Pumunta sa nilalaman

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Homoseksuwalidad?

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Homoseksuwalidad?

Ang sagot ng Bibliya

 Nang lalangin ng Diyos ang mga tao, nilayon niyang ang sex ay para lang sa pagitan ng isang lalaki at babae na mag-asawa. (Genesis 1:27, 28; Levitico 18:22; Kawikaan 5:18, 19) Hinahatulan ng Bibliya ang seksuwal na gawain sa pagitan ng hindi mag-asawa, magkasekso man sila o hindi. (1 Corinto 6:18) Kasama rito ang pagtatalik, paghimas sa ari ng iba, at ang oral o anal sex.

 Bagaman hinahatulan ng Bibliya ang homoseksuwal na mga gawain, hindi nito sinasang-ayunan ang pagkapoot sa mga homoseksuwal, o homophobia. Sa halip, inuutusan ang mga Kristiyano na ‘igalang ang lahat ng tao.’—1 Pedro 2:17, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

 May mga tao ba na ipinanganak na homoseksuwal?

Walang tuwirang sinasabi ang Bibliya tungkol sa biyolohikal na kayarian ng mga homoseksuwal, bagaman sinasabi nito na lahat tayo ay ipinanganak na may tendensiyang sumuway sa mga utos ng Diyos. (Roma 7:21-25) Sa halip na magtuon ng pansin sa pinagmumulan ng homoseksuwal na mga pagnanasa, ipinagbabawal ng Bibliya ang homoseksuwal na mga gawain.

 Kung paano mapalulugdan ang Diyos kahit na may pinaglalabanang homoseksuwal na pagnanasa.

Sinasabi ng Bibliya: “Huwag magpakontrol sa iyong katawan. Patayin ang lahat ng pagnanasa sa maling uri ng sekso.” (Colosas 3:5, Contemporary English Version) Para mapatay ang maling mga pagnanasa, na umaakay sa maling paggawi, kailangan mong kontrolin ang iyong pag-iisip. Kung lagi mong pupunuin ang iyong isip ng mga bagay na malinis, mas madali mong maaalis ang maling pagnanasa. (Filipos 4:8; Santiago 1:14, 15) Maaaring mahirapan ka sa simula, pero magiging madali rin ito. Nangangako ang Diyos na tutulungan ka niyang ‘baguhin ang puwersa na nagpapakilos sa iyong pag-iisip.’—Efeso 4:22-24.

 Milyun-milyong indibiduwal na hindi naman homoseksuwal ang nagpupunyagi rin para masunod ang pamantayan ng Bibliya. Halimbawa, nariyan ang mga dalaga’t binata na wala sa kalagayang mag-asawa o iba pa na ang asawa ay walang kakayahang makipagtalik. Hindi sila nagpapadala sa seksuwal na mga pagnanasa, anumang tukso ang mapaharap sa kanila. Maligaya sila kahit hindi nasasapatan ang pagnanasa nila. Magagawa rin iyan ng mga may homoseksuwal na pagnanasa kung talagang gusto nilang mapasaya ang Diyos.—Deuteronomio 30:19.