Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Ano ang Gagawin Ko Kapag Naiinip ang Anak Ko?

Ano ang Gagawin Ko Kapag Naiinip ang Anak Ko?

 Walang magawa ang anak mo sa bahay. “Boring!” ang sabi niya. Bago mo buksan ang TV o sabihing maglaro na lang siya ng paborito niyang video game, ito ang mga bagay na dapat mong pag-isipan.

Ano ang matututuhan natin sa ibang mga magulang?

  •   Puwedeng makadagdag sa problema ang klase ng libangan at ang oras na ginugugol ng anak mo sa paglilibang. Ganito ang sabi ng tatay na si Robert: “Iniisip ng mga bata na boring ang araw-araw na mga gawain, kumpara sa panonood ng TV o paglalaro ng mga video game. Kaya nawawalan sila ng gana sa mga normal na gawain.”

     Sang-ayon diyan ang asawa niyang si Barbara. Sabi niya: “Sa totoong buhay, kailangan mong mag-isip at kumilos, at kailangan mong maghintay sa magiging resulta nito. Nakakainip iyon para sa mga bata na gustong-gustong manood ng TV o maglaro ng mga video game.”

  •   Puwedeng makadagdag sa problema ang pagbababad sa social media. Kapag tinitingnan ng isang bata ang mga post ng mga kaibigan niya, baka maisip niya na boring ang buhay niya. “Malamang na maisip mo, ‘Mabuti pa y’ong iba, nagsasaya; samantalang ako, nasa bahay lang,’” ang sabi ng kabataang si Beth.

     Isa pa, kapag nagbababad ka sa social media, baka maramdaman mong nasayang lang ang oras mo—at bored ka pa rin. “Totoo, baka nga magandang pampalipas-oras iyon, pero pagkatapos mong gawin iyon, parang wala ka pa ring nagawa,” ang sabi ng kabataang si Chris.

  •   Isang magandang pagkakataon ang pagkabagot. Sinabi ng nanay na si Katherine na kapag naiinip ang mga bata, magandang pagkakataon iyon para maging creative sila. Nagbigay siya ng halimbawa: “Ang isang simpleng kahon ay puwedeng maging isang espesyal na lalagyan, kotse, bangka, o spaceship. Puwede pa nga siyang magkaroon ng tent gamit ang isang kumot.”

     Dahil diyan, sinabi ng psychologist na si Sherry Turkle na “ang pagkabagot ang gigising sa pagkamalikhain mo.” a Kaya okey lang na mabagot. Ganito ang sabi sa aklat na Disconnected: “Kapag nagbubuhat ka ng weights, lumalakas ang muscle mo. Ganiyan din kapag bored ka—mas magagamit mo ang imahinasyon mo, kaya mas magiging creative ka.”

 Tandaan: Kapag nababagot ang anak mo, huwag mong isipin na problema iyon—isipin na pagkakataon iyon para maging creative siya.

Ano ang puwede mong gawin?

  •   Kung posible, paglaruin sa labas ang mga anak mo. Sinabi ni Barbara, na binanggit kanina: “Malaki ang magagawa ng sinag ng araw at ng sariwang hangin para maalis ang pagkabagot. Kapag naglalaro sa labas ang mga anak namin, mas gumagana ang imahinasyon nila.”

     Prinsipyo sa Bibliya: “May takdang panahon para sa lahat ng bagay, . . . panahon ng pagtawa [at] panahon ng paglukso-lukso.”—Eclesiastes 3:1, 4, talababa.

     Pag-isipan: Ano ang magagawa ko para mas makapaglaro sa labas ang mga anak ko? Kung hindi sila puwedeng maglaro sa labas, ano kayang masasayang activity ang puwede nilang gawin sa loob ng bahay?

  •   Turuan ang mga anak mo na maging matulungin. Sinabi ng nanay na si Lillian: “Tulungan ang isang may-edad na magbunot ng damo o maglinis ng bakuran. Ipagluto sila o dalawin. Magiging masaya ang mga bata sa pagtulong sa iba.”

     Prinsipyo sa Bibliya: “Ang taong bukas-palad ay sasagana, at ang nagpapaginhawa sa iba ay magiginhawahan din.”—Kawikaan 11:25.

     Pag-isipan: Paano mo matuturuan ang mga anak mo na maging masaya sa pagtulong sa iba?

  •   Maging halimbawa. May epekto sa mga anak kung paano ninyo pinag-uusapan ang mga ginagawa ninyo sa araw-araw. Sinabi ng nanay na si Sarah: “Kapag naririnig ng mga bata na tinatamad tayo sa mga ginagawa natin, natuturuan natin silang mabagot. Pero kung ikinukuwento natin na nag-e-enjoy tayo sa araw-araw na gawain natin, magiging ganoon din sila.”

     Prinsipyo sa Bibliya: “Laging may pagdiriwang ang taong masaya ang puso.”—Kawikaan 15:15.

     Pag-isipan: Ano ang naririnig ng mga anak ko sa akin tungkol sa mga araw-araw na gawain ko? Ano ang nakikita nila na ginagawa ko kapag nababagot ako?

 Tip: Tulungan ang mga anak mo na maglista ng masasayang activity. “Meron kaming suggestion box sa bahay na puwedeng paglagyan ng mga naiisip namin,” ang sabi ng nanay na si Allison.

a Mula sa aklat na Reclaiming Conversation.