Report ng Taunang Miting
“Pagkain sa Tamang Panahon”
Libu-libo ang nakapakinig ng nakapagpapatibay na mga ulat at kapana-panabik na pagtalakay sa Mateo 24:45-47 sa ika-128 taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania.
Noong Oktubre 6, 2012, halos 5,000 katao ang dumalo sa isang programa sa Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa Jersey City, New Jersey, U.S.A. Ikinonekta ito sa mga pasilidad sa Brooklyn, Patterson, at Wallkill, New York, at sa tanggapang pansangay sa Canada, kaya mahigit 10,000 pa ang nakapanood nito sa video.
Nirepaso ni Anthony Morris, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at chairman ng miting, ang nakaraang mga taunang miting na talagang nakapagpapatibay at makasaysayan. Alam ng mga tagapakinig na ang programa sa taóng ito ay magiging nakapagpapatibay. Pero naiisip nila, ‘Magiging makasaysayan din kaya ito?’
Pagkatapos, dalawang video tungkol sa ating mga gawain sa buong daigdig ang ipinalabas.
Pagtatayo ng mga Kingdom Hall:
Ipinakita sa video na ito ang matagumpay na pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa mga lupaing may limitadong kakayahan o pananalapi. Sa nakalipas na 13 taon, ang mga Kingdom Hall Construction Group sa mga lupaing ito ay nakapagtayo na ng 25,402 Kingdom Hall—mahigit limang bagong Kingdom Hall araw-araw! Naitayo ang mga ito sa tulong ng mga donasyon ng mga Saksi sa buong daigdig. Bukod diyan, kapag nagkaroon ng likas na mga sakuna, agad na umaaksiyon ang mga grupong ito para tulungan ang mga biktima na makumpuni o maitayong muli ang kanilang mga Kingdom Hall at bahay.
Mga Espesyal na Kombensiyon:
Noong 2012, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaos ng mga espesyal na kombensiyon na dinaluhan ng mga delegado mula sa iba’t ibang bansa. Ano ang kaibahan ng mga ito sa nakaraang mga internasyonal na kombensiyon?
Ipinaliwanag sa video na ang mga tanggapang pansangay na nag-host, at hindi mga travel agent, ang nagsaayos ng matutuluyan, lokal na transportasyon, at pananghalian ng mga delegado sa linggo ng kombensiyon. Mga 1,500 delegado mula sa iba’t ibang bansa ang dumalo sa bawat kombensiyon.
Ang mga delegado at ang lokal na mga Saksi ay maraming pagkakataon para magkakila-kilala hindi lang kapag nasa kombensiyon kundi pati na kapag namamasyal, kumakain, at nangangaral sa lokal na mga residente. “Sa mga espesyal na kombensiyong ito,” ang sabi sa video, “kitang-kita na ang sakdal na bigkis ng pagkakaisa ay pag-ibig na pangkapatid.”
Tuwang-tuwa ang mga tagapakinig nang malaman nilang ang Mga Saksi ni Jehova ay magdaraos na ng ganitong mga espesyal na kombensiyon taun-taon sa pilíng mga lunsod sa buong daigdig!
Kasama rin sa tampok na mga bahagi ng taunang miting ang mga sumusunod:
Mga Interbyu:
Tatlong miyembro ng Komite ng Sangay kasama ng kani-kanilang asawa, na nakagugol na ng kabuuang 342 taon sa buong-panahong paglilingkod, ang nagkuwento kung paano sila sinanay ng Diyos na Jehova para magampanan ang iba’t ibang atas.
Sinabi naman ni Richard Kelsey, miyembro ng Komite ng Sangay sa Germany, na ang School for Branch Committee Members and Their Wives ay nagturo sa kaniya na “laging sumunod sa pag-akay ni Jehova.” Si Jehova ay isang maibiging Ama at gusto niya ang pinakamabuti para sa atin. “Gusto niyang mabuhay tayo magpakailanman,” ang paliwanag ni Brother Kelsey, “at ginagawa niya ang lahat para pangalagaan tayo.” Tinuruan ng kursong ito ang mga miyembro ng Komite ng Sangay na tularan ang halimbawa ni Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig.
Nang anyayahan si Linda Johansson na mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead noong 1958, dalawa’t kalahating taon pa lang siyang bautisado at isang taon pa lang kasal. “May-gulang at makaranasang mga kapatid ang mga kaklase ko,” ang sabi ni Sister Johansson. “Naisip ko . . . , ‘Hindi yata ako karapat-dapat dito.’”
