TULONG PARA SA PAMILYA
Ipakipag-usap sa Iyong Anak ang Tungkol sa Alak
“Anim na taon lang ang anak naming babae nang kausapin namin siya tungkol sa alak. Nagulat kami kasi mas marami pala siyang alam tungkol dito kaysa sa iniisip namin.”—Alexander.
Ang dapat mong malaman
Mahalagang kausapin ang iyong mga anak tungkol sa alak. Huwag mo nang hintaying magtin-edyer sila. “Sana kinausap na namin ang anak namin tungkol sa tamang pag-inom ng alak noong maliit pa siya,” ang sabi ni Khamit, na taga-Russia. “Huli na nang malaman ko kung gaano kahalaga ’yon. Umiinom na pala siya ng alak mula pa noong 13 anyos siya.”
Bakit ito mahalaga?
Puwedeng makaimpluwensiya ang mga kaklase, advertisement, at TV sa pananaw ng anak mo tungkol sa alak.
Ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention, 11 porsiyento ng nakokonsumong alak sa United States ay iniinom ng mga kabataang wala pa sa tamang edad.
Kaya naman pinapayuhan ng mga health official ang mga magulang na ituro sa mga anak nila, habang bata pa ang mga ito, ang mga panganib ng pag-inom ng alak. Paano mo iyon gagawin?
Ang puwede mong gawin
Paghandaan ang puwedeng itanong ng anak mo. Mausisa ang mga bata, at mas nagiging mausisa sila habang lumalaki. Kaya magandang paghandaan mo ang isasagot mo. Halimbawa:
Kung gustong malaman ng iyong anak ang lasa ng inuming de-alkohol, puwede mong sabihin na ang alak ay parang maasim na fruit juice at ang beer naman ay mapait.
Kung gusto ng anak mong tumikim ng alak, puwede mong sabihin na hindi ito para sa mga bata. Sabihin mo ang mga epekto nito: Nakakapagparelaks ang alak, pero kapag sobra, puwede kang mahilo, makagawa ng nakakahiyang bagay, o makapagsalita ng isang bagay na pagsisisihan mo.—Kawikaan 23:29-35.
Pag-aralan ang tungkol dito. Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat matalino ay gagawi nang may kaalaman.” (Kawikaan 13:16) Alamin ang mga epekto ng pag-inom ng alak at ang mga batas at restriksiyon sa bansa ninyo tungkol dito. Kapag ginawa mo ito, mas matutulungan mo ang anak mo.
Magkusang kausapin ang anak mo tungkol dito. “Puwedeng malito ang mga kabataan pagdating sa pag-inom ng alak,” ang sabi ni Mark, isang ama sa Britain. “Tinanong ko ang anak ko na walong taóng gulang kung tama o mali ang uminom ng alak. Kinausap ko siya na parang nagkukuwentuhan lang kami, at nakatulong ’yon para malaya niyang masabi ang iniisip niya.”
Mas tatatak sa isip ng iyong anak ang sinasabi mo kung maraming beses ninyo itong pag-uusapan. Depende sa edad ng anak mo, banggitin din ang tungkol sa alak kapag pinag-uusapan ninyo ang iba pang mahahalagang bagay, gaya ng pag-iingat sa lansangan at ang tungkol sa sex.
Magpakita ng magandang halimbawa. Ang mga bata ay parang sponge—“nasisipsip” nila, o nagagaya, ang nakikita nila sa paligid—at ipinapakita ng pananaliksik na mga magulang ang may pinakamalaking impluwensiya sa kanila. Ibig sabihin, kapag umiinom ka ng alak para kumalma o makayanan ang stress, iisipin ng anak mo na alak ang sagot sa mga problema. Kaya magpakita ka ng magandang halimbawa pagdating sa pag-inom ng alak.