Paano Nakapagliligtas si Jesus?
Ang sagot ng Bibliya
Iniligtas ni Jesus ang tapat na mga tao nang ibigay niya ang kaniyang buhay bilang haing pantubos. (Mateo 20:28) Kaya sa Bibliya, tinatawag si Jesus na “Tagapagligtas ng sanlibutan.” (1 Juan 4:14) Sinasabi pa nito: “Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na siya nating dapat ikaligtas.”—Gawa 4:12.
‘Natikman ni Jesus ang kamatayan para sa bawat tao’ na nananampalataya sa kaniya. (Hebreo 2:9; Juan 3:16) Pagkatapos, “ibinangon siya ng Diyos mula sa mga patay,” at bumalik si Jesus sa langit bilang espiritung nilalang. (Gawa 3:15) Doon, nagagawa ni Jesus na “iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya ay laging buháy upang makiusap para sa kanila.”—Hebreo 7:25.
Bakit kailangang makiusap si Jesus para sa atin?
Makasalanan tayong lahat. (Roma 3:23) Dahil sa kasalanan, nagkaroon ng harang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at ang kasalanan ay umaakay sa kamatayan. (Roma 6:23) Pero si Jesus ay nagsisilbing “tagapagtanggol” ng mga nananampalataya sa pantubos. (1 Juan 2:1, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Nakikiusap si Jesus sa Diyos na dinggin ang panalangin nila at patawarin ang mga kasalanan nila salig sa bisa ng kaniyang kamatayan. (Mateo 1:21; Roma 8:34) Dinirinig ng Diyos ang mga pakiusap na iyon ni Jesus dahil ang mga iyon ay kaayon ng kalooban Niya. Isinugo ng Diyos si Jesus sa lupa “upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.”—Juan 3:17.
Sapat na ba ang paniniwala kay Jesus para maligtas?
Hindi. Bukod sa paniniwala kay Jesus, may iba pang kailangan. (Gawa 16:30, 31) Sinasabi ng Bibliya: “Kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:26) Para maligtas, kailangan nating:
Matuto tungkol kay Jesus at sa kaniyang Ama, si Jehova.—Juan 17:3.
Manampalataya sa kanila.—Juan 12:44; 14:1.
Ipakita ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos nila. (Lucas 6:46; 1 Juan 2:17) Itinuro ni Jesus na hindi lahat ng tumatawag sa kaniya ng “Panginoon” ay maliligtas kundi ang mga “gumagawa [lang] ng kalooban ng [kaniyang] Ama na nasa langit.”—Mateo 7:21.
Patuloy na ipakita ang ating pananampalataya kahit sa mahihirap na kalagayan. Idiniin iyan ni Jesus nang sabihin niya: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Mateo 24:13.