Pero nagpursigi si Sister Johansson, at nang matapos silang mag-aral, siya at ang asawa niya ay naatasang maging mga misyonero sa Malawi. Pagkatapos ng matinding pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa bansang iyon, tinulungan niyang mag-aral ng Bibliya ang isang opisyal ng gobyerno na dating sumasalansang sa mga Saksi. Sa ngayon, ang asawa ng lalaking ito, ang anak nitong lalaki, at anak na babae ay mga bautisadong Saksi na.
Proyekto sa Pampublikong Pagpapatotoo:
Apat na nagtapos sa Bible School for Christian Couples at isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova sa New York ang nagkuwento ng mga karanasan nila sa pangangaral sa matao at abalang mga lugar sa lunsod.
Sa mga lugar na ito, ang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova ay naglalagay ng mga mesa at mga portable cart na puno ng mga publikasyon sa Bibliya. Ang mga nagdaraan ay puwedeng makakuha ng mga publikasyon, magtanong tungkol sa Bibliya, at humiling ng pag-aaral sa Bibliya.
Sinusubukan ng mga Saksi sa iba pang lugar sa New York City, pati na sa Chicago at Los Angeles, ang paraang ito ng pangangaral sa mga tao. Sa loob lang ng isang taon, mga 2,700 katao na ang lumapit sa mga mesa at cart na ito at humiling ng libreng pag-aaral sa Bibliya.
Awit ng mga Bata:
Halos lahat ay napaiyak nang kantahin ng isang grupo ng 17 bata ang “Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka” mula sa ating songbook na Umawit kay Jehova (Awit Blg. 120).
Sumunod ang isang simposyum ng anim na pahayag ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala—sina Brother Jackson, Lösch, Pierce, Herd, Lett, at Splane. Tinalakay nila ang kahulugan ng mga sinabi ni Jesus sa Mateo 24:45-47:
“Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gayon ang ginagawa! Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.”
Sinagot ng simposyum ang sumusunod na mga tanong:
Kailan Inatasan ni Jesus ang “Tapat at Maingat na Alipin” Para Mangasiwa sa Kaniyang mga Lingkod ng Sambahayan?
Isaalang-alang ang konteksto ng mga sinabi ni Jesus sa Mateo kabanata 24. Ang sumusunod na mga teksto ay matutupad sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Talata 3.
Ang “kapighatian sa mga araw na iyon.”—Talata 29.
“Ang salinlahing ito.”—Talata 34.
“Sa araw at oras na iyon.”—Talata 36.
Ang “araw [kung kailan] darating ang inyong Panginoon.”—Talata 42.
“Sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.”—Talata 44.
Kung gayon, makatuwirang sabihin na lumitaw ang “tapat at maingat na alipin” matapos magsimula ang pagkanaririto ni Kristo noong 1914.
Ipinahiwatig din ni Jesus na ang “alipin” na ito ay lilitaw sa panahon na makatuwirang bumangon ang tanong na: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin?” Ang mga apostol ni Jesus ay may makahimalang mga kaloob ng banal na espiritu, kaya walang dahilan para bumangon ang tanong na iyan noong unang siglo C.E. (1 Corinto 14:12, 24, 25) Bagaman pinahiran sila ng banal na espiritu, ang mga apostol at iba pang Kristiyano noong unang siglo ay hindi ang “tapat at maingat na alipin” na inihula ni Jesus.
Kaya makatuwirang sabihin na inatasan ni Jesus ang “tapat at maingat na alipin” na pangasiwaan ang “kaniyang mga lingkod ng sambahayan” sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”
“Sino Talaga ang Tapat at Maingat na Alipin?”
Ang “alipin” na tinutukoy ni Jesus ay hindi isang indibiduwal kundi isang grupo na gumagawang magkakasama bilang isang kalipunan. Sinabi ni Jesus na ang alipin ay (1) inatasang mangasiwa ‘sa mga lingkod ng sambahayan’ ng Panginoon at (2) magbibigay sa mga lingkod ng sambahayan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.”
Mula noong 1919, laging may maliit na grupo ng mga pinahirang Kristiyano sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Pinangangasiwaan nila ang ating gawaing pangangaral sa buong daigdig at tuwiran silang nakikibahagi sa paghahanda at pamamahagi ng espirituwal na pagkain. Kamakailan, napag-unawa na ang grupong iyan ay ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.
