MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Pansala ng Manta Ray
Para makakain ang mga manta ray, lumululon sila ng tubig-dagat na may kasamang mga plankton. Dadaan ito sa isang pansala, o filter, sa bibig nila. Tatalbog sa pansalang iyon ang mga plankton at dederetso sa lalamunan ng manta ray. Dadaan naman ang tubig sa pansala, at lalabas sa hasang. Pero kahit may mga plankton na mas maliit sa butas ng pansala ng manta ray, hindi sumasama ang mga ito sa tubig na lumalabas sa hasang. Ayon sa science journalist na si Ed Yong, “hindi kapani-paniwala” ang kakayahang ito ng mga manta ray.
Pag-isipan ito: Ang pansala ng manta ray ay mukhang limang pares ng pakurbang tadyang. Ang bawat tulad-tadyang na bahagi nito ay may maliliit na ngipin na iba-iba ang anggulo—may naka-slant paharap at may naka-slant patalikod. Dahil sa maliliit na ngiping ito, dadaan sa dalawang direksiyon ang tubig. May dadaloy sa ibabaw ng mga ngiping ito at meron namang dadaan sa pagitan ng mga ito, kaya may mabubuong maliliit na whirlpool.
Kapag tumama ang mga plankton at iba pang pagkain sa itaas na bahagi ng mga ngipin, tatalbog ang mga ito at sasama sa daloy ng tubig na papunta sa lalamunan ng manta ray. May maliliit na plankton na puwedeng magkasya sa pagitan ng mga ngiping ito, pero nakakain pa rin sila ng manta ray dahil sa mga whirlpool. Ibinabato sila ng mga whirlpool pabalik sa daloy ng tubig na papunta sa lalamunan ng manta ray, kaya hindi sila napapasama sa tubig na lumalabas sa hasang pabalik sa dagat.
Bukod diyan, hindi nagbabara ang pansalang ito ng manta ray at kaya nitong linisin ang sarili nito, gaano man kabilis lumangoy ang manta ray at gaano man karaming plankton ang nalululon nito.
Gusto ng mga researcher na magaya ang kakayahang ito ng manta ray para makagawa ng mga pansala na makakapaglinis ng maruming tubig at makakasala ng mga microplastic na nakakasamâ sa kalusugan at kalikasan.
Ano sa palagay mo? Ang pansala ba ng manta ray ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?