Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-aayuno?
Ang sagot ng Bibliya
Noong panahon ng Bibliya, tinatanggap ng Diyos ang pag-aayuno kapag tama ang motibo ng gumagawa nito. Pero hindi nalulugod ang Diyos kung mali ang dahilan sa paggawa nito. Gayunman, hindi iniuutos at hindi rin ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-aayuno sa ngayon.
Sa anong mga pagkakataon nag-aayuno ang ilan noong panahon ng Bibliya?
Kapag humihingi ng tulong at patnubay ng Diyos. Nag-ayuno ang mga naglakbay papuntang Jerusalem para ipakita na taimtim sila sa paghingi ng tulong sa Diyos. (Ezra 8:21-23) May mga pagkakataong nag-aayuno sina Pablo at Bernabe kapag humihirang ng mga elder sa kongregasyon.—Gawa 14:23.
Kapag binubulay-bulay ang layunin ng Diyos. Matapos magpabautismo si Jesus, nag-ayuno siya nang 40 araw para ihanda ang sarili niya sa paggawa ng kalooban ng Diyos sa kaniyang ministeryo.—Lucas 4:1, 2.
Kapag nagsisisi sa mga nagawang kasalanan. Sa pamamagitan ng propetang si Joel, sinabi ni Jehova sa di-tapat na mga Israelita: “Manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso, at may pag-aayuno at may pagtangis at may paghagulhol.”—Joel 2:12-15.
Kapag ipinagdiriwang ang Araw ng Pagbabayad-Sala. Kasama sa Kautusan na ibinigay ni Jehova sa bansang Israel ang pag-aayuno sa Araw ng Pagbabayad-Sala. a (Levitico 16:29-31) Tama lang ang pag-aayuno sa okasyong ito dahil ipinaaalala nito sa mga Israelita na hindi sila perpekto at kailangan nila ng kapatawaran ng Diyos.
Ano ang ilang maling dahilan sa pag-aayuno?
Para magpasikat. Itinuro ni Jesus na ang relihiyosong pag-aayuno ay dapat na isang personal at pribadong bagay, sa pagitan lang ng indibiduwal at ng Diyos.—Mateo 6:16-18.
Para patunayang matuwid ang sarili. Kapag nag-aayuno ang isang tao, hindi nangangahulugang nakahihigit siya sa moral at espirituwal na paraan.—Lucas 18:9-14.
Para bumawi sa sinasadyang kasalanan. (Isaias 58:3, 4) Ang pag-aayuno lang na tinanggap ng Diyos ay ang may kasamang pagsunod at taos-pusong pagsisisi sa nagawang kasalanan.
Para lang sa pormalidad. (Isaias 58:5-7) Ang Diyos ay gaya ng isang magulang na hindi natutuwa kapag nagpapakita sa kaniya ng pagmamahal ang mga anak niya dahil lang sa obligasyon at hindi mula sa puso.
Kahilingan ba sa mga Kristiyano na mag-ayuno?
Hindi. Inutusan ng Diyos ang mga Israelita na mag-ayuno sa Araw ng Pagbabayad-Sala, pero inalis niya ang pagdiriwang nito pagkatapos na permanenteng mabayaran ni Jesus ang kasalanan ng nagsisising mga tao. (Hebreo 9:24-26; 1 Pedro 3:18) Ang mga Kristiyano ay wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kung saan ipinag-uutos ang pagdiriwang ng Araw ng Pagbabayad-Sala. (Roma 10:4; Colosas 2:13, 14) Kaya nakadepende sa bawat Kristiyano kung mag-aayuno siya o hindi.—Roma 14:1-4.
Alam ng mga Kristiyano na hindi mahalaga ang pag-aayuno sa pagsamba nila. Hindi kailanman sinabi ng Bibliya na magiging masaya ang isang tao kapag nag-ayuno siya. Pero makikita sa tunay na pagsamba ng mga Kristiyano ang kaligayahan, na katangian ni Jehova, ang “maligayang Diyos.”—1 Timoteo 1:11; Eclesiastes 3:12, 13; Galacia 5:22.
Mga maling akala tungkol sa sinasabi ng Bibliya sa pag-aayuno
Maling akala: Pinayuhan ng apostol na si Pablo ang mga mag-asawang Kristiyano na mag-ayuno.—1 Corinto 7:5, King James Version.
Ang totoo: Ang pinakamatatandang manuskrito ng Bibliya ay walang binabanggit na pag-aayuno sa 1 Corinto 7:5. b Lumilitaw na idinagdag ng mga tagakopya ng Bibliya ang tungkol sa pag-aayuno, hindi lang sa talatang ito, kundi pati sa Mateo 17:21; Marcos 9:29; at Gawa 10:30. Ang maling paglitaw ng pag-aayuno sa mga talatang ito ay hindi na makikita sa karamihan ng modernong salin ng Bibliya.
Maling akala: Dapat mag-ayuno ang mga Kristiyano bilang pag-alaala sa 40 araw na pag-aayuno ni Jesus sa ilang pagkatapos niyang magpabautismo.
Ang totoo: Hindi iniutos ni Jesus ang gayong pag-aayuno, at wala ring ipinahihiwatig ang Bibliya na ginawa ito ng mga unang Kristiyano. c
Maling akala: Dapat mag-ayuno ang mga Kristiyano kapag inaalaala ang kamatayan ni Jesus.
Ang totoo: Hindi iniutos ni Jesus sa mga alagad niya na mag-ayuno kapag inaalaala ang kamatayan niya. (Lucas 22:14-18) Sinabi nga ni Jesus na mag-aayuno ang mga alagad niya pagkamatay niya, pero hindi ito utos, kundi sinasabi lang niya kung ano ang mangyayari. (Mateo 9:15) Tinagubilinan ng Bibliya ang mga Kristiyano na kumain muna sa bahay kung nagugutom sila bago idaos ang pag-alaala sa kamatayan ni Jesus.—1 Corinto 11:33, 34.
a Sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Pipighatiin ninyo ang inyong mga kaluluwa” sa Araw ng Pagbabayad-Sala. (Levitico 16:29, 31) Sinasabing tumutukoy ito sa pag-aayuno. (Isaias 58:3) Kaya ganito ang salin ng Contemporary English Version: “Hindi ka kakain para ipakita ang iyong pamimighati sa mga kasalanan mo.”
b Tingnan ang A Textual Commentary on the Greek New Testament, ni Bruce M. Metzger, Ikatlong Edisyon, pahina 554.
c Tungkol sa kasaysayan ng 40-araw na pag-aayuno kapag Kuwaresma, sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Noong unang tatlong siglo, ang pag-aayuno para sa paghahanda sa kapistahan ng Easter ay di-lalampas sa isang linggo; karaniwang ginagawa ito nang isa o dalawang araw lang. . . . Unang binanggit ang 40 araw sa ikalimang kanon ng Konsilyo ng Nicaea (325), bagaman nagtatalo ang ilang iskolar kung Kuwaresma nga ang tinutukoy roon.”—Ikalawang Edisyon, Tomo 8, pahina 468.