Ang mga katibayan ay umaakay sa ganitong konklusyon: Ang “tapat at maingat na alipin” ay inatasang mangasiwa sa mga lingkod ng sambahayan ni Jesus noong 1919. Ang alipin na iyon ay ang maliit na grupo ng pinahirang mga brother na naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo at tuwirang nakikibahagi sa paghahanda at pamamahagi ng espirituwal na pagkain. Kapag gumagawang magkakasama ang grupong ito bilang Lupong Tagapamahala, naglilingkod sila bilang ang “tapat at maingat na alipin.”
Sino ang “mga Lingkod ng Sambahayan”?
Sinabi ni Jesus na ang “kaniyang mga lingkod ng sambahayan” ay tatanggap ng “pagkain sa tamang panahon.” Ang lahat ng tunay na tagasunod ni Jesus ay pinakakain ng “tapat at maingat na alipin.” Kaya ang lahat ng alagad ni Kristo—kapuwa ang mga indibiduwal na pinahirang Kristiyano at ang mga kabilang sa “ibang mga tupa”—ay “kaniyang mga lingkod ng sambahayan.”—Juan 10:16.
Matapos ipaliwanag ng tagapagsalita ang bahaging ito ng hula ni Jesus, halos hindi mapatid ang palakpakan ng mga tagapakinig. Pagkatapos ng programa, marami ang nagpahayag ng malaking pasasalamat dahil itinuturing sila ni Jesus na kabilang sa “kaniyang mga lingkod ng sambahayan.”
Kailan Aatasan ni Jesus ang Alipin “sa Lahat ng Kaniyang mga Pag-aari”?
Sinabi ni Jesus na “sa pagdating ng . . . panginoon,” aatasan nito ang alipin “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” Kailan ang pagdating ng Panginoon, si Jesus?
Ang pananalitang isinalin na “sa pagdating” ay isang anyo ng salitang Griego na erʹkho·mai. Sa talata 42 at 44 ng kabanata 24, ang isang anyo ng erʹkho·mai ay isinalin na “darating.” Sa mga talatang iyon, ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagdating niya bilang Hukom sa panahon ng malaking kapighatian.—Mateo 24:30; 25:31, 32.
Kung gayon, ang pag-aatas sa “alipin” para pangasiwaan ang kaniyang “mga pag-aari” ay magaganap din sa hinaharap pa. Gagawin niya ito sa panahon ng malaking kapighatian.
Ano ang “mga Pag-aari” ni Jesus?
Sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Kaya ang “mga pag-aari” ni Jesus ay hindi lamang tumutukoy sa mga pag-aari niya sa lupa. Kasali rin dito ang Mesiyanikong Kaharian.—Filipos 2:9-11.
Kaayon nito, gagantimpalaan ni Jesus ang “tapat at maingat na alipin” sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa mga miyembro ng grupong iyon tungo sa langit at paghirang sa kanila bilang mga hari upang mamahala sa lahat ng pag-aari ni Kristo sa langit at sa lupa. Ito rin ang gantimpalang ipinangako sa lahat ng tapat na pinahirang Kristiyano.—Lucas 22:28-30; Apocalipsis 20:6.
May binanggit na espesyal na patalastas sa huling pahayag ng simposyum. Matapos basahin ang nakapagpapatibay na pananalita ni Jesus sa Mateo 28:20, sinabi ni Brother Splane: “May isa pang dahilan para magkaroon tayo ng tibay ng loob. Binabanggit ito sa taunang teksto para sa 2013, ang Josue 1:9: ‘Magpakalakas-loob ka at magpakatibay. . . . Si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo.’”
“Kumusta naman sa susunod na taon?” ang tanong ni Brother Morris sa kaniyang konklusyon. “Ang susunod na taunang miting ay gaganapin sa Oktubre 5, 2013. Ikokonekta ito sa pilíng mga Assembly Hall sa United States at sa iba pang bansa na Ingles ang wika.”
Ang programang ito ay sa Ingles lang ibo-brodkast. Hindi ito ii-interpret sa ibang wika.
Pagkatapos ng nakapagpapatibay at makasaysayang programa, masiglang kinanta ng mga tagapakinig ang awit na “Ang Liwanag ay Lalong Nagniningning” (Awit Blg. 116) mula sa Umawit kay Jehova. Tamang-tama ang liriko nito:
“Jesus nag-atas ng aliping tapat,
Laan ay sapat na pagkain.
Katotohana’y sumisikat na rin
Sa mga puso’t isip natin.”