MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Pandikit ng Taliptip
Matagal nang napapansin ng mga zoologist ang kakayahan ng taliptip na dumikit sa mga bato, piyer, at kasko ng barko. Sinasabing di-hamak na mas maganda ang pandikit ng taliptip kaysa sa pandikit na gawa ng tao. Kamakailan lang natuklasan kung paano dumidikit ang taliptip sa isang bagay na basâ.
Pag-isipan ito: Ayon sa mga pag-aaral, ang taliptip na nakalalangoy na ay humahanap ng lugar kung saan ito pinakamagandang kumapit. Kapag nakahanap na ito ng madidikitan, sinasabing naglalabas ito ng dalawang substansiya. Una ay ang malangis na likido para hindi kapitan ng tubig ang napili nitong dikitan. Inihahanda rin ng likidong ito ang lugar para sa pangalawang substansiya, na gawa sa mga protina na tinatawag na phosphoprotein.
Ang dalawang substansiyang ito ay bumubuo ng matibay na pandikit na hindi kayang sirain kahit ng mga baktirya. Mahalaga ang matibay na pandikit na ito dahil habambuhay nang didikit doon ang taliptip.
Ang proseso sa paggawa ng pandikit ng isang taliptip ay mas masalimuot kaysa sa inaakala dati. Sinabi ng isang miyembro ng grupong nakadiskubre sa proseso na “isa itong napakagaling na solusyon mula sa kalikasan” para makagamit ng pandikit kahit may tubig. Ang mga natuklasang ito ay tutulong sa mga mananaliksik na makagawa ng pandikit na magagamit sa ilalim ng tubig, pati na ng likas na mga pandikit na ginagamit naman sa electronics at sa medical implant.
Ano sa palagay mo? Ang pandikit ba ng taliptip ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?