Paano Ka Magiging Kaibigan ng Diyos?
Ang sagot ng Bibliya
Magiging kaibigan mo ang Diyos kung kikilalanin mo siya at gagawin ang mga gusto niya. Kapag ginawa mo iyan, ‘lalapit siya sa iyo.’ (Santiago 4:8) Tinitiyak ng Bibliya na “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”—Gawa 17:27.
Mga dapat gawin para maging kaibigan ng Diyos
Basahin ang Bibliya
Ang sabi ng Bibliya: “Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos.”—2 Timoteo 3:16.
Ibig sabihin: Ang Diyos ang Awtor ng Bibliya. Ipinasulat niya ang mga kaisipan niya sa mga manunulat nito. Mababasa sa espesyal na aklat na ito ang mga gustong gawin ng Diyos para sa atin, pati na ang mga katangian niya, gaya ng pag-ibig, katarungan, at awa.—Exodo 34:6; Deuteronomio 32:4.
Ang puwede mong gawin: Basahin mo ang Bibliya araw-araw. (Josue 1:8) Pag-isipang mabuti ang binabasa mo, at tanungin ang sarili: ‘Ano ang itinuturo nito sa akin tungkol sa Diyos?’—Awit 77:12.
Halimbawa, basahin ang Jeremias 29:11. Pagkatapos, tanungin ang sarili: ‘Ano ang gusto ng Diyos para sa akin—kapayapaan o kapahamakan? Malupit ba siyang Diyos o gusto niyang magkaroon ako ng magandang kinabukasan?’
Pag-aralan ang mga nilalang ng Diyos
Ang sabi ng Bibliya: “Ang kaniyang [ang Diyos] di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa nang lalangin ang mundo, dahil ang mga ito ... ay nakikita sa mga bagay na ginawa niya.”—Roma 1:20.
Ibig sabihin: Magkakaideya ka sa mga katangian ng isang artist o ng isang imbentor mula sa mga ginawa niya. Makikita rin sa mga nilalang ng Diyos ang mga katangian niya. Halimbawa, makikita sa kakayahan at pagiging komplikado ng utak ng tao ang karunungan ng Diyos. At kahit napakalakas ng enerhiya ng araw at ng iba pang bituin, kontrolado pa rin ito. Makikita rito ang kapangyarihan ng Diyos.—Awit 104:24; Isaias 40:26.
Ang puwede mong gawin: Magbigay ng panahon para tingnan at pag-aralan ang kalikasan. Habang ginagawa mo iyan, tanungin ang sarili: ‘Ano ang sinasabi ng kamangha-manghang mga disenyo sa kalikasan tungkol sa Diyos?’ a Pero siyempre, maraming bagay tungkol sa Diyos ang hindi natin matututuhan mula sa kalikasan. Kaya ibinigay niya ang Bibliya para sa atin.
Gamitin ang pangalan ng Diyos
Ang sabi ng Bibliya: “Poprotektahan ko siya dahil alam niya ang pangalan ko. Tatawag siya sa akin, at sasagutin ko siya.”—Awit 91:14, 15.
Ibig sabihin: Nagbibigay-pansin ang Diyos, na ang pangalan ay Jehova, sa mga taong alam ang pangalan niya at ginagamit ito nang may paggalang. b (Awit 83:18; Malakias 3:16) Ipinakilala ng Diyos ang sarili niya sa atin nang sabihin niya ang pangalan niya. “Ako si Jehova. Iyan ang pangalan ko.”—Isaias 42:8.
Ang puwede mong gawin: Gamitin mo ang pangalan ni Jehova.
Manalangin kay Jehova
Ang sabi ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.”—Awit 145:18.
Ibig sabihin: Malapít si Jehova sa mga nananalangin sa kaniya nang may pananampalataya. Bahagi ng pagsamba ang pananalangin. At ipinapakita nito ang malalim na paggalang natin sa Diyos.
Ang puwede mong gawin: Laging manalangin sa Diyos. (1 Tesalonica 5:17) Sabihin mo sa kaniya ang mga álalahanín at nararamdaman mo.—Awit 62:8. c
Patibayin ang pananampalataya sa Diyos
Ang sabi ng Bibliya: “Kung walang pananampalataya, imposibleng mapalugdan nang lubos ang Diyos.”—Hebreo 11:6.
