Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Mga Bata at ang Smartphone—Bahagi 2: Turuan ang mga Anak na Maging Matalino sa Paggamit ng Smartphone

Mga Bata at ang Smartphone—Bahagi 2: Turuan ang mga Anak na Maging Matalino sa Paggamit ng Smartphone

 Ang smartphone ay gaya ng isang power tool—puwede itong makatulong o makapinsala, depende kung paano mo ito gagamitin. Paano mo matuturuan ang mga anak mo na maging matalino sa paggamit nito? Halimbawa, sa isang araw, gaano mo sila katagal papayagang gumamit ng smartphone nila? a

 Ang dapat mong malaman

  •   May mga panganib sa paggamit ng smartphone. Gaya ng ipinakita sa artikulong “Mga Bata at ang Smartphone—Bahagi 1: Dapat Bang Magkaroon ng Smartphone ang Anak Ko?” kapag may smartphone ang anak mo, puwede niyang ma-access ang anumang nasa Internet, mabuti man o masama.

     “Madalas, hindi natin naiisip na kapag may smartphone ang anak natin, nae-expose siya sa masasamang tao at impormasyon.”—Brenda.

  •   Kailangan ng mga bata ng patnubay. Namulat na ang mga bata sa paggamit ng teknolohiya, pero maraming adulto ang ngayon pa lang natututong gumamit nito. Hindi naman ibig sabihin nito na walang kaalam-alam sa teknolohiya ang mga magulang at na ang mga bata ang dapat magpasiya kung paano at kailan nila gagamitin ang smartphone nila.

     Siguro nga mas magaling gumamit ng smartphone ang mga anak mo kaysa sa iyo. Pero tandaan, hindi komo magaling silang gumamit ng smartphone, magiging matalino na sila sa paggamit nito. Kailangan pa rin nila ng patnubay ng magulang.

     “Kapag binigyan mo ng smartphone ang anak mo nang hindi siya tinuturuan ng tamang paggamit nito, para mo siyang binigyan ng susi ng kotse, pinahawak ng manibela, pina-start ang makina, at basta mo na lang sinabing ‘Mag-iingat ka’ nang hindi man lang siya tinuturuang magmaneho.”—Seth.

 Ang puwede mong gawin

  •   Pag-aralan ang mga feature ng cellphone ng anak mo. Alamin ang mga setting na tutulong sa anak mo para maging responsable siya sa paggamit ng smartphone. Halimbawa:

     Anong mga parental control sa smartphone ang magagamit mo para limitahan ang haba ng paggamit dito ng mga anak mo at ang mga website na pinapasok nila?

     Alam mo ba na hindi kayang i-block ng mga setting ng smartphone ang lahat ng pangit na impormasyon at larawan?

     Kapag pamilyar ka sa smartphone ng anak mo, mas matutulungan mo siya na maging responsable sa paggamit nito.

     Prinsipyo sa Bibliya: ‘Dahil sa kaalaman, lalo pang lumalakas ang isang tao.’—Kawikaan 24:5.

  •   Magbigay ng limitasyon. Dapat na ikaw ang magtakda ng limitasyon sa paggamit ng anak mo ng smartphone. Halimbawa:

     Papayagan mo ba ang anak mo na gamitin ang cellphone niya habang kumakain kayo o kapag bumibisita kayo sa mga kapamilya o kaibigan?

     Papayagan mo ba ang anak mo na bitbit niya ang cellphone niya hanggang pagtulog?

     Anong mga app ang puwede niyang buksan?

     Gaano mo siya katagal papayagang gumamit ng cellphone?

     Magse-set ka ba ng limit ng paggamit niya nito sa isang araw?

     Linawin sa kaniya ang mga limitasyong ginawa mo, at disiplinahin siya kapag hindi niya ito sinunod.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag mong ipagkait sa bata ang disiplina.”—Kawikaan 23:13.

  •   Subaybayan ang paggamit niya ng cellphone. Alamin ang password ng anak mo, at kung kinakailangan, tingnan ang laman ng cellphone niya, gaya ng text, mga app, picture, at mga website na pinapasok niya.

     “Sinabi namin sa anak namin na iche-check namin paminsan-minsan ang cellphone niya. At kapag nakita namin na hindi niya ginagamit nang tama ang cellphone niya, magbibigay kami ng restriksiyon.”—Lorraine.

     Bilang magulang, karapatan mong malaman kung paano ginagamit ng anak mo ang smartphone niya.

     Prinsipyo sa Bibliya: “[Ang] bata ay makikilala sa kilos niya, kung ang ugali niya ay malinis at matuwid.”—Kawikaan 20:11.

  •   Turuan ang anak mo ng tamang pamantayan. Tulungan ang anak mo na piliing gawin kung ano ang tama. Bakit mahalaga iyan? Kasi kung may gusto talagang itago ang anak sa mga magulang niya, gagawa’t gagawa siya ng paraan para hindi nila ito makita. b

     Kaya sanayin ang anak mo na magkaroon ng magagandang katangian gaya ng pagpipigil sa sarili, pagiging tapat, at pagiging responsable sa mga ginagawa niya. Kung may ganiyang mga katangian ang anak mo, malamang na magiging matalino siya sa paggamit ng cellphone.

     Prinsipyo sa Bibliya: ‘Sinanay ng mga maygulang ang kanilang kakayahang umunawa na makilala ang tama at mali.’—Hebreo 5:14.

a Sa artikulong ito, ang salitang “smartphone” ay tumutukoy sa isang cellphone na puwedeng maka-access sa Internet. Para itong isang maliit na computer.

b Halimbawa, may ilang kabataan na gumagamit ng “ghost app” para itago ang mga bagay sa cellphone nila na ayaw nilang makita ng mga magulang nila. Puwede itong magmukhang normal na app, gaya ng calculator.