TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Kung Ayaw Ko Nang Mabuhay?
“Mga ilang taon na ang nakakalipas, ang tindi ng anxiety ko na para bang may apoy sa loob ko araw-araw na hindi ko mapatay-patay. Naiisip ko nang magpakamatay noon. Ayaw ko naman talagang mamatay. Ang gusto ko lang, matapos ang paghihirap ko.”—Jonathan, 17.
Sa isang survey na ginawa sa mga 14,000 estudyante sa high school, halos 1 sa bawat 5 ang umamin na inisip nilang magpakamatay sa nakalipas na 12 buwan. a Kung pakiramdam mo, wala nang saysay ang mabuhay, ano ang puwede mong gawin?
Huwag magpadalos-dalos. Ipangako sa sarili na hindi ka basta-basta gagawa ng isang bagay dahil lang sa bugso ng damdamin. Kung parang hindi mo na kaya ang mga problema mo, may mga puwede kang gawin para makayanan ang mga ito.
Baka maramdaman mong wala nang solusyon sa mga problema mo. Pero hindi porke’t iyan ang nararamdaman mo, iyan na ang totoo. May mga paraan para maharap mo ang sitwasyon mo. Kung makakakuha ka ng tamang tulong, mas madali mong malulutas ang mga problema mo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Kabi-kabila ang panggigipit sa amin, pero hindi kami nasusukol; hindi namin alam ang gagawin, pero may nalalabasan pa rin kami.”—2 Corinto 4:8.
Ang puwede mong gawin: Kung hindi maalis-alis sa isip mo ang pagpapakamatay, alamin kung saan ka makakahingi ng tulong—posibleng sa isang suicide-prevention hotline o mental health center. May mga staff dito na sinanay para tulungan ka, at talagang gusto nilang gawin iyon.
Makipag-usap sa iba. May mga nagmamalasakit sa iyo at gusto ka nilang tulungan. Kasali rito ang mga kaibigan at kapamilya mo na hindi alam ang pinagdaraanan mo malibang sabihin mo ito sa kanila.
May mga tao na nangangailangan ng salamin para makakita nang malinaw. Ganiyan ang isang kaibigan. Tutulungan ka niyang magkaroon ng tamang pananaw sa problema mo pati na ang pagnanais na patuloy na mabuhay.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay . . . maaasahan kapag may problema.”—Kawikaan 17:17.
Ang puwede mong gawin: Puwede mong sabihin sa kakausapin mo: “Puro negatibo ang naiisip ko ngayon. Okey lang ba kung sabihin ko sa iyo ang tungkol dito?” O puwede mong sabihin: “May mga problema ako na parang hindi ko kayang solusyunan. Puwede mo ba akong tulungan?”
Magpatingin sa doktor. Dahil sa mga problema sa kalusugan, gaya ng anxiety o depression, puwedeng mawalan ng ganang mabuhay ang ilang tao. Pero kayang gamutin ang mga sakit na ito.
Halimbawa, puwede kang mawalan ng ganang kumain kapag may trangkaso ka; puwede ka ring mawalan ng ganang mabuhay kapag may depression ka. Pero kayang gamutin ang mga ito.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.”—Mateo 9:12.
Ang puwede mong gawin: Tiyaking mayroon kang sapat na tulog at ehersisyo, at kumain ng masustansiyang pagkain. Kung maganda ang kalusugan mo, magiging maganda rin ang pananaw mo sa buhay.
Manalangin. Sinasabi ng Bibliya na ang Maylalang ay “mas dakila kaysa sa puso natin at alam niya ang lahat ng bagay.” (1 Juan 3:20) Subukan mong makipag-usap sa kaniya sa panalangin ngayon. Gamitin ang pangalan niya, Jehova, at sabihin ang niloloob mo.
May mabibigat na problema na hindi mo kayang solohin. Gustong-gusto kang tulungan ng iyong Maylalang, si Jehova.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo ... at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa inyong puso at isip.”—Filipos 4:6, 7.
Ang puwede mong gawin: Huwag lang problema mo ang sabihin mo kay Jehova. Mag-isip din ng isang bagay na puwede mong ipagpasalamat sa kaniya ngayon. (Colosas 3:15) Kapag mapagpasalamat ka, magkakaroon ka ng positibong pananaw sa buhay.
Kung iniisip mong wala nang saysay ang mabuhay, humingi ng tulong. Iyan ang ginawa ni Jonathan, na binanggit sa simula. Sinabi niya: “Kailangan kong laging makipag-usap sa mga magulang ko at magpatingin sa doktor. Mas okey na ako ngayon. Nalulungkot pa rin ako paminsan-minsan, pero hindi ko na iniisip magpakamatay.”
a Ginawa ang survey noong 2019 ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention.