MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Kakayahan ng Cell na Maging Iba’t Ibang Bahagi ng Katawan
Nagsimula ang buhay mo sa iisang maliit na cell na tinatawag na zygote. Hindi iyon makikita kung walang microscope. Pagkatapos, pagkalipas ng ilang buwan, naging isang baby ka na. Dumami ang iisang cell na iyon, at naging mahigit 200 uri ng cell na may iba’t ibang papel, hugis, at laki.
Pag-isipan ito: Gumagawa ang zygote ng kopya ng DNA nito. Pagkatapos, mahahati iyon sa dalawa, at maraming beses pang mauulit ang prosesong ito sa mga nahating cell. Sa umpisa, halos magkakapareho lang ang lahat ng bagong cell. Nasa DNA nila ang lahat ng impormasyong kailangan para ma-develop ang bawat uri ng cell.
Isang linggo matapos mag-umpisa ang pagbubuntis, nagiging embryo ang ilan sa mga cell. Ang iba naman, nagiging placenta at iba pang tissue na tumutulong sa embryo na lumaki.
Sa ikatlong linggo, nagiging tatlong layer ang mga cell ng embryo. Ang mga cell sa panlabas na layer ang magiging mga nerve, utak, bibig, balat, at iba pang cell. Ang mga cell ng gitnang layer naman ang magiging dugo, buto, kidney, muscle, at iba pang tissue. Magiging mga internal organ naman, gaya ng baga, bladder, at karamihan sa digestive system, ang mga cell sa panloob na layer.
Sa panahon ng pagbubuntis, may mga cell na lumilipat nang paisa-isa o magkakasama mula sa ilang bahagi ng embryo papunta sa ibang mga bahagi. May ilang cell naman na nagsasama-sama at nagiging mga sheet o tumitiklop at nagiging mga cord o cavity. Kailangan ng matinding koordinasyon sa mga prosesong ito. Halimbawa, may panahong magiging maliliit na mga tube ang mga sheet ng cell. Mangyayari ito nang sabay-sabay sa iba’t ibang bahagi ng embryo. Pagkatapos, unti-unting hahaba ang mga tube at magsasanga-sanga. Magdudugtong-dugtong ang mga iyon hanggang sa makabuo ng isang circulatory network.
Kapag naipanganak na ang isang malusog na baby, ang daan-daang bilyong cell nito ay na-develop nang lahat sa tamang uri nito, sa tamang puwesto nito, at sa tamang panahon.
Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng cell na maging iba’t ibang bahagi ng katawan ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?