Pumunta sa nilalaman

Ano ang Pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa Edukasyon?

Ano ang Pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa Edukasyon?

 Ang aming pananaw tungkol sa edukasyon ay ibinabatay namin sa mga simulain sa Bibliya. Sinusunod ng bawat Saksi ang kaniyang konsensiyang sinanay sa Bibliya para sundin ang makadiyos na mga simulain gaya ng nasa ibaba. a

 Mahalaga ang edukasyon

 Ang edukasyon ay tumutulong sa isa na magkaroon ng ‘karunungan at kakayahang mag-isip,’ mga katangian na talagang pinahahalagahan ng Bibliya. (Kawikaan 2:10, 11; 3:21, 22) Isa pa, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ituro ang mga bagay na iniutos niya. (Mateo 28:19, 20) Kaya pinasisigla at tinutulungan namin ang mga kapatid na magkaroon ng balanseng edukasyon, kasama rito ang kasanayan sa pagbabasa, pagsusulat, at pakikipag-usap, b pati na ang kaalaman tungkol sa ibang relihiyon at kultura.​—1 Corinto 9:20-22; 1 Timoteo 4:13.

 Nakikita ng mga gobyerno ang kahalagahan ng edukasyon, at karaniwan na, hinihilingan nila ang mga kabataan na pumasok sa elementary at high school. Sinusunod namin ang mga batas na iyon na kaayon ng utos na: “Ang bawat tao ay dapat magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad,” o gobyerno. (Roma 13:1) Isa pa, pinasisigla namin ang aming mga anak na mag-aral nang mabuti. c Gaya ng sinasabi ng Salita ng Diyos: “Anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao.”​—Colosas 3:23, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

 Ang edukasyon ay tumutulong sa amin na maglaan para sa pamilya. Ayon sa Bibliya, “Kung ang sinuman ay hindi naglalaan sa mga nasa pangangalaga niya, lalo na sa mga miyembro ng pamilya niya, itinakwil na niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Nakatutulong sa amin ang sekular na edukasyon para masunod ang utos ng Diyos na suportahan ang aming pamilya. Sinasabi ng The World Book Encyclopedia na ang isang mahalagang layunin ng edukasyon ay “tulungan ang mga tao na maging kapaki-pakinabang na mga miyembro ng lipunan . . . mga manggagawa para sa ekonomiya.” Ang isang taong may kasanayan at edukado ay mas handa at maaasahang makapaglalaan sa kaniyang pamilya kaysa sa isa na walang kasanayan at hindi nakapag-aral.​—Kawikaan 22:29.

 Inihahanda rin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagiging adulto. Dahil dito, napakahalaga ng edukasyon. (2 Corinto 12:14) Pinasisigla namin ang mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak kahit nakatira sila sa lugar na hindi libre ang pag-aaral, mahirap makakuha ng edukasyon, o hindi ito kaayon ng kanilang kultura. d Nagbibigay rin kami ng praktikal na mga mungkahi kung paano makatutulong ang mga magulang sa pag-aaral ng kanilang mga anak. e

 Dapat na timbang ang pananaw sa edukasyon

 Maingat naming sinusuri ang mga mapagpipiliang sekular na edukasyon. Sinasabi ng Bibliya: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang lahat ng naririnig niya, pero pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.” (Kawikaan 14:15) Sinusunod namin ang simulaing ito sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa mga mapagpipiliang karagdagang edukasyon at ang gastos at kahalagahan nito. Halimbawa, ang vocational training ay kadalasang hindi nangangailangan ng mahabang panahon at magagamit ito agad.

 Mas mahalaga ang espirituwal na edukasyon kaysa sa sekular na edukasyon. Di-gaya ng sekular na edukasyon, ang salig-Bibliyang espirituwal na edukasyon ay nagbibigay ng nagliligtas-buhay na kaalaman ng Diyos. (Juan 17:3) Nagtuturo din ito ng mga pamantayang moral—“kung ano ang matuwid, makatarungan, at patas, ang landas ng kabutihan.” (Kawikaan 2:9) Si apostol Pablo ay nakapag-aral sa maituturing na makabagong unibersidad, pero kinilala niya ang “nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus.” (Filipos 3:8; Gawa 22:3) Marami ring Saksi ni Jehova ngayon ang tumanggap ng mataas na sekular na edukasyon, pero naniniwala sila na mas mahalaga ang kanilang espirituwal na edukasyon. f

Ang espirituwal na edukasyon ay nagtuturo ng mabubuting katangian

 Ang mataas na edukasyon ay puwedeng pagmulan ng moral at espirituwal na mga panganib

 Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago.” (Kawikaan 22:3) Para sa mga Saksi ni Jehova, ang kapaligiran sa ilang unibersidad o kolehiyo ay puwedeng pagmulan ng moral at espirituwal na mga panganib. Kaya naman, pinipili ng maraming Saksi na huwag ilagay ang sarili nila o ang kanilang mga anak sa gayong sitwasyon. Naniniwala silang karaniwan nang itinataguyod sa mga unibersidad o kolehiyo ang mga maling ideya gaya ng sumusunod:

