira na ang mga marmol na dingding, kaya bumili sila ng mga pamalit sa dating pinagkunan nito sa isang quarry sa Italy. Ang kisame na may masalimuot na disenyo pero sinira ng tubig ay isinauli rin nila sa dating ganda nito.
Hindi naging madali ang pagkukumpuni sa malalaking bakal na poste. Ang orihinal na finishing ng mga ito ay eskayola na istilong Italian at mukhang marmol. Pero maraming ulit na itong pinapinturahan ng naunang mga may-ari ng gusali. Hindi alam ng mga boluntaryong Saksi ang paglalagay ng eskayola. Isang libro na nagtuturo ng paggawa ng artipisyal na marmol ang nakuha nila sa isang kalapit na unibersidad. Sa tulong nito, nakumpuni nila ang mga poste at natularan ang orihinal na hitsura nito sa loob ng ilang linggo.
Nang matapos ang renovation noong 1991, ang gusali ay maganda na, praktikal pa. Bilang pagkilala sa pagsisikap na ito, ang Bossert ay ginawaran ng Lucy G. Moses Preservation Award dahil sa napakahusay na pagsasauli sa kagandahan ng gusali.