TANONG NG MGA KABATAAN
Kung Paano Magiging Balanse sa Pagkain
Siguradong alam mong masama sa kalusugan ang hindi balanseng pagkain. Kung hindi masustansiya ang kinakain ng isa noong bata siya, malamang na madala niya ito hanggang sa pagtanda niya. Kaya ngayon pa lang, dapat na magkaroon ka ng magandang kaugalian sa pagkain.
Ano ang balanseng pagkain?
Pinapayuhan tayo ng Bibliya na dapat ay “may kontrol” tayo sa ating paggawi, at kasama diyan ang kaugalian sa pagkain. (1 Timoteo 3:11) Dahil diyan, dapat malaman mo na . . .
Kasama sa balanseng pagkain ang lahat ng grupo ng pagkain. Kasama sa limang grupo ng pagkain ang mga produktong galing sa gatas, protina, prutas, gulay, at butil. Inaalis ng ilang tao ang isa o dalawang grupo ng pagkain dahil inaakala nila na papayat sila. Pero ang totoo, nagkukulang ang katawan nila ng kinakailangang sustansiya.
Subukan ito: Mag-research o kumonsulta sa iyong doktor para malaman ang kahalagahan ng mga sustansiyang makukuha sa pagkain. Halimbawa:
Ang carbohydrates ay nagbibigay ng lakas. Ang protina naman ay tumutulong sa katawan na malabanan ang impeksiyon. Bumubuo ito at nagkukumpuni ng mga tissue. Ang ilang fat—kung tama ang dami—ay tumutulong para maiwasan ang sakit sa puso at nagbibigay rin ng lakas.
“Sinisikap kong makakain mula sa lahat ng grupo ng pagkain at maging balanse. Para sa ’kin, hindi naman masama kung paminsan-minsan ay kakain ka ng tsokolate o sitsirya. Pero hindi rin tama na laging ganiyan ang kinakain mo. Mas mabuti kung laging magiging balanse.”—Brenda.
Ang balanseng pagkain ay hindi dapat sobra-sobra. Kasama dito ang pagpapalipas ng gutom at pagkatapos ay kakain nang sobra-sobra, ang pagkain nang hindi sapat, at pag-iwas sa mga pagkaing gustong-gusto mo.
Subukan ito: Sa loob ng isang buwan, bantayan ang kinakain mo. Gaano mo kadalas magawa ang mga binanggit sa itaas? Ano ang puwede mong gawin para maging balanse sa pagkain?
“Minsan, sobra-sobra ang calorie sa kinakain ko, minsan naman, sobrang kulang. Pero naisip ko na huwag nang bilangin ang calorie intake ko, iwasan ang pagkain nang sobra-sobra, at huminto na kapag busog na ako. Matagal din bago ko nagawa iyan, pero ngayon, balanse na ako sa pagkain.”—Hailey.
Paano ko masusunod ang isang tamang diet?
Magplano. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay.” (Kawikaan 21:5) Para magkaroon ng tamang kaugalian sa pagkain, kailangan mong magplano.
“Kailangang magplano para makakain ka ng masustansiya, at kadalasan nang kailangang ikaw mismo ang maghanda nito. Sulit ang mga pagsisikap mo, at makakatipid ka pa.”—Thomas.
Palitan ang di-masusustansiyang pagkain. Sinasabi ng Bibliya: “Ingatan mo ang karunungan.” (Kawikaan 3:21) Tutulungan ka ng karunungan na makaisip ng iba’t ibang paraan para magkaroon ng magandang kaugalian sa pagkain.
“Noong una, isang beses sa isang araw, papalitan ko ang isang di-masustansiyang pagkain ng masustansiyang pagkain. Halimbawa, imbes na kumain ng tsokolate, mansanas na lang. Di-nagtagal, maraming beses ko na itong nagagawa bawat araw!”—Kia.
Maging makatuwiran sa inaasahan. Sinasabi ng Bibliya: “Kumain ka nang may pagsasaya.” (Eclesiastes 9:7) Baka dahil sa pagsisikap mong maging balanse sa pagkain ay hindi ka na masiyahan, o masyado ka nang nag-aalala sa bawat kutsarang isinusubo mo. Kung gusto mong magpapayat, dapat na tiyakin mong malusog ka pa rin. Dapat na maging makatuwiran ka.
“Nito lang, nabawasan ang timbang ko nang mahigit 13 kilo, pero kahit kailan, hindi ko ginutom ang sarili ko, o pinagkaitan ang sarili ko ng dessert. Tanggap ko na hindi madali ang magbawas ng timbang at na kailangan kong baguhin ang lifestyle ko.”—Melanie.