Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Kung Paano Magiging Mabuting Tatay

Kung Paano Magiging Mabuting Tatay

 Ano ang responsibilidad ng isang tatay?

  •   Bago isilang ang anak ninyo. Kung mabuting asawa ka ngayon, malamang na magiging mabuting tatay ka rin sa hinaharap. Sinabi sa aklat na Do Fathers Matter?:

     “Ang isang tatay na bumibili ng gamit para sa buntis niyang asawa, sumasama sa pagpapadoktor, at tumitingin sa fetus sa ultrasound o pinapakinggan ang tibok ng puso nito ay mas malamang na maging mabuting asawa at tatay.”

     “Ayokong maramdaman ng asawa ko na mag-isa siya habang buntis siya, kaya ginagawa ko ang puwede kong gawin para makatulong. Magkasama pa nga naming inayos y’ong kuwarto ng magiging baby namin. Espesyal sa amin ang panahong iyon.”—James.

     Prinsipyo sa Bibliya: ‘Isipin ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.’—Filipos 2:4.

  •   Pagkatapos isilang ang anak ninyo. Mas mapapalapit ka sa baby ninyo kung makikipaglaro ka sa kaniya at kakargahin siya. Makakabuti kung tutulong ka rin sa pag-aalaga sa kaniya. Malaki ang maitutulong ng mga ginagawa mo habang lumalaki ang anak ninyo. Mas mararamdaman niya kasi na mahal mo siya.

     “Gawin mo y’ong ginagawa ng anak n’yo. Makipaglaro ka sa kaniya. Makipagkulitan. Makipagtawanan. Tandaan, sa ’yo unang malalaman ng anak mo kung anong ibig sabihin ng pagmamahal.”—Richard.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Ang mga anak ay mana mula kay Jehova; ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala.”—Awit 127:3.

  •   Habang lumalaki ang anak ninyo. Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang mga bata na close sa tatay nila ay mas mahusay sa klase, mas masayahin, at mas maliit ang tsansa na mag-drugs o masangkot sa masasamang gawain. Kaya maglaan ng panahon para maging malapít sa anak ninyo.

     “Sinabi ng anak ko na ang pinakamami-miss niya kapag bumukod na siya ay y’ong kuwentuhan namin kapag nagbibiyahe kami o kumakain. Minsan, bigla na lang kaming may pag-uusapan na mahalagang bagay. Gano’n kami kasi marami kaming oras sa isa’t isa.”—Dennis.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”—Efeso 5:15, 16.

 Bakit espesyal ang pagiging tatay?

 Karaniwan na, responsibilidad ng mga tatay na magbigay ng materyal na mga pangangailangan at protektahan ang pamilya. At ang mga nanay naman ang nagbibigay ng emosyonal na suporta. (Deuteronomio 1:31; Isaias 49:15) Sa ilang pamilya, tatay ang gumagawa ng ilang responsibilidad ng nanay at nanay naman ang gumagawa ng ilang responsibilidad ng tatay. Pero sinasabi ng mga researcher na parehong kailangan ang tatay at nanay para maging matagumpay ang pagpapalaki sa mga anak. a

 Ikinuwento ng researcher na si Judith Wallerstein ang kaniyang karanasan tungkol diyan. Sabi niya: “Nang mabangga ng kotse ang 12 years old naming anak na babae, gusto niya na tatay niya ang sumama sa kaniya sa ambulansiya kasi alam niya na mas kaya siyang protektahan nito. Pero noong nasa ospital na, gusto niya naman na ako ang nasa tabi niya buong araw para maging kalmado siya.” b

 “Iba y’ong proteksiyong naibibigay ng tatay sa pamilya, at baka mahirapan ang nanay na ibigay iyon. Sa kabilang banda naman, napakasarap kasama ng nanay kasi talagang naiintindihan nila ang mga anak nila. Kaya mahalaga talaga ang teamwork.”—Daniel.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang tagubilin ng iyong ina.”—Kawikaan 1:8.

 Kapag babae ang anak ko

 Bilang tatay, mahalagang turuan mo ang iyong anak na babae kung paano siya dapat pakitunguhan ng ibang lalaki. Malalaman niya ito sa dalawang paraan:

  •   Kapag inoobserbahan niya kung paano mo pinapakitunguhan ang nanay niya. Kung minamahal at nirerespeto mo ang asawa mo, makikita niya na mahalaga ang mga katangiang ito kapag pipili na siya ng mapapangasawa niya.—1 Pedro 3:7.

  •   Kapag inoobserbahan niya kung paano mo siya pinapakitunguhan. Kapag nirerespeto mo ang anak mong babae, tinuturuan mo siyang irespeto ang sarili niya. Nakikita niya rin kung paano siya dapat pakitunguhan ng ibang lalaki.

     Sa kabaligtaran, kung lagi mo siyang pinupuna, bababa ang tingin niya sa sarili niya. At baka maghanap siya ng ibang lalaki na papahalagahan siya—mga lalaking baka hindi maganda ang intensiyon sa kaniya.

     “Ang isang babae na mahal at pinapahalagahan ng tatay niya ay hindi basta-basta magkakagusto sa isang lalaki na walang katangian ng isang mabuting asawa.”—Wayne.

a Maraming single mom ang naging matagumpay sa pagpapalaki ng mga anak nila.

b Mula sa aklat na The Unexpected Legacy of Divorce.