Ano ang Mabangis na Hayop na May Pitong Ulo sa Apocalipsis Kabanata 13?
Ang sagot ng Bibliya
Ang mabangis na hayop na may pitong ulo na ipinakilala sa Apocalipsis 13:1 ay lumalarawan sa pandaigdig na politikal na sistema.
Ito ay may awtoridad, kapangyarihan, at trono, na nagpapakitang isa itong politikal na organisasyon.—Apocalipsis 13:2.
Ito ay namamahala sa “bawat tribo at bayan at wika at bansa,” kaya nakahihigit ito sa gobyerno ng isang bansa.—Apocalipsis 13:7.
Ito ay may pinagsama-samang mga katangian ng apat na hayop na inilarawan sa hula ng Daniel 7:2-8, gaya ng anyo ng isang leopardo, paa ng isang oso, bibig ng isang leon, at sampung sungay. Ang mga hayop sa hula ni Daniel ay tumutukoy sa espesipikong mga hari, o politikal na mga kaharian, na sunod-sunod na namahala sa mga imperyo. (Daniel 7:17, 23) Kaya ang mabangis na hayop sa Apocalipsis kabanata 13 ay lumalarawan sa kalipunan ng mga politikal na organisasyon.
Ito ay umaahon “mula sa dagat,” ibig sabihin, mula sa magulong sangkatauhan kung saan nanggagaling ang mga gobyerno ng tao.—Apocalipsis 13:1; Isaias 17:12, 13.
Sinasabi ng Bibliya na ang bilang, o pangalan, ng hayop—666—ay “bilang ng isang tao.” (Apocalipsis 13:17, 18) Ipinakikita nito na ang hayop sa Apocalipsis kabanata 13 ay isang organisasyon ng tao, hindi ng espiritu o demonyo.
Hindi man laging nagkakasundo ang mga bansa, nagkakaisa naman sila sa kanilang determinasyong mapanatili ang kanilang awtoridad kaysa magpasakop sa Kaharian ng Diyos. (Awit 2:2) Magsasanib-puwersa rin sila laban sa hukbo ng Diyos na pangungunahan ni Jesu-Kristo sa Armagedon. Pero sa digmaang ito, mapupuksa ang mga bansa.—Apocalipsis 16:14, 16; 19:19, 20.
“Sampung sungay at pitong ulo”
May ilang numero sa Bibliya na ginagamit sa makasagisag na paraan. Halimbawa, ang sampu at ang pito ay lumalarawan sa pagiging kumpleto. Ang susi para maunawaan ang espesipikong kahulugan ng “sampung sungay at pitong ulo” ng hayop sa Apocalipsis kabanata 13 ay ang “larawan ng mabangis na hayop” na tinukoy nang dakong huli sa Apocalipsis—isang hayop na matingkad na pula na may pitong ulo at sampung sungay. (Apocalipsis 13:1, 14, 15; 17:3) Sinasabi ng Bibliya na ang pitong ulo ng kulay-pulang hayop na ito ay lumalarawan sa “pitong hari,” o gobyerno.—Apocalipsis 17:9, 10.
Gayundin, ang pitong ulo ng hayop sa Apocalipsis 13:1 ay kumakatawan sa pitong gobyerno: ang pangunahing politikal na mga kapangyarihan na nangibabaw sa kasaysayan at nanguna sa pang-aapi sa bayan ng Diyos—Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, Roma, at Anglo-Amerika. Ang sampung sungay (karaniwan nang sumasagisag sa mga gobyerno) ay kumakatawan sa lahat ng nagsasariling estado, maliliit at malalaki. Kaya ang diadema, o korona (sumasagisag sa awtoridad at kapangyarihan), sa bawat sungay ay nagpapakita na namamahala rin ang bawat bansa kasabay ng pangunahing politikal na kapangyarihan sa panahong iyon.