Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Bakit Dapat Akong Mag-sorry?

Bakit Dapat Akong Mag-sorry?

Ano ang gagawin mo sa mga sitwasyong ito?

  1. Pinagalitan ka ng teacher mo dahil pasaway ka sa klase.

    Magso-sorry ka ba sa teacher mo kahit iniisip mong nag-o-overreact lang siya?

  2. Nalaman ng kaibigan mo na pinintasan mo siya.

    Magso-sorry ka ba sa kaibigan mo kahit totoo naman ang sinabi mo?

  3. Nainis ka sa tatay mo kaya sinagot-sagot mo siya.

    Magso-sorry ka ba sa tatay mo kahit siya naman ang dahilan kung bakit ka nagalit?

Ang sagot sa tatlong tanong na ito ay oo. Pero bakit magso-sorry ka kahit sa tingin mo, ikaw ang tama?

 Bakit dapat mag-sorry?

  • Matured ka kapag nag-sorry ka. Kapag inaamin mo na may nasabi kang mali o nagawang hindi tama, ipinapakita nito na nade-develop mo ang mga katangiang kailangan kapag adulto ka na.

    “Kapag mapagpakumbaba at mapagpasensiya ka, madali kang makapagsasabi ng sorry, at mas madali kang makikinig sa sinasabi ng ibang tao.”​—Rachel.

  • Maaayos ang problema kapag nag-sorry ka. Ipinapakita ng mga taong nagso-sorry na mas mahalaga sa kanila ang makipag-ayos kaysa patunayang tama sila at mali ang iba.

    “Kahit iniisip mong wala ka namang ginawang mali dapat na mas mahalaga sa ’yo ang pakikipag-ayos. Wala namang mawawala sa ’yo kung magso-sorry ka, maibabalik mo pa nga ang pagkakaibigan n’yo.”​—Miriam.

  • Gagaan ang pakiramdam mo kapag nag-sorry ka. Mabigat sa pakiramdam kapag alam mong may nagawa o nasabi kang mali sa iba. Pero kapag nag-sorry ka, para kang nabunutan ng tinik. a

    “May mga pagkakataon na nasasagot ko sina Mama at Papa. Nakokonsensiya ako, pero ang hirap mag-sorry. Pero kapag nag-sorry na ako, gumagaan ang pakiramdam ko at mas gumaganda ang samahan ng pamilya namin.”​—Nia.

    Mabigat sa pakiramdam kapag may nagawa o nasabi kang mali, pero kapag nakapag-sorry ka, gagaan na ang pakiramdam mo

Mahirap ba talagang mag-sorry? Oo! Sinabi ng isang kabataang si Dena na madalas mag-sorry sa kaniyang nanay dahil sa kaniyang kawalang-galang: “Hindi madaling magsabi ng ‘sorry.’ Parang may nakabara sa lalamunan ko kaya ayaw lumabas ng mga salita!”

 Kung paano ka magsasabi ng “sorry”

  • Kung posible, makipag-usap nang personal. Kapag personal kang magsasabi ng “sorry,” makikita ng kausap mo na sincere ka. Pero kung magso-sorry ka sa text, baka hindi ka paniwalaan. Kahit maglagay ka pa ng sad-faced emoji, baka isipin niyang hindi ka pa rin sincere.

    Tip: Kung hindi kayo makapag-usap nang personal, tawagan mo siya o magpadala ng card. Alinman dito ang gusto mong gawin, pag-isipang mabuti ang mga salitang gagamitin mo.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Ang puso ng matuwid ay nag-iisip muna bago sumagot.”​—Kawikaan 15:28.

  • Mag-sorry agad. Habang tumatagal ang di-pagkakaunawaan, mas lumalala ang problema at mas nagkakahiyaan kayo sa isa’t isa.

    Tip: Magkaroon ng goal—halimbawa, ‘Magso-sorry ako ngayong araw na ito.’ Magtakda ng panahon kung kailan ka magsasabi ng “sorry” at tiyaking gawin iyon.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Makipag-ayos ka kaagad.”​—Mateo 5:25.

  • Magsabi ng “sorry” mula sa puso. Kapag sinabi mong “Sorry, kasi ganiyan ang naramdaman mo,” hindi talaga paghingi ng sorry iyon! “Kadalasan nang igagalang ka ng taong nasaktan mo kung makikita niyang inaamin mo ang pagkakamali mo,” ang sabi ng kabataang si Janelle.

    Tip: Mag-sorry nang walang kondisyon. Huwag mong sabihin, “Magso-sorry lang ako, kung magso-sorry siya.”

    Prinsipyo sa Bibliya: “Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan.”​—Roma 14:19.

a Kung naiwala mo ang gamit ng iba o nasira mo ito, mas maganda kung mag-aalok ka rin ng kapalit nito.