Magugunaw Ba ang Mundo?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi. Hindi magugunaw ang mundo at hindi rin ito papalitan. Itinuturo ng Bibliya na nilikha ng Diyos ang lupa para tirhan magpakailanman.
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
“Itinayo [ng Diyos] ang lupa sa matatag na pundasyon; hindi ito magagalaw sa lugar nito magpakailanman.”—Awit 104:5.
“Ang lupa ay mananatili magpakailanman.”—Eclesiastes 1:4.
“Ang gumawa sa lupa, ang Maylikha nito na nagpatatag dito, [ay] hindi lumalang nito nang walang dahilan, kundi lumikha nito para tirhan.”—Isaias 45:18.
Tuluyan bang masisira ng tao ang lupa?
Hindi hahayaan ng Diyos na tuluyang masira ng tao ang lupa dahil sa polusyon, digmaan, o iba pang bagay. Sa halip, ‘ipapahamak niya ang mga nagpapahamak sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Paano niya iyon gagawin?
Ang gobyerno ng tao, na hindi kayang magprotekta sa lupa, ay papalitan ng Diyos ng isang perpektong Kaharian sa langit. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Ang Kahariang iyon ay pamamahalaan ni Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos. (Isaias 9:6, 7) Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya na may kapangyarihan siya sa kalikasan. (Marcos 4:35-41) Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, lubusang pamamahalaan ni Jesus ang lupa at kokontrolin niya ang mga elemento nito. Ibabalik niya ang lupa sa dating kalagayan nito gaya ng sa hardin ng Eden noon.—Mateo 19:28; Lucas 23:43.
Hindi ba itinuturo ng Bibliya na masusunog sa apoy ang lupa?
Hindi. Ang maling paniniwalang iyon ay karaniwan nang dahil sa maling pagkaunawa sa 2 Pedro 3:7, na nagsasabi: “Ang langit at ang lupa na umiiral ngayon ay nakalaan sa apoy.” Tingnan ang dalawang mahahalagang punto na tutulong sa ating maintindihan ang pananalitang iyon:
Ginagamit ng Bibliya ang mga terminong “langit,” “lupa,” at “apoy” para tumukoy sa iba pang bagay. Halimbawa, sinasabi sa Genesis 11:1: “Iisa lang ang wika . . . ng buong lupa.” Ang “lupa” rito ay tumutukoy sa lipunan ng tao.
Ipinapakita ng konteksto ng 2 Pedro 3:7 kung ano ang ibig sabihin ng langit, lupa, at apoy na binanggit dito. Ang pananalita rito ay ikinumpara ng talata 5 at 6 sa Baha noong panahon ni Noe. Napuksa ang sanlibutan noon, pero hindi naglaho ang planeta natin. Sa halip, tinangay ng baha ang marahas na lipunan ng tao, o “ang lupa.” (Genesis 6:11) Winasak rin nito ang isang uri ng “langit”—ang mga taong namamahala sa lipunang iyon. Kaya masasamang tao ang nawala, hindi ang planeta natin. Nakaligtas si Noe at ang pamilya niya sa pagkapuksa ng sanlibutang iyon at tumira sila sa lupa pagkatapos ng Baha.—Genesis 8:15-18.
Gaya ng Baha, ang pagkapuksa, o “apoy,” sa 2 Pedro 3:7 ay tatapos sa sanlibutan ng masasamang tao, at hindi sa planetang Lupa. Nangako ang Diyos ng “bagong langit at bagong lupa,” at “sa mga ito ay magiging matuwid ang lahat ng bagay.” (2 Pedro 3:13) Ang “bagong lupa,” o bagong lipunan ng tao, ay pamamahalaan ng “bagong langit,” o bagong gobyerno—ang Kaharian ng Diyos. Sa pamamahala ng Kahariang iyon, ang lupa ay magiging isang mapayapang paraiso.—Apocalipsis 21:1-4.