Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagli-live-in?
Ang sagot ng Bibliya
Sinasabi ng Bibliya na gusto ng Diyos na “umiwas [tayo] sa seksuwal na imoralidad.” (1 Tesalonica 4:3) Sa Bibliya, kasama sa seksuwal na imoralidad ang pangangalunya, pakikipagtalik sa kasekso, at seksuwal na mga gawain sa pagitan ng lalaki at babae na hindi mag-asawa.
Bakit mahalaga sa Diyos na magpakasal?
Galing sa Diyos ang kaayusan sa pag-aasawa. Pinasimulan niya ito nang dalhin niya ang babae sa lalaki pasa ikasal. (Genesis 2:22-24) Hindi layunin ng Diyos na magsama ang lalaki at babae nang hindi ikinakasal.
Alam ng Diyos ang pinakamabuti para sa mga tao. Ginawa niyang permanente ang pagsasama ng mag-asawa para sa ikabubuti ng pamilya. Halimbawa, makakabuo ka ng isang kabinet kung susundin mo ang manual na mula sa manufacturer. Sa katulad na paraan, magiging matagumpay ka rin sa pagbuo ng pamilya kung susundin mo ang patnubay ng Diyos. Laging nakikinabang ang mga taong sumusunod sa patnubay ng Diyos.—Isaias 48:17, 18.
May masasamang resulta ang pakikipag-sex nang hindi kasal. Maaari itong mauwi sa di-inaasahang pagbubuntis, sakit na naipapasa dahil sa pakikipag-sex, at matinding paghihirap ng kalooban at panunumbat ng konsensiya. a
Binigyan ng Diyos ang lalaki at babae ng kakayahang mag-anak sa pamamagitan ng sex. Sagrado ang buhay para sa Diyos, at isang napakahalagang regalo ang pag-aanak. Gusto ng Diyos na pahalagahan natin ang regalong iyan sa pamamagitan ng pagsunod sa kaayusan ng pag-aasawa.—Hebreo 13:4.
Paano naman ang pagli-live-in muna para malaman kung magkakasundo kayo?
Hindi kailangan na pansamantalang magsama nang walang commitment para malaman kung magtatagumpay ang pagsasama ninyo. Ang totoo, mas tumatagal ang pagsasama kapag may commitment kayo sa isa’t isa at nagtutulungan kayo para malampasan ang mga problema. b Pinapatibay ng kasal ang commitment.—Mateo 19:6.
Paano mapapatibay ang pagsasama ng mag-asawa?
Walang perpektong pag-aasawa. Pero puwedeng magtagumpay ang mag-asawa kung susundin nila ang payo ng Bibliya. Ito ang ilang halimbawa:
Unahin ang pangangailangan ng iyong asawa.—1 Corinto 7:3-5; Filipos 2:3, 4.
Mahalin at irespeto ang isa’t isa.—Efeso 5:25, 33.
Mag-isip bago magsalita.—Kawikaan 12:18.
Maging mapagpasensiya at mapagpatawad.—Colosas 3:13, 14.
a Tingnan ang artikulong “Tanong ng mga Kabataan . . . Paano Kung Pine-pressure Akong Makipag-sex?”
b Tingnan ang artikulong “Matagumpay na Pamilya—Commitment.”