Pumunta sa nilalaman

Pinag-isang mga Tanggapang Pansangay ng Mga Saksi ni Jehova

Pinag-isang mga Tanggapang Pansangay ng Mga Saksi ni Jehova

Noong Setyembre 2012, mahigit 20 sangay na ng Mga Saksi ni Jehova ang inilipat sa pangangasiwa ng mas malalaking tanggapang pansangay.

Bukod diyan, nagtayo ng bagong mga sangay sa Serbia at Macedonia. May dalawang pangunahing dahilan sa mga pagbabagong ito.

1. Pinasimple ng teknolohiya ang gawain

Dahil sa pagsulong ng teknolohiya sa komunikasyon at pag-iimprenta nitong nagdaang mga taon, kaunting manggagawa na lang ang kailangan sa ilang sangay. At yamang kaunti na lang ang nagtatrabaho sa mas malalaking sangay, may lugar na para sa ilang manggagawa mula sa maliliit na sangay sa ibang bansa.

Ngayon, sa malalaking sangay na ito, mas maraming makaranasang mga Saksi ang sumusuporta sa gawaing pagtuturo ng Bibliya. Halimbawa, ang gawaing pangangaral sa Costa Rica, El Salvador, Guatemala, Honduras, Nicaragua, at Panama ay pinangangasiwaan na ngayon ng sangay sa Mexico. Kaya isinara na ang mga sangay sa anim na bansang iyon.

Apatnapu mula sa anim na sangay na iyon ang ipinadala sa sangay sa Mexico. At mga 95 ang nanatili sa kani-kanilang bansa bilang buong-panahong ministro.

Ang ilang miyembro naman ng dating mga sangay na iyon sa Sentral Amerika ay nagtatrabaho ngayon sa mga translation office sa ilalim ng pangangasiwa ng Mexico. Halimbawa, mga 20 Saksi sa Panama ang nagsasalin ng mga publikasyon ng Watchtower sa katutubong mga wika. Sa Guatemala, 16 na Saksi ang nagsasalin ng mga publikasyon sa apat na lokal na wika. Dahil sa reorganisasyong ito sa Sentral Amerika, ang dating 300 miyembro ng tanggapang pansangay ay mga 75 na lang ngayon.

2. Para palawakin ang ministeryo

Dahil pinag-isa na ang ilang sangay, mas makapagpopokus sa pangangaral ng mabuting balita ang mga kuwalipikadong ministro na dating naglilingkod sa maliliit na sangay.

Isang Saksi sa Aprika na naatasan sa pangangaral ang sumulat: “Hindi madaling mag-adjust lalo na n’ong mga unang buwan. Pero dahil araw-araw akong nasa ministeryo, napakasaya ko at ang daming pagpapala. Ngayon, 20 ang Bible study ko, at dumadalo na sa pulong ang ilan sa kanila.”