TANONG NG MGA KABATAAN
Bakit Dapat Maging Tapat?
Kung bakit ang ilan ay di-tapat
Sa ngayon, parang isang kalugihan ang pagiging tapat. Baka ikatuwiran pa nga ng ilan:
‘Kung hindi ako magsisinungaling sa mga magulang ko, malamang na ma-grounded ako.’
‘Kung hindi ako mandaraya sa test na ito, baka bumagsak ako.’
‘Kung hindi ko ito nanakawin, kailangan ko pa itong pag-ipunan.’
‘At saka ano naman ang masama do’n?’ baka itanong ng ilan. ‘Lahat naman, hindi tapat, ’di ba?’
Ang sagot sa tanong na iyan ay hindi. Maraming tao—kasama na ang napakaraming kabataan—ang naniniwalang sulit ang pagiging tapat, at may mabuti silang dahilan. “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin,” ang sabi ng Bibliya. (Galacia 6:7) Sa ibang salita, lahat ng ating ginagawa ay may resulta—mabuti man o masama.
Tingnan natin ang ilang halimbawa ng masasamang resulta ng pagsisinungaling.
“Nagsinungaling ako kay Mommy tungkol sa pakikipag-usap ko sa isang lalaki. Halatang-halata niyang nagsisinungaling ako. Sa ikatlong pagkakataong nagsinungaling ako tungkol doon, napunô na si Mommy. Dalawang linggo niya akong hindi pinalabas ng bahay at isang buwang hindi pinagamit ng cellphone o pinapanood ng TV. Hindi na ako nagsinungaling sa mga magulang ko mula noon!”—Anita.
Pag-isipan: Bakit posibleng mangailangan ng panahon para maibalik ni Anita ang tiwala ng mommy niya?
Sabi ng Bibliya: “Ngayong inalis na ninyo ang kabulaanan, magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.”—Efeso 4:25.
“Nagsinungaling ako sa aking mga magulang at akala ko’y ligtas na ako. Pero nang ipaulit nila sa ’kin ang mga nangyari, nabuko ako dahil hindi ko na maalaala ang mga detalye ng sinabi ko noon. Kapag sinabi mo na agad ang totoo, hindi ka magkakaroon ng ganiyang problema!”—Anthony.
Pag-isipan: Paano sana naiwasan ni Anthony ang nakakahiyang sitwasyong iyon?
Sabi ng Bibliya: “Ang mga labing bulaan ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit yaong mga gumagawing may katapatan ay kalugud-lugod sa kaniya.”—Kawikaan 12:22.
“May kaibigan akong magaling magpaganda ng mga kuwento. Laging may dagdag ang mga kuwento niya at hindi niya sinasabi ang buong detalye. Mahal ko siya at hindi ko na lang iyon pinapansin. Pero napakahirap na niyang paniwalaan at pagkatiwalaan.”—Yvonne.
Pag-isipan: Paano maaaring makaapekto sa reputasyon ng kaibigan ni Yvonne ang pagdaragdag sa mga kuwento at ang “maliliit” na pagsisinungaling?
Sabi ng Bibliya: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
Kung bakit sulit ang maging tapat
Tingnan naman natin ngayon ang mabubuting resulta ng pagiging tapat.
“Nalaglag ang pera ng babaeng naglalakad sa unahan ko. Tinawag ko siya at isinauli ang pera niya. Laking pasasalamat ng babae. Sabi niya: ‘Ang bait mo naman. Iilan na lang ngayon ang mga tapat na katulad mo.’ Ang sarap ng pakiramdam kapag napansin ang mabuting ginawa mo!”—Vivian.
Pag-isipan: Bakit ikinagulat ng babae ang gayong katapatan? Paano nakinabang si Vivian sa pagiging tapat?
Sabi ng Bibliya: “Maligaya ang mga . . . nagsasagawa ng katuwiran sa lahat ng panahon.”—Awit 106:3.
“Nagtatrabaho ang pamilya namin sa isang janitorial business. Kung minsan habang naglilinis ng opisina, nakakapulot kami ng barya sa sahig. Inilalagay namin ito sa pinakamalapit na mesa. May isang empleado na halos mainis na nga dahil sobra daw kaming tapat—‘Isang barya lang naman iyon!’ ang sabi niya. Pero sa totoo lang, may tiwala siya sa amin.”—Julia.
Pag-isipan: Paano maaaring maging sulit ang pagiging tapat ni Julia kapag nangailangan siya ng rekomendasyon para sa ibang trabaho?
Sabi ng Bibliya: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya.”—2 Timoteo 2:15.
“Nakatanggap ako ng sahod para sa 80 oras na pagtatrabaho sa halip na 64 na oras. Puwede ko na sanang ibulsa iyon, pero hindi ko kaya. Sinabi ko iyon sa accounting manager, at laking pasasalamat niya. Mayaman naman ang kompanya, pero hindi ko kayang angkinin ang isang bagay na sa pakiramdam ko’y nakaw.”—Bethany.
Pag-isipan: Ang pagnanakaw ba sa kompanya ay masasabing hindi kasimbigat ng pagnanakaw sa tao?
Sabi ng Bibliya: “Ang taong mapanlinlang ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang Kaniyang matalik na pakikipag-ugnayan ay sa mga matuwid.”—Kawikaan 3:32.