Ginamit Ba ng Diyos ang Ebolusyon Para Magkaroon ng Iba’t Ibang Uri ng Buhay?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang mga tao at ang iba’t ibang “uri” ng hayop at halaman. a (Genesis 1:12, 21, 25, 27; Apocalipsis 4:11) Sinasabi nito na ang buong pamilya ng tao ay nanggaling kina Adan at Eva, ang ating unang mga magulang. (Genesis 3:20; 4:1) Hindi sinusuportahan ng Bibliya ang teoriya na ginamit ng Diyos ang ebolusyon para magkaroon ng iba’t ibang uri ng buhay, na tinatawag na teistikong ebolusyon. Pero ang totoo, hindi tinututulan ng Bibliya ang sinasabi ng siyensiya na may pagkakasari-sari sa bawat uri ng buhay. b
Ginamit ba ng Diyos ang ebolusyon?
Ang terminong “teistikong ebolusyon” ay tumutukoy sa iba’t ibang ideya. Ayon sa Encyclopædia Britannica, itinataguyod ng terminong ito ang ideya na “ang isa sa ginamit ng Diyos para magkaroon ng iba pang buhay ay ang natural selection.”
Kasama sa turo ng teistikong ebolusyon ang mga ideya na:
Lahat ng buháy na organismo ay nanggaling sa iisang organismo na matagal nang umiral.
Ang isang uri ng buhay ay puwedeng mag-evolve tungo sa ibang uri ng buhay, na karaniwan nang tinatawag na macroevolution.
Ginamit ng Diyos ang mga prosesong ito.
Kaayon ba ng Bibliya ang ebolusyon?
Ipinapahiwatig ng teistikong ebolusyon na hindi lahat ng ulat sa Bibliya tungkol sa paglalang sa aklat ng Genesis ay tama. Pero tinukoy ni Jesus ang ulat ng Genesis bilang totoong mga pangyayari. (Genesis 1:26, 27; 2:18-24; Mateo 19:4-6) Sinasabi ng Bibliya na bago naging tao si Jesus, nabuhay siya sa langit at katulong siya ng Diyos sa paggawa ng “lahat ng bagay.” (Juan 1:3) Kaya naman, ang ideya na ginamit ng Diyos ang ebolusyon para magkaroon ng iba’t ibang uri ng buhay ay hindi kaayon ng itinuturo ng Bibliya.
Masasabi bang ebolusyon ang kakayahang mag-adapt ng mga hayop at halaman sa kapaligiran nito?
Hindi sinasabi ng Bibliya kung paano nagkakaroon ng pagkakasari-sari sa iisang uri ng buhay. At hindi rin nito kinokontra ang katotohanan na ang iba’t ibang uri ng hayop at halaman na nilikha ng Diyos ay nagkakaroon ng pagkakasari-sari dahil sa pagpapalahi o pag-a-adapt sa kapaligiran. Para sa ilan, ang gayong maliliit na pagbabago ay isang anyo ng ebolusyon, pero ang totoo, wala talagang bagong uri ng buhay ang nabubuo.
a Ginamit ng Bibliya ang salitang “uri,” na mas malawak ang kahulugan kaysa sa salitang “species” na ginagamit ng mga siyentipiko. Kadalasan nang sinasabi ng mga siyentipiko na may nag-evolve na isang bagong species, pero ang totoo, nagkaroon lang ng pagkakasari-sari sa isang uri ng buhay gaya ng salitang ginamit sa Genesis.
b Ang konseptong ito ay tinatawag na microevolution.