Pumunta sa nilalaman

Graduation ng Ika-133 Klase ng Watchtower Bible School of Gilead

Sabado, Setyembre 8, 2012

Graduation ng Ika-133 Klase ng Watchtower Bible School of Gilead

Matapos ang limang-buwang masinsinang pag-aaral, 48 estudyante ang nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead sa educational center ng mga Saksi ni Jehova sa Patterson, New York. Dumalo sa programa ang 9,694 na kapamilya, kaibigan, at iba pang panauhin.

Mula noong 1943, mahigit nang 8,000 makaranasang ministro ang sinanay sa pagmimisyonero. Gamit ang Bibliya bilang pangunahing textbook, pinatitibay ng kurso ang pananampalataya ng mga estudyante at tinutulungan silang maglinang ng espirituwal na mga katangiang kailangan para mapagtagumpayan ang mga hamong napapaharap sa mga misyonero.

“Laging Isaalang-alang ang mga Bagay na Kaibig-ibig.” Si Anthony Morris, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang chairman ng programa. Ibinatay niya ang kaniyang introduksyon sa Filipos 4:8: “Anumang bagay na kaibig-ibig, . . . patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”

Binanggit ni Brother Morris na ang pagsasaalang-alang ng mga bagay na kaibig-ibig ay makatutulong sa atin na manatiling positibo kahit nabubuhay tayo sa isang daigdig na salat sa pag-ibig. “Patuloy ninyong hanapin ang mga bagay na kaibig-ibig,” ang sabi niya, “at maging kaibig-ibig.”

Magandang halimbawa ang ating makalangit na Ama sa bagay na ito. Hindi siya nagpopokus sa ating mga pagkakamali. (Awit 130:3) “Huwag magpokus sa pagkakamali ng inyong mga kapatid,” ang payo ni Brother Morris, “at manatiling kaibig-ibig.”

“Kumuha ng Kaalaman—Pero Huwag Labis-labis na Magpakarunong.” Iyan ang tema ng pahayag ni Harold Corkern, miyembro ng Komite ng Sangay sa United States. Batay ito sa Eclesiastes 7:16. Gusto ng Diyos na gamitin natin sa tamang paraan ang ating kaalaman at huwag hayaang “lumaki ang ating ulo” dahil dito.

Ipinakita rin ni Brother Corkern na kailangang maging maibigin kapag nagbibigay ng payo o pagtutuwid. Hindi dapat na mas malaki ang inaasahan natin sa iba kaysa sa inaasahan ng Diyos sa kanila. “Gamitin sa tamang paraan ang inyong karunungan, kaalaman, at unawa,” ang sabi ni Brother Corkern, “at gugustuhin ng mga kapatid na makasama kayo.”

“Huwag Kalimutan ang mga Gawa ng Diyos.” (Awit 78:7) Si Guy Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang bumigkas ng pahayag na ito. Sa introduksyon, sinabi niyang ang paggawi ng isang bata—mabuti man o masama—ay makaaapekto sa reputasyon ng kaniyang mga magulang. (Kawikaan 20:11) Sa katulad na paraan, ang ating paggawi ay makaaapekto sa reputasyon ng ating makalangit na Ama. “Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil sa bagay na ito: Ang bawat isa na hindi nagpapatuloy sa paggawa ng katuwiran ay hindi nagmumula sa Diyos.”—1 Juan 3:10.

Sinabi ni Brother Pierce na inanyayahang mag-aral sa Gilead School ang mga estudyante dahil sa kanilang mabubuting Kristiyanong katangian, kasali na ang kapakumbabaan. Pinaalalahanan niya sila na manatiling mapagpakumbaba. Hindi dahil sa nakuha nilang edukasyon ay nakahihigit na sila sa iba. Sa halip, mas nasa kalagayan sila na makatulong sa pagkakaisa ng pambuong-daigdig na kapatiran at maging halimbawa sa kapakumbabaan. (Awit 133:1) Ayon kay Brother Pierce, mas malalim na ang kaunawaan nila sa Bibliya, at magagamit nila ito para patuloy na patibayin ang kanilang kaugnayan sa Diyos na Jehova.

“Ang Aming Ginawa ang Siyang Dapat Naming Gawin.” Nagtanong si William Samuelson, tagapangasiwa ng Theocratic Schools Department: “Ano ang gagawin natin kapag ang atas na ibinigay sa atin ay iba sa gusto o inaasam natin? Matututo tayo sa binabanggit ng Lucas 17:7-10: “Kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniatas sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami ay walang-kabuluhang mga alipin. Ang aming ginawa ang siyang dapat naming gawin.’” Kung ihahambing sa ating Panginoon, si Jehova, tayo ay ‘walang-kabuluhan.’

Ang mga estudyante ay gumugol ng ilang buwan sa pag-aaral sa klase. Hindi ito madali para sa ilan. “Pero ginawa ninyo ang dapat ninyong gawin,” ang sabi ni Brother Samuelson, “at ngayon nakikita na ninyo ang pakinabang dito—tumibay ang inyong pananampalataya.” Ganito ang konklusyon ni Brother Samuelson: “Bilang pinagkakatiwalaang katiwala, lagi sana ninyong mahalin ang pribilehiyong maglingkod sa Panginoon ng sansinukob.”

