Pumunta sa nilalaman

Isang Matibay na Bibliya

Isang Matibay na Bibliya

Para sa mga Saksi ni Jehova, ang Bibliya ang pinakamahalagang aklat. Regular nila itong pinag-aaralan at ginagamit nila ito para ituro sa mga tao ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Dahil madalas nilang ginagamit ang kanilang Bibliya, madali itong naluluma at nasisira. Kaya ginawa ng mga Saksi ang lahat para tiyaking maganda at matibay ang 2013 nirebisang edisyon ng New World Translation of the Holy Scriptures.

Ang bagong Bibliya ay dapat na hindi madaling masira. Nang ang mga kinatawan ng printery ng mga Saksi sa Wallkill, New York, U.S.A. ay makipag-usap sa presidente ng isang bookbinding company tungkol sa kanilang plano, sinabi nito sa kanila, “Imposibleng makagawa ng gusto ninyong Bibliya.” Idinagdag pa nito, “Mahirap mang aminin pero ang totoo, karamihan sa mga Bibliya ngayon ay pandispley lang sa mesa o bookshelf at hindi matibay.”

Hindi ganoon katibay ang ilang naunang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin. Minsan, naghihiwa-hiwalay ang mga pahina nito sa napakainit na klima. Sinuri ng staff ng printery ang materyales para sa pabalat, pandikit, at paraan ng pagba-bind para makagawa sila ng Bibliya na hindi madaling masira kahit laging ginagamit at sa kahit na anong klima. Batay sa mga resultang nakuha nila, gumawa sila ng mga sampol ng Bibliya at ipinagamit nila ang mga ito sa mga Saksi sa iba’t ibang bansa para ma-testing sa sari-saring klima—mula sa mainit na klima sa Tropiko hanggang sa malamig na klima ng Alaska.

Pagkaraan ng anim na buwan, ibinalik ang mga Bibliya para sa pagsusuri. Gumawa ng ilang pagbabago ang staff ng printery para mas gumanda ang kalidad ng aklat at saka nagpadala ng bagong batch ng mga sampol. Umabot sa 1,697 Bibliya ang na-testing sa iba’t ibang lugar. Matindi ang inabot ng ilan nang di-sinasadya. Halimbawa, isang Bibliya ang magdamag na naulanan, at ang isa pa ay lumubog sa baha dahil sa bagyo. Ang resulta ng mga field test ay nagbigay ng mahahalagang impormasyon na nakatulong para makagawa ng mas matibay na aklat.

Noong 2011, habang tine-testing ang mga aklat sa iba’t ibang lugar, bumili ang mga Saksi ng bagong high-speed bindery para sa kanilang printery sa Wallkill at sa Ebina, Japan. Target ng dalawang printery na makapag-imprenta ng sapat na Bibliya na ire-release sa taunang miting at na ang mga Bibliyang iimprentahin nila ay magkapareho ng hitsura.

Problema sa Pabalat

Sa pasimula ng 2012, nagsimulang gumawa ang dalawang printery ng 1984 na edisyon ng New World Translation na kulay itim at maroon gamit ang bagong pabalat na polyurethane. Pero ang glue at ang liner (isang materyal na idinidikit sa likod ng pabalat na polyurethane) na ginamit sa bagong makina ay hindi pa nasubukan, kaya tumitikwas ang nagawa nilang pabalat kapag ikinabit na ito sa Bibliya. Hindi nila masolusyunan ang problemang ito noong una kaya pinahinto ang produksiyon.

Sinabi ng manufacturer ng isa sa mga materyales na ang pagtikwas ay karaniwang problema sa mga pabalat na flexible at na mahirap itong solusyunan. Pero imbes na gumamit na lang ng matigas na pabalat, sinikap ng mga Saksi na gumawa ng Bibliya na may pabalat na flexible at hindi tumitikwas. Makalipas ang apat na buwan ng pag-eeksperimento ng mga kombinasyon ng glue at liner, nakakita rin sila ng tamang kombinasyon para muling makapag-imprenta, sa pagkakataong ito, ng Bibliyang may pabalat na flexible at hindi tumitikwas.

Pinahinto Muli ang Produksiyon

Noong Setyembre 2012, tinagubilinan ang dalawang printery na ihinto ang produksiyon ng dating edisyon, ipaubos ang natitirang stock nito, at hintayin ang pag-iimprenta ng nirebisang edisyon ng New World Translation. Nakaiskedyul ang release nito nang Oktubre 5, 2013, sa taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania.

Natanggap ng dalawang printery ang mga electronic file para sa bagong Bibliya noong Agosto 9, 2013, Biyernes. Kinabukasan, sinimulan ang pag-iimprenta. Nakapag-produce sila ng unang Bibliya noong Agosto 15. Sa loob ng sumunod na pitong linggo, 24-oras sa isang araw na nagtrabaho ang mga staff ng printery sa Wallkill at Ebina para makagawa at makapagpadala ng mahigit 1,600,000 Bibliya—sapat para mabigyan ng sariling kopya ang lahat ng dumalo sa taunang miting.

Maganda at matibay ang bagong Bibliya, pero ang mas kahanga-hanga rito ay ang nagbibigay-buhay na mensahe nito. Isang araw pagkatanggap niya ng bagong Bibliya, isang babaeng taga-Estados Unidos ang sumulat, “Dahil sa bagong edisyon, mas naiintindihan ko na ang Bibliya.”