Ano Kaya ang Kalooban ng Diyos Para sa Akin?
Ang sagot ng Bibliya
Kalooban ng Diyos na lubos mo siyang makilala, mapalapít ka sa kaniya, at ibigin at paglingkuran mo siya nang buong puso. (Mateo 22:37, 38; Santiago 4:8) Matututuhan mo kung paano gagawin ang kalooban ng Diyos kung pag-aaralan mo ang buhay at mga turo ni Jesus. (Juan 7:16, 17) Hindi lang ipinangaral ni Jesus ang kalooban ng Diyos—isinabuhay niya ito. Sa katunayan, sinabi ni Jesus na ang layunin niya sa buhay ay “gawin, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.”—Juan 6:38.
Kailangan ko ba ng espesyal na tanda o pangitain para malaman ang kalooban ng Diyos para sa akin?
Hindi, kasi nasa Bibliya na ang mensahe ng Diyos para sa sangkatauhan. Narito ang kailangan mo para ‘lubusang masangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.’ (2 Timoteo 3:16, 17) Gusto ng Diyos na gamitin mo ang Bibliya at ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran” para malaman mo ang kalooban niya para sa iyo.—Roma 12:1, 2; Efeso 5:17.
Makakaya ko ba talagang gawin ang kalooban ng Diyos?
Oo, makakaya mo, dahil sinasabi ng Bibliya: “Hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos.” (1 Juan 5:3, Magandang Balita Biblia) Hindi ibig sabihin nito na laging madaling sundin ang mga utos ng Diyos. Pero sulit ang pagsisikap mo. Sinabi mismo ni Jesus: “Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”—Lucas 11:28.