Paano Ako Makakagawa ng Tamang Desisyon?
Ang sagot ng Bibliya
Makikita sa Bibliya ang magagandang patnubay para makagawa ng tamang desisyon. Sa tulong nito, makakakuha tayo ng ‘karunungan at unawa.’ (Kawikaan 4:5) May mga pagkakataon na sinasabi nito kung ano ang dapat nating gawin. Sa ibang pagkakataon naman, pinapatnubayan tayo nito para makagawa ng tamang desisyon.
Sa artikulong ito
Mga tip para makapagdesisyon ka nang tama
Huwag magpadalos-dalos sa pagdedesisyon. Sinasabi ng Bibliya: “Pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.” (Kawikaan 14:15) Kung magpapadalos-dalos ka sa pagdedesisyon, baka may malampasan kang importanteng detalye. Maglaan ng panahon para mapag-isipang mabuti ang bawat opsiyon.—1 Tesalonica 5:21.
Huwag magdesisyon base lang sa emosyon o nararamdaman. Sinasabi ng Bibliya na hindi laging mapagkakatiwalaan ang puso natin. (Kawikaan 28:26; Jeremias 17:9) Halimbawa, baka hindi tayo makapagdesisyon nang tama kapag galit tayo, nade-depress, pinanghihinaan ng loob, naiinip, o kapag pagod na pagod tayo.—Kawikaan 24:10; 29:22.
Manalangin at humingi ng karunungan. (Santiago 1:5) Gustong-gustong sagutin ng Diyos ang ganiyang mga panalangin. Mapagmahal siyang Ama at gusto niya na maiwasan ng mga anak niya ang di-kinakailangang mga problema. “Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan; sa bibig niya nagmumula ang kaalaman at kaunawaan.” a (Kawikaan 2:6) Nagbibigay siya ng karunungan pangunahin na gamit ang kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya.—2 Timoteo 3:16, 17.
Mag-research. Para makapagdesisyon nang tama, kailangan mo ng mapagkakatiwalaang impormasyon. Sinasabi ng Bibliya, “ang taong marunong ay nakikinig at kumukuha ng higit pang instruksiyon.” (Kawikaan 1:5) Saan ka makakahanap ng impormasyon na mapagkakatiwalaan at makakatulong sa iyo?
Una, alamin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa bagay na pinagdedesisyunan mo. Dahil alam ng Maylalang kung ano ang pinakamabuti para sa atin, mapagkakatiwalaan natin ang mga payo na nasa Salita niya. (Awit 25:12) Sa ilang pagkakataon, direktang sinasabi ng Bibliya kung ano ang dapat gawin, at posibleng may mga batas o utos tungkol dito. (Isaias 48:17, 18) May mga bagay naman na walang espesipikong sinasabi ang Bibliya, pero nagbibigay ito ng mga prinsipyo. Gamit ang mga prinsipyong ito, posibleng ang dalawang tao ay makagawa ng magkaibang desisyon sa isang sitwasyon pero pareho silang tama. Para makahanap ng mga tekstong bagay sa sitwasyon mo, mag-research sa mga artikulo o publikasyong salig sa Bibliya na libre mong makukuha sa website na ito. b
Sa ilang desisyon, baka kailangan mong komonsulta sa ibang mapagkukunan ng impormasyon na mapagkakatiwalaan. Halimbawa, bago bumili ng produkto—lalo na kung mamahalin ito—kailangan mo munang mag-research tungkol sa produkto at sa kompanyang gumawa nito, pati na ang warranty at return policy nito. Siyempre, tiyakin mo rin na iyon talaga ang kailangan mo.
“Nabibigo ang plano kapag hindi napag-uusapan,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 15:22) Kaya bago gumawa ng desisyon, kumonsulta sa mga taong mapagkakatiwalaan. Halimbawa, kapag gagawa ka ng desisyon na makakaapekto sa kalusugan mo, magandang magtanong sa isang doktor. (Mateo 9:12) Sa ilang pagkakataon, puwede kang magtanong sa mga taong napaharap na sa ganoon ding sitwasyon. Pero tandaan, ikaw ang magdedesisyon at haharap sa mga resulta nito—hindi ang mga pinagtanungan mo.—Galacia 6:4, 5.
