Pumunta sa nilalaman

Pinipilit Ba ng mga Saksi ni Jehova ang mga Tao na Magbago ng Relihiyon?

Pinipilit Ba ng mga Saksi ni Jehova ang mga Tao na Magbago ng Relihiyon?

 Hindi. Hindi namin pinipilit ang mga tao na magbago ng relihiyon. Sinasabi sa aming pangunahing magasin, Ang Bantayan: “Ang panggigipit sa mga tao na baguhin ang kanilang relihiyon ay mali.” a Hindi kami namimilit ng mga tao dahil sa sumusunod na mga dahilan:

  •   Hindi kailanman pinilit ni Jesus ang mga tao na tanggapin ang kaniyang mga turo. Alam niyang kaunti lang ang tutugon sa kaniyang mensahe. (Mateo 7:13, 14) Nang matisod sa sinabi niya ang ilan sa kaniyang mga alagad, hinayaan niya silang umalis sa halip na pilitin silang manatili.​—Juan 6:60-62, 66-68.

  •   Tinuruan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag pilitin ang iba na baguhin ang kanilang paniniwala. Sa halip na pilitin ang mga tao na tanggapin ang mabuting balita ng Kaharian nang labag sa kanilang kalooban, dapat hanapin ng mga alagad niya ang mga taong handang makinig.​—Mateo 10:7, 11-14.

  •   Walang kabuluhan ang sapilitang pangungumberte, yamang ang pagsambang tinatanggap ng Diyos ay yaong bukal sa puso.​—Deuteronomio 6:4, 5; Mateo 22:37, 38.

Pangungumberte ba ang aming gawain?

 Totoo, ipinangangaral namin ang mensahe ng Bibliya “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa,” at ginagawa namin ito “nang hayagan at sa bahay-bahay,” gaya ng utos ng Bibliya. (Gawa 1:8; 10:42; 20:20) At tulad ng unang mga Kristiyano, kami kung minsan ay inaakusahan ng ilegal na pangungumberte. (Gawa 18:12, 13) Pero hindi iyan totoo. Hindi namin ipinipilit sa iba ang aming paniniwala. Sa halip, naniniwala kami na ang mga tao ay dapat kumuha ng kaalaman para makapagpasiya sila ayon sa natutuhan nila.

 Hindi namin pinipilit ang mga tao na magbago ng relihiyon, ni ginagamit man namin ang relihiyon para makialam sa politika, o kaya’y nag-aalok ng materyal na bagay o mga koneksiyon para lang makapangumberte. Kabaligtaran ito ng ilan na nag-aangking Kristiyano pero winawalang-dangal si Kristo sa paggawa ng gayon. b

May karapatan ba ang isang tao na magpalit ng relihiyon?

Tinalikuran ng propetang si Abraham ang relihiyon ng mga kamag-anak niya

 Mayroon. Iniuulat ng Bibliya na marami ang hindi sumunod sa relihiyon ng kanilang mga kamag-anak, kundi nagpasiyang sumamba sa tunay na Diyos. Sina Abraham, Ruth, ilang taga-Atenas, at si apostol Pablo ay ilan lamang sa mga halimbawa. (Josue 24:2; Ruth 1:14-16; Gawa 17:22, 30-34; Galacia 1:14, 23) Bukod diyan, kinikilala pa nga ng Bibliya ang karapatan ng isang tao na talikuran ang pagsambang sinasang-ayunan ng Diyos kahit mali pa ito.​—1 Juan 2:19.

 Ang karapatang magbago ng relihiyon ay sinasang-ayunan ng Universal Declaration of Human Rights, na ayon sa United Nations ay “ang pundasyon ng batas sa karapatang pantao ng daigdig.” Nakasaad sa dokumentong iyon na ang lahat ay may “kalayaang magbago ng relihiyon o paniniwala” at “humanap, tumanggap at magbigay ng impormasyon at mga ideya,” kasama na ang mga relihiyosong ideya. c Siyempre pa, kasali sa karapatang iyon ang pananagutang igalang ang karapatan ng iba na huwag baguhin ang kanilang paniniwala at tanggihan ang mga ideya na hindi sila sang-ayon.

Nawawalang-dangal ba ang mga tradisyon o kaugalian ng pamilya kapag nagpalit ng relihiyon?

 Hindi naman. Hinihimok tayo ng Bibliya na igalang ang lahat, anuman ang kanilang relihiyon. (1 Pedro 2:17) Bukod diyan, sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang utos ng Bibliya na parangalan ang kanilang mga magulang, kahit na magkaiba ang kanilang paniniwala.​—Efeso 6:2, 3.

 Pero hindi lahat ay sang-ayon sa pangmalas ng Bibliya. Isang babae na lumaki sa Zambia ang nagsabi: “Sa aming komunidad, ang pagbabago ng relihiyon ng isa . . . ay itinuturing na di-pagkamatapat, isang [pagtataksil] sa pamilya at sa komunidad.” Napaharap siya sa isyung ito noong tin-edyer pa siya nang makipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at di-nagtagal pagkatapos nito ay nagpasiyang magbago ng kaniyang relihiyon. Sinabi niya: “Paulit-ulit na sinasabi sa akin ng aking mga magulang na hindi sila lubhang nalulugod sa akin at na binibigo ko sila. Naging napakahirap nito para sa akin, yamang ang pagsang-ayon ng aking mga magulang ay napakahalaga sa akin. . . . Ang pagiging matapat kay Jehova sa halip na sa relihiyosong mga tradisyon ay hindi nangangahulugan na ako ay nagiging di-matapat sa aking pamilya.” d

a Tingnan ang Bantayan ng Enero 1, 2002, pahina 12, parapo 15.

b Halimbawa, noong mga 785 C.E., nagbigay si Carlomagno ng utos na nagpapataw ng parusang kamatayan sa sinumang tao sa Saxony na hindi magpapabautismo bilang Kristiyano. Itinakda rin sa Peace of Augsburg, na nilagdaan noong 1555 C.E. ng mga naglalabang pangkat sa Banal na Imperyong Romano, na ang tagapamahala sa bawat teritoryo ay dapat na Romano Katoliko o kaya’y Luterano, at na susunod dito ang lahat ng sakop niya. Ang hindi susunod sa relihiyon ng tagapamahala ay paaalisin sa bansa.

c Makikita rin ang gayong mga karapatan sa African Charter on Human and Peoples’ Rights, sa American Declaration of the Rights and Duties of Man, sa 2004 Arab Charter on Human Rights, sa ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) Human Rights Declaration, sa European Convention on Human Rights, at sa International Covenant on Civil and Political Rights. Gayunman, kahit ang mga bansang nagsasabing nagbibigay ng gayong mga karapatan ay nagkakaiba-iba pa rin sa pagpapatupad nito.

d Jehova ang pangalan ng tunay na Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.