“Alalahanin ang Pampatibay ni Jehova Kapag May mga Hamon.” Ipinaalaala ni Sam Roberson, katulong na tagapangasiwa ng Theocratic Schools Department, na may mga panahong makadarama ng pagkasira ng loob ang mga estudyante. Kaya pinayuhan niya sila na alalahanin ang mga karakter sa Bibliya na nakatanggap ng pampatibay mula kay Jehova. Halimbawa, tiniyak ni Moises kay Josue: ‘Hindi ka pababayaan ni Jehova ni iiwan ka man nang lubusan.’ (Deuteronomio 31:8) Sa mga huling araw ng buhay ni Josue, sinabi niya: “Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo.”—Josue 23:14.

Nangako ang Diyos na Jehova sa kaniyang mga lingkod: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5) Tinitiyak niya sa atin na gagampanan niya ang anumang papel na kailangan para pangalagaan ang kaniyang mga lingkod, gaya ng ipinahihiwatig ng kahulugan ng kaniyang pangalang Jehova (“Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon”). “Huwag na huwag susuko,” ang payo ni Brother Roberson. “Tandaan, hinding-hindi niya kayo bibiguin.”

“Sa Buong Lupa ay Lumabas ang Kanilang Tinig.” (Roma 10:18) Sa pangunguna ng instruktor sa Gilead na si Mark Noumair, ikinuwento o isinadula ng mga estudyante ang mga karanasan nila sa ministeryo sa Patterson. Halimbawa, tuwang-tuwa ang mag-asawa mula sa South Africa nang may matagpuan silang tatlong babae na kababayan nila at makausap ang mga ito sa wikang Zulu at Xhosa. Isa namang mag-asawa mula sa Sri Lanka ang nakatagpo ng isang lalaking Indian na ang asawa at anak na babae ay nakatira sa Sri Lanka. Hindi pa nakakakita ng Bibliya ang lalaking ito, kaya masayang ibinigay ng mag-asawa ang isa nilang Bibliya.

“Nasangkapan Ukol sa Bawat Mabuting Gawa.” Ininterbyu ni Gene Smalley, tumutulong sa Writing Committee, ang dalawang mag-asawang kabilang sa klase. Ikinuwento ng mag-asawa mula sa Sierra Leone kung paano sila umiigib araw-araw dahil wala silang tubig sa bahay. Pero bale-wala ang hirap na ito kung ihahambing sa kagalakan nilang makapagdaos ng 50 pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado. Nagpasalamat ang dalawang mag-asawang ito dahil natulungan sila ng kurso na masangkapan, o maging handa, para sa bawat mabuting gawa sa kanilang magiging mga atas.—2 Timoteo 3:16, 17.

“Magbata Hanggang sa Wakas—At Pagkatapos Pa Nito.” Si Gerrit Lösch, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng pangunahing pahayag. Ipinaliwanag niya na tinitiyak ng mga mananakbo sa isang mahabang takbuhan na may sapat silang lakas para matapos ang laro nang matagumpay. Sa literal na takbuhan, isa lang ang nananalo, pero sa Kristiyanong takbuhan, ang lahat ng magbabata hanggang sa wakas ay panalo.

Sangkot sa pagbabata ang paglilingkod sa Diyos nang patuluyan; hindi nawawalan ng pag-asa sa kabila ng mga problema, pag-uusig, pagsubok, o kabiguan. Sinabi ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Nakapagpapatibay malaman na alam ni Jehova at ni Jesus ang ating pagbabata! Saka binanggit ni Brother Lösch ang ilang punto na makatutulong sa atin na magbata sa kabila ng mahihirap na kalagayan. Kasama rito ang sumusunod:

  • Manalangin sa Diyos “na naglalaan ng pagbabata” at ‘araw-araw na nagdadala ng pasan para sa atin.’—Roma 15:5; Awit 68:19.

  • Maging determinado na manatiling tapat at magtiwala na “ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”—1 Corinto 10:13.

  • Panatilihing malinaw sa isipan ang inyong pag-asa bilang Kristiyano. “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay nagbata [si Jesus] ng pahirapang tulos.”—Hebreo 12:2.

Idiniin ni Brother Lösch na ngayong napakalapit na natin sa finish line, hindi ito panahon para huminto. “Takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin.”—Hebreo 12:1.

Bilang pagtatapos ng programa, binasa ng isang estudyante ang liham ng pasasalamat ng kanilang klase para sa lahat ng praktikal na pagsasanay na tinanggap nila. Binanggit sa liham na ang masinsinang pag-aaral ng Bibliya ayon sa kronolohiya ay hindi lang nagpalalim ng kanilang kaunawaan sa layunin ng Diyos kundi nagpatibay rin nang husto sa kanilang pananampalataya. “Determinado kami,” ang sabi sa liham, “na isabuhay ang magagandang bagay na natutuhan namin.”