Paano Sinasanay ang mga Saksi ni Jehova Para sa Ministeryo?
Patuloy na tumatanggap ang mga Saksi ni Jehova ng mga pagsasanay na magagamit nila sa buhay nila bilang Kristiyano. Kasama sa pagsasanay na ito ang ministeryo nila na iniutos ni Jesus na gawin ng kaniyang mga tagasunod—ang pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Tumatanggap kami ng mga pagsasanay sa mga pulong namin linggo-linggo at sa mga kombensiyon at asamblea namin taon-taon. Ang mga Saksi ni Jehova na may responsibilidad sa kongregasyon o sa organisasyon ay tumatanggap din ng karagdagang mga pagsasanay sa mga Bible school.
Sa artikulong ito
Anong mga pagsasanay ang tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova?
Mga pulong sa kongregasyon. Linggo-linggo, may dalawang pulong kami sa lugar ng pagsamba namin na tinatawag na Kingdom Hall. Ang isa ay ginaganap ng midweek; ang isa naman ay sa weekend. Puwedeng dumalo sa mga pulong kahit ang mga di-Saksi. Wala ding bayad ang pagdalo.
Pulong sa midweek. Dito, tumatanggap kami ng pagsasanay kung paano magbabasa, makikipag-usap, magbibigay ng pahayag, mangangaral, at magtuturo. Sinasanay kami sa pamamagitan ng mga pahayag, pagtalakay, pagtatanghal, at video. Nakakatulong ang mga pagsasanay na ito para maging mas epektibo kami sa pagsasabi sa iba ng mensahe ng Bibliya at pagba-Bible study sa mga taong interesado. Lahat ng dumadalo sa pulong na ito ay nakikinabang sa pagsasanay. Higit pa diyan, nakakatulong ang lahat ng mga pulong para mapatibay ang aming pananampalataya sa Diyos at pag-ibig sa kaniya at sa mga kapananampalataya.
Pulong sa weekend. May dalawang bahagi ang pulong na ito. Sa unang bahagi, may pahayag sa Bibliya na dinisenyo para sa publiko. Susundan ito ng tanong-sagot na talakayan sa isang artikulong nasa edisyon para sa pag-aaral ng Ang Bantayan. a Tinatalakay at ipinapaliwanag sa mga artikulong ito ang mga paksa at prinsipyo sa Bibliya na tumutulong sa ministeryo namin at personal na buhay.
Mga asamblea at kombensiyon. Taon-taon, may tatlong malalaking pagtitipon na dinadaluhan ng maraming kongregasyon. May espesipikong tema na galing sa Bibliya ang bawat asamblea at kombensiyon. May mga pahayag dito, pagsasadula, interbyu, at mga video. Gaya sa mga pulong sa kongregasyon, tumutulong ang mga asamblea at kombensiyon para lumalim pa ang kaalaman namin sa Bibliya at maging mahusay na ministro ng mabuting balita. Puwedeng dumalo sa masasayang okasyong ito kahit ang mga di-Saksi. Wala ding bayad ang pagdalo.
Mga Bible school para sa mga Saksi ni Jehova
Iniimbitahang dumalo sa iba’t ibang Bible school ang ilan sa mga Saksi ni Jehova para sa karagdagang pagsasanay. Ano ang mga school na ito? Ano ang layunin ng bawat school, at gaano ito katagal? At sino ang mga puwedeng mag-aral?
Pioneer Service School
Layunin: Para sanayin ang buong-panahong mga ministro na tinatawag na mga payunir. b Sinasanay sila para maging mas epektibo sa gawaing pangangaral at pagtuturo. May mga pagtalakay, pagsasadula, pahayag, at workshop sa bawat klase.
Gaano katagal: Anim na araw.
Ang mga puwedeng mag-aral: Iniimbitahang mag-aral dito ang mga isang taon nang payunir. Iniimbitahan din ang matatagal nang payunir na limang taon na mula noong huli silang nag-aral.
School for Kingdom Evangelizers
Layunin: Para bigyan ng higit pang pagsasanay ang makaranasang mga buong-panahong ministro. Dito, higit pang napapasulong ng mga estudyante ang kakayahan nilang mangaral at magturo. Malalim din nilang pinag-aaralan ang mga paksa sa Bibliya. Marami sa mga nagtapos ang iniimbitahang maglingkod sa mga lugar na may malaking pangangailangan sa mangangaral.
Gaano katagal: Dalawang buwan.
Ang mga puwedeng mag-aral: Payunir na nakakaabot sa mga kahilingan at nasa kalagayang maglingkod saanman may pangangailangan.
School for Congregation Elders
Layunin: Para tulungan ang mga elder c na magampanan ang mga responsibilidad nila sa kongregasyon, gaya ng pagtuturo at pagpapastol. Makakatulong din ito para mapalalim nila ang pag-ibig sa Diyos at sa mga kapananampalataya nila.—1 Pedro 5:2, 3.
Gaano katagal: Limang araw.
Ang mga puwedeng mag-aral: Iniimbitahang mag-aral ang mga bagong elder, pati na ang makaranasang mga elder na limang taon na mula noong huli silang nag-aral.