  •   Maling akala: Ang pera ay nagbibigay ng kaligayahan at seguridad

     Kadalasang sinasabi na para kumita nang malaki, dapat mataas ang pinag-aralan mo, kaya dumarami ang mga estudyanteng nag-aaral sa unibersidad pangunahin nang para magkaroon ng trabahong mataas ang sahod. Umaasa naman ang ilan na ang pera ay magbibigay sa kanila ng kaligayahan at seguridad, pero sinasabi ng Bibliya na walang kabuluhan ang gayong kaisipan. (Eclesiastes 5:10) Mas mahalaga, itinuturo din ng Bibliya na “ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang bagay” at kadalasang nauuwi sa kawalan ng pananampalataya. (1 Timoteo 6:10) Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na huwag malinlang ng “mapandayang kapangyarihan ng kayamanan.”​—Mateo 13:22.

  •   Maling akala: Kailangan mong kumuha ng mataas na edukasyon para tumaas ang tingin sa iyo ng iba

     Halimbawa, ganito ang isinulat ni Nika Gilauri, dating punong ministro ng Georgia, tungkol sa karaniwang pananaw ng mga tao sa kanilang bansa: “Ang isang degree sa unibersidad ay parang isang status symbol sa Georgia. . . . [Noon,] isang kahihiyan sa pamilya ang kabataang walang degree.” g Kabaligtaran nito, nagbababala ang Bibliya laban sa paghahangad ng katanyagan sa sanlibutang ito. Sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon noong panahon niya na naghahangad ng kaluwalhatian: “Tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa’t isa . . . , kaya paano kayo maniniwala?” (Juan 5:44) Itinataguyod sa ilang unibersidad ang ganitong mapagmataas na saloobin na kinapopootan ng Diyos.​—Kawikaan 6:16, 17; 1 Pedro 5:5.

  •   Maling akala: Ang bawat tao ang dapat na magtakda ng sarili niyang pamantayan ng tama at mali

     Tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova ang mga pamantayan ng Diyos ng tama at mali. (Isaias 5:20) Pero ayon sa isang artikulong inilathala sa Journal of Alcohol and Drug Education, maraming estudyante ang “nagdedesisyon nang salungat sa alam nilang tama at mali” dahil sa panggigipit ng mga kasama sa unibersidad. h Kaayon ito ng simulain sa Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.” (1 Corinto 15:33) Sa mga unibersidad, karaniwan na lang at itinataguyod pa nga ang mga gawaing hinahatulan ng Diyos, gaya ng paglalasing, paggamit ng droga, at pagse-sex nang di-kasal.​—1 Corinto 6:9, 10; 2 Corinto 7:1.

  •   Maling akala: Ang mataas na edukasyon ang pinakaepektibong paraan para baguhin ang mundo

     Kinikilala namin na marami ang kumukuha ng mataas na edukasyon, hindi para yumaman, maging tanyag, o masiyahan sa bawal na kaluguran, kundi para mapabuti ang kanilang sarili at baguhin ang mundo. Mararangal na tunguhin iyan, pero ibang paraan ang pinipili ng mga Saksi ni Jehova. Gaya ni Jesus, umaasa kami sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa para sa mas magandang daigdig. (Mateo 6:9, 10) Pero hindi lang namin basta hinihintay na lutasin ng Kaharian ang mga problema sa mundo. Sa halip, gaya ni Jesus, ibinabahagi namin ang ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian’ sa buong lupa at tinutulungan ang libo-libong tao na baguhin ang kanilang buhay. iMateo 24:14.

a Sinusunod ng mga kabataang Saksi na nasa poder pa ng mga magulang nila ang edukasyong gusto ng mga ito kung hindi naman labag sa kautusan ng Diyos.​—Colosas 3:20.

b Sa layuning iyan, naglathala kami ng mahigit 11 milyong kopya ng mga pantulong sa pagbasa at pagsulat, gaya ng Apply Yourself to Reading and Writing. Mayroon kaming libreng mga klase sa pagbasa at pagsulat sa buong mundo sa 120 wika. Mula 2003 hanggang 2017, mga 70,000 katao na ang naturuan naming bumasa at sumulat.

c Tingnan ang artikulong “Dapat ba Akong Huminto sa Pag-aaral?

d Halimbawa, pinasisigla namin ang mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak na lalaki at babae. Tingnan ang artikulong “Dapat Bang Mag-aral sa Paaralan ang Aking Anak?” sa isyu ng Marso 15, 2003, ng Ang Bantayan.

f Tingnan ang seksiyon sa jw.org® na “Komento sa Pinagmulan ng Buhay.”

g Practical Economics: Economic Transformation and Government Reform in Georgia 2004—2012, pahina 170.

h Tomo 61, Blg. 1, Abril 2017, pahina 72.

i Tingnan ang seksiyon sa jw.org na “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” para sa tunay na karanasan ng mga taong nabago ang buhay dahil sa Salita ng Diyos at mensahe ng Kaharian.