Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa mga Pandemic?
Ang sagot ng Bibliya
Inihula ng Bibliya na magkakaroon ng mga epidemya, pati na ang pagkalat nito sa iba’t ibang bansa na tinatawag na pandemic. Mangyayari ito sa mga huling araw. (Lucas 21:11) Ang mga pandemic na ito ay hindi parusa mula sa Diyos. Ang totoo, malapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng problema sa kalusugan, pati na ang mga pandemic, gamit ang Kaharian niya.
Nakahula ba sa Bibliya ang tungkol sa mga pandemic?
Hindi inihula sa Bibliya ang espesipikong mga sakit gaya ng COVID-19, AIDS, o Spanish flu. Pero inihula nito na magkakaroon ng “mga epidemya” at mga “nakamamatay na salot.” (Lucas 21:11; Apocalipsis 6:8) Bahagi ang mga ito ng tanda ng “mga huling araw,” na tinatawag ding “katapusan ng sistemang ito.”—2 Timoteo 3:1; Mateo 24:3.
Ginagamit ba ng Diyos ang mga sakit para parusahan ang mga tao?
Sa Bibliya, may mababasa tayong ilang ulat na ginamit ng Diyos ang sakit para parusahan ang mga tao. Halimbawa, may ilang tao na pinarusahan niya ng ketong. (Bilang 12:1-16; 2 Hari 5:20-27; 2 Cronica 26:16-21) Pero ang mga pangyayaring ito ay hindi kumalat sa mga inosenteng tao, di-gaya ng pandemic ngayon. Parusa ito sa mga espesipikong tao na nagrebelde sa Diyos.
Parusa ba ng Diyos ang pandemic na nararanasan natin ngayon?
Hindi. May ilang nagsasabi na ginagamit ng Diyos ang mga pandemic at iba pang sakit para parusahan ang mga tao ngayon. Pero hindi iyan ang sinasabi ng Bibliya. Bakit?
Ang mga lingkod ng Diyos, noon at ngayon, ay nagkaroon din ng mga sakit. Halimbawa, ang tapat na si Timoteo, ay ‘madalas na nagkakasakit.’ (1 Timoteo 5:23) Pero hindi naman ibig sabihin nito na hindi siya sinasang-ayunan ng Diyos. Sa ngayon, nagkakasakit pa rin ang ilang tapat na lingkod ng Diyos. At madalas na nagkataon lang na nagkasakit sila.—Eclesiastes 9:11.
Isa pa, itinuturo ng Bibliya na hindi pa ito ang panahon para parusahan ng Diyos ang mga masama. Pero itinuturo nito na nabubuhay na tayo ngayon sa “isang araw ng kaligtasan”—isang panahon kung kailan iniimbitahan ng Diyos ang lahat ng tao na maging malapít sa kaniya at maligtas. (2 Corinto 6:2) At iyan ang nagagawa ng gawaing pangangaral sa buong mundo. Nalalaman ng mga tao ang mensahe ng ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian.’—Mateo 24:14.
Mawawala pa kaya ang mga pandemic?
Oo. Inihula ng Bibliya na malapit nang mawala ang mga sakit. Kapag Kaharian na ng Diyos ang namamahala, mawawala na ang lahat ng problema sa kalusugan. (Isaias 33:24; 35:5, 6) Aalisin ng Diyos ang lahat ng pagdurusa, kirot, at kamatayan. (Apocalipsis 21:4) Bubuhayin niyang muli ang mga namatay at magkakaroon sila ng magandang kalusugan sa paraisong lupa kung saan perpekto na ang mga kalagayan.—Awit 37:29; Gawa 24:15.
Mga teksto sa Bibliya tungkol sa mga sakit
Mateo 4:23: “Nilibot [ni Jesus] ang buong Galilea; nagtuturo siya sa mga sinagoga, nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, at nagpapagaling ng bawat uri ng sakit at kapansanan ng mga tao.”
Ibig sabihin: Ang mga himalang ginawa ni Jesus ay mga halimbawa ng gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa mga tao, at malapit na itong mangyari.
Lucas 21:11: “Magkakaroon ng . . . mga epidemya.”
Ibig sabihin: Bahagi ng tanda ng “mga huling araw” ang pagkalat ng mga sakit.
Apocalipsis 6:8: “Nakita ko ang isang kabayong maputla, at ang nakaupo roon ay may pangalang Kamatayan. At ang Libingan ay kasunod niya. At binigyan sila ng awtoridad . . . para pumatay sa pamamagitan ng . . . nakamamatay na salot.”
Ibig sabihin: Ipinapakita ng hula tungkol sa apat na mangangabayo sa Apocalipsis na magkakaroon ng mga pandemic, at nararanasan na natin ito ngayon.