Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagsasalin ng Dugo?
Ang sagot ng Bibliya
Iniutos ng Bibliya na huwag tayong magpasok ng dugo sa katawan. Kaya hindi tayo dapat kumain nito o magpasalin ng purong dugo o ng pangunahing mga sangkap nito. Pansinin ang sumusunod na mga teksto:
Genesis 9:4. Pinahintulutan ng Diyos si Noe at ang pamilya niya na kumain ng karne ng hayop pagkatapos ng Baha pero ipinagbawal niya sa kanila ang pagkain ng dugo. Sinabi ng Diyos kay Noe: “Tanging ang laman na kasama ang kaluluwa nito—ang dugo nito—ang huwag ninyong kakainin.” Ang utos na ito ay para sa buong sangkatauhan dahil lahat tayo ay mga inapo ni Noe.
Levitico 17:14. “Huwag ninyong kakainin ang dugo ng anumang uri ng laman, sapagkat ang kaluluwa ng bawat uri ng laman ay ang dugo nito. Ang sinumang kakain niyaon ay lilipulin.” Para sa Diyos, ang kaluluwa, o buhay, ay nasa dugo at siya ang may-ari nito. Bagaman ang kautusang ito ay sa bansang Israel lamang ibinigay, ipinakikita nito na napakahalaga sa Diyos ang batas laban sa pagkain ng dugo.
Gawa 15:20. “Umiwas ... sa dugo.” Ibinigay rin ng Diyos sa mga Kristiyano ang utos na ibinigay niya kay Noe. Ipinakikita ng kasaysayan na ang unang mga Kristiyano ay tumangging kumain ng dugo. Hindi rin nila ito ginamit kahit bilang panggamot.
Bakit tayo inuutusan ng Diyos na umiwas sa dugo?
May mga ebidensiyang nagpapatunay na mapanganib sa kalusugan ang pagsasalin ng dugo. Pero may mas mahalagang dahilan kung bakit tayo inuutusan ng Diyos na umiwas sa dugo—kumakatawan ito sa isang bagay na sagrado sa kaniya.—Levitico 17:11; Colosas 1:20.