Ibig sabihin: Para maging malapít sa Diyos, dapat kang manampalataya sa kaniya. Sa Bibliya, ang pananampalataya ay hindi lang basta paniniwala na may Diyos. Dapat na buo ang tiwala mo sa kaniya, sa mga pangako niya, at sa mga pamantayan niya. Napakahalaga ng pagtitiwala sa isang magandang ugnayan.
Ang puwede mong gawin: Para magkaroon ng tunay na pananampalataya kailangan mo ng kaalaman. (Roma 10:17) Kaya mag-aral ng Bibliya para makita mo na talagang mapagkakatiwalaan ang Diyos at ang kaniyang mga payo. Handa kang tulungan ng mga Saksi ni Jehova sa pag-aaral ng Bibliya. d
Gawin ang mga gusto ng Diyos
Ang sabi ng Bibliya: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos: Sundin natin ang mga utos niya.”—1 Juan 5:3.
Ibig sabihin: Malapít si Jehova sa mga tao na nagmamahal sa kaniya at ginagawa ang buong makakaya nila para masunod ang mga utos niya.
Ang puwede mong gawin: Habang pinag-aaralan mo ang Bibliya, pansinin ang mga gusto at ayaw ng Diyos. Tanungin ang sarili, ‘Ano ang kailangan kong baguhin para mapasaya ko ang aking Maylalang?’—1 Tesalonica 4:1.
Sundin ang mga payo ng Diyos para madama ang pagmamalasakit niya
Ang sabi ng Bibliya: “Subukin ninyo si Jehova at makikita ninyong mabuti siya.”—Awit 34:8.
Ibig sabihin: Gusto ng Diyos na mapatunayan mo na mabuti siya. Kapag nadama mo ang pag-ibig at suporta niya, gugustuhin mong maging malapít sa kaniya.
Ang puwede mong gawin: Habang binabasa mo ang Bibliya, sundin ang mga payo ng Diyos at makikita mo ang mga pakinabang nito. (Isaias 48:17, 18) Tingnan din ang mga karanasan ng ibang tao na tinulungan ng Diyos para makayanan ang mga problema nila, mapabuti ang buhay nila at ng pamilya nila, at naging tunay na maligaya. e
Mga maling akala tungkol sa pakikipagkaibigan sa Diyos
Maling akala: Napakamakapangyarihan at napakadakila ng Diyos para maging malapít siya sa atin.
Ang totoo: Kahit ang Diyos ang pinakamakapangyarihan at pinakadakila sa lahat, gusto niya na maging malapít tayo sa kaniya. Maraming halimbawa sa Bibliya ng mga lalaki at babae na naging malapít na kaibigan ng Diyos.—Gawa 13:22; Santiago 2:23.
Maling akala: Hindi natin makikilala ang Diyos kasi isa siyang misteryo.
Ang totoo: May mga bagay na mahirap maintindihan tungkol sa Diyos, gaya ng pagiging Espiritu niya. Pero puwede pa rin nating makilala ang Diyos. Ang totoo, sinasabi ng Bibliya na kailangan natin siyang makilala para magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Gumagamit ang Bibliya ng mga salitang naiintindihan natin para makilala ang Maylalang, malaman ang mga katangian at mga pamantayan niya, pati na ang layunin niya para sa tao at lupa. (Isaias 45:18, 19; 1 Timoteo 2:4) Ipinapakilala rin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Hindi lang natin makikilala ang Diyos, puwede rin tayong mapalapít sa kaniya.—Santiago 4:8.
a Para sa mga halimbawa ng karunungan ng Diyos na makikita sa kalikasan, tingnan ang seryeng “May Nagdisenyo Ba Nito?”
b Alam ng marami na ang pangalang Jehova ay nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Nang ipakilala niya ang pangalan niya, parang sinasabi ng Diyos: ‘Gagawin ko ang kalooban ko at tutuparin ko ang layunin ko. Lagi kong tinutupad ang mga pangako ko.’
c Tingnan ang artikulong “Sasagutin Ba ng Diyos ang mga Panalangin Ko?”
d Para sa higit pang impormasyon, panoorin ang video na Paano Ginagawa ang Pag-aaral sa Bibliya?
e Tingnan ang seryeng “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay.”