School for Circuit Overseers and Their Wives
Layunin: Para sanayin ang mga naglalakbay na ministro na tinatawag na mga tagapangasiwa ng sirkito. d Sinasanay sila para magampanan nila nang mas epektibo ang mga responsibilidad nila. (1 Timoteo 5:17) Nakakatulong din sa kanila at sa asawa nila ang pagsasanay na ito para mas mapalalim pa ang unawa nila sa Bibliya.
Gaano katagal: Isang buwan.
Ang mga puwedeng mag-aral: Iniimbitahan dito ang bagong mga tagapangasiwa ng sirkito at ang asawa nila na isang taon nang naglilingkod sa atas na ito. Pagkatapos, iimbitahan uli sila kada limang taon.
Kingdom Ministry School
Layunin: Para matulungan ang mga elder at ministeryal na lingkod e na magampanan ang mga responsibilidad nila sa kongregasyon depende sa kasalukuyang sitwasyon at pangangailangan. (2 Timoteo 3:1) Ginaganap ang school na ito kada ilang taon.
Gaano katagal: Iba-iba, madalas isang araw.
Ang mga puwedeng mag-aral: Mga tagapangasiwa ng sirkito, elder, at ministeryal na lingkod.
Bethel Service School
Layunin: Para tulungan ang mga naglilingkod sa Bethel f na magawa ang mga atas nila at mapalalim ang pag-ibig nila sa Diyos at sa isa’t isa.
Gaano katagal: Lima at kalahating araw.
Ang mga puwedeng mag-aral: Lahat ng bagong naglilingkod sa Bethel ay pinag-aaral sa school na ito. Iniimbitahan din ang matatagal nang naglilingkod sa Bethel na limang taon na mula noong huli silang nag-aral.
Watchtower Bible School of Gilead
Layunin: Para tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng mas malalim na pagpapahalaga sa nasusulat na Salita ng Diyos at tulungan silang masunod ang mga natututuhan nila. (1 Tesalonica 2:13) Ang mga tapat na Kristiyanong lalaki at babae na nag-aral sa Gilead ay malaking tulong sa organisasyon ni Jehova at sa pambuong-daigdig na pagtuturo sa Bibliya. Ang mga nagtapos ay puwedeng maatasan bilang misyonero o maglingkod sa tanggapang pansangay sa bansang pinanggalingan nila o sa ibang bansa.
Gaano katagal: Limang buwan.
Ang mga puwedeng mag-aral: Pumipili ang mga tanggapang pansangay ng mga nasa buong-panahong paglilingkod para mag-apply sa school na ito. Ginaganap ang pag-aaral sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York sa United States.
School for Branch Committee Members and Their Wives
Layunin: Para sanayin ang mga miyembro ng Komite ng Sangay g na nangangasiwa ng gawain sa isang tanggapang pansangay. Sinasanay din silang pangasiwaan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa bansa o mga bansang nakaatas sa sangay nila.
Gaano katagal: Dalawang buwan.
Ang mga puwedeng mag-aral: Iniimbitahan ng Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ang ilang miyembro ng Komite ng Sangay at ang asawa nila sa school na ito. Ginaganap ang school sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York sa United States.
Saan nakabase ang mga pagsasanay na ibinibigay sa mga Saksi?
Bibliya ang pangunahing ginagamit sa pagsasanay sa mga Saksi ni Jehova. Naniniwala kami na ang Bibliya ay galing sa Diyos at na mababasa dito ang pinakamagandang payo na magagamit ng mga Kristiyano sa buhay nila.—2 Timoteo 3:16, 17.
Nagbabayad ba ang mga Saksi ni Jehova sa mga pagsasanay sa kanila?
Hindi. Libre ang pagsasanay. Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay sinusuportahan ng boluntaryong mga donasyon.—2 Corinto 9:7.
a Available sa website namin na jw.org ang Bibliya at ang mga pantulong sa pag-aaral sa Bibliya, kasama na ang mga video.
b Ang payunir—lalaki man o babae—ay isang bautisadong Saksi na may magandang halimbawa sa kongregasyon. Boluntaryo silang gumugugol ng espesipikong bilang ng oras bawat buwan sa pangangaral ng mensahe ng Bibliya.
c Ang mga elder ay mga may-gulang na Kristiyanong lalaki na nagtuturo mula sa Bibliya. Pinapastulan din nila ang mga lingkod ni Jehova sa pamamagitan ng pagtulong at pagpapatibay sa kanila. Wala silang suweldo sa paggawa nito.
d Ang tagapangasiwa ng sirkito ay isang buong-panahong ministro na dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon sa sirkito niya linggo-linggo. Nagbibigay siya ng mga pahayag na galing sa Bibliya at sinasamahan niya sa ministeryo ang mga kapananampalataya niya para patibayin sila.
e Maraming nagagawang praktikal na tulong ang mga ministeryal na lingkod para sa mga kapananampalataya nila. Dahil dito, mas maraming panahon ang mga elder sa pagtuturo at pagpapastol.
f Bethel ang tawag sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Sinusuportahan ng buong-panahong mga ministro na naglilingkod doon ang gawain ng mga Saksi sa mga lugar na nakaatas sa sangay nila.
g Ang Komite ng Sangay ay binubuo ng mga tatlo o higit pang kuwalipikado o may-gulang sa espirituwal na mga lalaki.