Tingnan ang lahat ng anggulo. Base sa impormasyong nakuha mo, puwede kang maglista ng mga opsiyon, pati na ang magaganda at di-magagandang resulta ng bawat isa. At tingnang mabuti ang posibleng maging epekto ng desisyon mo. (Deuteronomio 32:29) Halimbawa, ano ang posibleng epekto ng desisyon mo sa iyo, sa pamilya mo, o sa iba? (Kawikaan 22:3; Roma 14:19) Kapag pinag-isipan mo ang mga tanong na ito at ang sinasabi ng Bibliya, makakapagdesisyon ka nang tama at maipapakita mong mahal mo ang iba.
Magdesisyon. Minsan, baka nag-aalangan tayong magdesisyon kasi hindi tayo sigurado. Pero kung hindi tayo magdedesisyon, baka mapalampas natin ang isang magandang pagkakataon o malagay tayo sa sitwasyong hindi natin gusto. Sa ibang pananalita, parang walang pinagkaiba ang hindi ka nagdesisyon sa maling desisyon. Ikinumpara ito ng Bibliya sa pagsasaka, ang sabi ng Bibliya: “Hindi maghahasik ang nakatingin lamang sa hangin at hindi mag-aani ang nakatingin lamang sa mga ulap.”—Eclesiastes 11:4, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Tandaan din na kahit ang pinakamagandang desisyon ay baka magkaproblema pa rin. Kadalasan, kapag may pinili tayong isang bagay, baka kailangan nating isakripisyo ang isa pang bagay. Bukod diyan, baka may mangyaring hindi natin inaasahan. (Eclesiastes 9:11) Kaya bumase sa pinakatamang impormasyon na mayroon ka, at piliin ang desisyon na pinakamalamang na magtagumpay.
Dapat ko bang baguhin ang desisyong nagawa ko na?
Puwede mong baguhin ang ilang desisyon kasi puwedeng magbago ang kalagayan, o baka may nakita kang magiging problema sa ginawa mong desisyon. Kaya baka mas magandang pag-isipan ulit ang desisyong ginawa mo at pumili ng ibang opsiyon na mas malamang na maganda ang resulta.
Pero may mga desisyon na hindi na puwedeng baguhin. (Awit 15:4) Halimbawa, inaasahan ng Diyos sa mag-asawa na tutuparin nila ang panata nila sa isa’t isa. c (Malakias 2:16; Mateo 19:6) Kapag nagkaproblema ang mag-asawa, dapat nilang gawin ang lahat para ayusin ang problema at huwag maghiwalay.
Paano kung nakagawa ako ng maling desisyon na hindi ko na mababago?
Lahat tayo ay puwedeng makagawa ng maling desisyon. (Santiago 3:2) Normal lang na pagsisihan natin iyon at makonsensiya. (Awit 69:5) Puwedeng makatulong ang negatibong damdamin na ito para hindi na natin ulitin ang pagkakamaling iyon. (Kawikaan 14:9) Pero may sinasabi ang Bibliya sa sobrang pagkakonsensiya, puwede itong makapagpahina ng loob natin at makaapekto sa kakayahan nating mag-isip. (2 Corinto 2:7) d Sinasabi ng Bibliya na si “Jehova ay maawain at mapagmalasakit.” (Awit 103:8-13) Kaya sikaping matuto sa mga maling desisyong nagawa mo na hindi mo na mababago at gawin ang magagawa mo para ayusin ito.
a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.—Awit 83:18.
b Puwede ka ring mag-search sa jw.org gamit ang isang salita o parirala may kinalaman sa pinagdedesisyunan mo. Ang website na ito ay may mga makakasulatang payo tungkol sa maraming paksa. Puwede ka ring mag-search ng espesipikong mga salita sa “Indise ng mga Salita sa Bibliya” na nasa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.
c Gusto ng Diyos na magsama ang mag-asawa habang nabubuhay sila. Pinapayagan niya lang ang diborsiyo at pag-aasawang-muli kapag ang asawa ng isa ay gumawa ng seksuwal na imoralidad. (Mateo 19:9) Kung nagkakaproblema ang pagsasama ninyong mag-asawa, makakatulong ang Bibliya na malutas iyon sa maibigin at tamang paraan.
d Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Nakokonsensiya Ako—Matutulungan Ba Ako ng Bibliya?”