Inuuna ang Kapakanan ng Iba Kahit May Kapansanan
Si Maria Lúcia, taga-Brazil, ay may Usher’s syndrome. Isa itong genetic disorder kung saan puwedeng mawala ang pandinig at paningin ng isa. Ipinanganak siyang bingi at natutong mag-sign language noong bata pa. Pagkatapos, noong mga 30 na siya, unti-unti nang nawala ang paningin niya. Pero kahit may kapansanan, nakikipag-usap at nakikipagkaibigan pa rin siya sa iba. Kaya kahit mahigit 70 na siya, masaya at makabuluhan pa rin ang buhay niya.
Noong 1977, nakilala ni Maria Lúcia ang mga Saksi ni Jehova bago nag-umpisang mawala ang paningin niya. Ikinuwento niya: “Nakausap ko ang dati kong schoolmate, si Adriano, na isa nang Saksi. Sinabi niya na may ipinangako ang Diyos sa hinaharap na paraisong lupa kung saan ang lahat ng tao ay may perpektong kalusugan. Nagustuhan ko ang sinabi niya kaya nagpa-Bible study ako. Di-nagtagal, dumadalo na ako sa isang kongregasyon sa Rio de Janeiro, na may sign language interpretation. Sa tulong ni Jehova, sumulong ako at nabautismuhan noong Hulyo 1978.”
Lumipat si Maria Lúcia sa ibang kongregasyon, kaya lang walang Saksing marunong mag-sign language doon. Mahirap iyon para sa kaniya, kasi hindi niya maintindihan ang mga pulong. Pero tinulungan siya ng dalawang kapatid. Tinatabihan nila siya sa mga pulong at nagsusulat ng mga note para sa kaniya. “Pag-uwi ko,” sabi ni Maria Lúcia, “paulit-ulit kong binabasa ang mga note para maintindihan ko ang impormasyon. Di-nagtagal, nag-aral ang dalawang sister na iyon ng sign language at naging mga interpreter ko.”
Dumating ang panahon na hindi na nakikita ni Maria Lúcia ang mga ginagawang sign language ng mga interpreter niya. Kaya sinubukan niyang mag-tactile sign language. Paano iyon? Sinabi niya: “Hinahawakan ko ang mga kamay ng nag-iinterpret para sa akin. Kaya ko nalalaman ang ginagawa niyang sign.”
Laking pasasalamat ni Maria Lúcia sa mga interpreter niya. “Regalo sila ni Jehova sa akin,” ang sabi niya. “Sa tulong nila, nakikinabang ako sa mga pulong ng kongregasyon, asamblea, at kombensiyon.”
Masipag pa ring nangangaral si Maria Lúcia. Gamit ang tactile sign language, nangangaral siya sa mga bingi. Gulat na gulat sila sa mga ginagawa niya para lang masabi sa kanila ang mabuting balita. Sa panahon ng COVID-19 pandemic, napakarami niyang sinulatang bingi sa tulong ng kapatid niyang si José Antônio, na isa ring bingi at bulag. a
Paano iyon ginawa ni Maria Lúcia? “May ginagamit akong plastik na parang letrang L. Nakatulong iyon para maging maayos at nasa linya ang pagsusulat ko,” ang sabi niya. “Matalas ang memorya ni José Antônio. Nagbibigay siya ng mga topic at teksto sa Bibliya, at isinasama ko iyon sa mga sulat. Sinisikap ko ring magsulat sa paraang naiintindihan ng mga bingi. Hindi kasi lahat sa kanila pamilyar sa nakasulat na wika.”
Tuluyan nang hindi nakakakita ngayon si Maria Lúcia, pero napakasipag pa rin niya. Sinabi ng isa sa mga interpreter niya na si Karoline: “Si Maria Lúcia ang gumagawa ng lahat ng gawaing-bahay at laging malinis at maayos ang bahay niya. Mahilig siyang magluto at mamigay nito sa mga kaibigan niya.”
Sinabi naman ni Jefferson, isang elder sa kongregasyon ni Maria Lúcia: “Mahal na mahal ni Maria Lúcia si Jehova. At mahal din niya ang mga tao. Lagi siyang may ginagawa para sa iba. Inuuna niya ang kapakanan nila.”—Filipos 2:4.
a Naging Saksi rin si José Antônio at nabautismuhan noong 2003. Gaya ni Maria Lúcia, ipinanganak siyang bingi at unti-unting nawala ang paningin niya.