Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Tatapusin ang mga Assignment Ko?

Paano Ko Tatapusin ang mga Assignment Ko?

“Nakakapagod gumawa ng assignment nang hanggang 1:00 n.u. Gustong-gusto mo nang matulog.”​—David.

“Minsan nagre-review ako hanggang 4:30 n.u., ’tapos gigising ako ng 6:00 n.u. para pumasok sa school. Talagang nakakainis!”—Theresa.

Tambak ba ang mga assignment mo? Kung oo, matutulungan ka ng artikulong ito.

 Bakit nagbibigay ng assignment ang mga teacher?

Makakatulong sa iyo ang assignment para . . .

  • mas matuto ka

  • maging responsable

  • matuto kang gamitin nang tama ang oras mo

  • mas maintindihan mo ang pinag-aaralan ninyo sa klase a

“Ang pagbibigay ng assignment ay paraan ng mga teacher para matiyak na nauunawaan ng mga estudyante ang itinuturo sa kanila at hindi lang basta pumapasok sa isang tainga at lumalabas sa kabila.”​—Marie.

Halimbawa, natutulungan ka ng math at science na mapatalas ang iyong kakayahan sa paglutas ng mga problema. At ayon sa mga eksperto, tumutulong ito na magkaroon ng mga bagong koneksiyon sa iyong utak. Kaya ang assignment ay parang ehersisyo ng utak!

Nakikita mo man o hindi ang pakinabang, kailangan mong tanggapin na ang assignment ay bahagi na ng buhay. Ang maganda rito: Kahit hindi mo kontrolado ang dami ng assignment na ibinibigay sa iyo, puwede mong bawasan ang panahong ginugugol mo para matapos ito. Paano?

 Mga tip sa pag-aaral

Kung nahihirapan kang tapusin ang mga assignment mo, baka kailangan mong pag-isipan kung paano mo madaling magagawa ito nang hindi nagpapakapagod. Subukan ito.

  • Tip 1: Magplano. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay.” (Kawikaan 21:5) Ihanda na ang lahat ng gagamitin mo sa assignment mo, para hindi maabala ang paggawa mo.

    Pumili rin ng lugar na hindi ka maaabala. Tahimik at maliwanag na lugar sa loob ng bahay ang gusto ng iba. Sa labas naman ng bahay, gaya sa library, gumagawa ang iba.

    “Makakatulong din ang planner para maayos nang tama ang schedule mo. Kapag nababantayan mo ang schedule ng assignment mo, mababawasan ang stress mo.”​—Richard.

  • Tip 2: Organisahin ang mga gawain. Sinasabi ng Bibliya: “Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang . . . maayos.” (1 Corinto 14:40) Habang iniisip iyan, magpasiya kung ano ang uunahin mo sa mga assignment mo.

    Gustong unahin ng iba ang pinakamahirap. Mas bumibilis naman ang ilan kapag nakikita nilang may natatapos sila, kaya inuuna nila ang mas madadaling assignment. Depende ito sa iyo.

    “Talagang makakatulong ang paggawa ng listahan para malaman mo kung ano ang gagawin mo at kung ano ang uunahin mo. Dahil dito, kontrolado mo ang oras mo at hindi ka matatambakan ng assignment.”​—Heidi.

  • Tip 3: Gawin agad. Sinasabi ng Bibliya: “Maging masipag kayo, hindi tamad.” (Roma 12:11) Huwag hayaang agawin ng ibang gawain—gaano man ito nakakatukso—ang oras mo para matapos ang assignment mo.

    Ang mga nagpapaliban ay kadalasan nang hindi nakakaabot sa deadline o minamadali ang mga trabaho—at hindi nagiging maganda ang kalidad ng kanilang gawain. Maiiwasan mo ang hindi kinakailangang pag-aalala kung gagawin mo agad ang mga assignment mo.

    “Kapag tinatapos ko agad ang mga assignment ko o sinisimulan agad ang mga project pagkatanggap ko nito, hindi ko na kailangang mag-alala—at hindi nito naaabala ang iba kong gawain.”​—Serina.

    ANG PUWEDE MONG GAWIN: Magtakda ng oras bawat araw para gawin ang assignment mo. Matutulungan ka nitong maging disiplinado at consistent.

  • Tip 4: Magpokus. Sinasabi ng Bibliya: “Tumitig ka sa unahan.” (Kawikaan 4:25) Para masunod ang payong iyan, iwasan ang mga makakagambala sa iyo, gaya ng mga gadyet.

    Ang pag-i-Internet at pagte-text ay magpapabagal sa iyo na matapos ang mga assignment mo. Pero kung magpopokus ka, mababawasan ang stress mo at luluwag ang schedule mo.

    “Dahil sa mga cellphone, computer, gaming console, at TV, ang hirap magpokus. Nakatulong sa akin ang pagpatay sa cellphone ko at pagtanggal sa saksakan ng mga posibleng makagambala sa akin.”​—Joel.

  • Tip 5: Maging balanse. Sinasabi ng Bibliya: “Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.” (Filipos 4:5) Magpahinga kung kinakailangan para mabawasan ang stress. Puwede kang maglakad-lakad, magbisikleta, o tumakbo-takbo.

    Kung pakiramdam mo ay tambak pa rin ang mga assignment mo, makipag-usap sa iyong mga teacher. Kung makikita nilang ginagawa mo naman ang buong makakaya mo, baka maisip nilang bawasan ang mga assignment mo.

    “Huwag hayaang masagad ka dahil sa stress mo sa iyong mga assignment. Gawin mo ang buong makakaya mo. Hindi dapat mawala ang kapayapaan ng isip mo dahil lang sa ilang bagay, gaya ng mga assignment mo.”​—Julia.

Tanungin ang sarili:

  • Anong mga bagay ang kailangan ko sa assignment ko?

  • Ano ang pinakamagandang oras para gawin ang assignment ko?

  • Saan ang pinakamagandang lugar na makakapag-concentrate ako?

  • Paano ko maiiwasan ang pagpapaliban?

  • Anong mga panggambala ang puwedeng magpabagal sa akin?

  • Paano ko maiiwasan ang mga panggambala—mga gadyet o iba pa?

  • Paano ako magiging balanse at hindi mai-stress sa paggawa ng mga assignment?

PAALALA: Siguraduhing naiintindihan mo ang lahat tungkol sa assignment mo. Kung may mga tanong ka, tanungin ang teacher mo bago ka umalis sa klase.

a Ang mga ito ay galing sa aklat na School Power, ni Jeanne Schumm.