TANONG NG MGA KABATAAN
Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Paninigarilyo at Vaping?
“Sa lugar namin, bihira ang hindi pa nakapagsigarilyo o nakapag-vape nang wala pang 25 years old.”—Julia.
Sa artikulong ito
Ang dapat mong malaman
Nakakamatay ang sigarilyo. Nicotine ang pangunahing sangkap ng mga sigarilyo. Nakakalason ito at sobrang nakakaadik. Ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention, “ang paggamit ng tobacco ang isa sa pangunahing dahilan ng maagang kamatayan at pagkakasakit sa buong mundo na puwede sanang maiwasan.”
“Nagtatrabaho ako bilang sonographer, at nakikita ko sa mga ultrasound ang epekto ng paninigarilyo sa mga pasyente. Nakakagulat makita ang mga baradong artery ng mga dating naninigarilyo. Mahalaga sa akin ang katawan ko kaya ayokong subukang manigarilyo.”—Theresa.
Alam mo ba? Mga 7,000 ang kemikal sa sigarilyo, at marami sa mga ito ang nakakalason. Taon-taon, may milyon-milyong namamatay dahil sa mga sakit na dulot ng tobacco.
Nae-expose ang mga gumagamit ng vape sa mga nakakalasong kemikal. Sinasabi ng mga eksperto na ang vaping, o paggamit ng mga vape pen o electronic cigarette, ay nakakasira ng baga at puwedeng ikamatay. Gaya ng sigarilyo, may nicotine ang maraming vape product. Dahil sobrang nakakaadik ang nicotine, “naihahanda nito ang mga kabataan para maadik sa iba pang droga,” ang sabi ng isang fact sheet tungkol sa mga e-cigarette.
“Matatamis ang mga vape product na may mga pangalang gaya ng cotton candy at cherry bomb. Kaya nagugustuhan ’yon lalo na ng mga bata at teenager. Masarap kasi ang mga ’yon, kaya ’di na napapansin ang masasamang epekto.”—Miranda.
Alam mo ba? Hindi lang tubig ang vapor mula sa mga e-cigarette. May mga particle din ito na masama sa kalusugan—kasama na ang mga heavy metal—na napupunta sa mga baga.
Mga panganib ng paninigarilyo at vaping
(1) Humihina ang isip at nagkakaproblema sa mood at pagpopokus, lalo na kung bata pa
(2) Namamaga ang mga gilagid at nasisira ang mga ngipin
(3) Nagkakaroon ng chronic lung inflammation at sakit sa puso
Lumalalang asthma
Pananakit ng tiyan at pagkahilo
Ang puwede mong gawin
Alamin ang totoo. Huwag basta maniwala sa mga naririnig mo—halimbawa, hindi raw masama sa katawan ang vaping at nakakatanggal pa nga ng stress. Mag-research ka at magdesisyon batay sa mga totoong impormasyon.
Prinsipyo sa Bibliya: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang lahat ng naririnig niya, pero pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.”—Kawikaan 14:15.
“Kapag iniisip mo ang di-magagandang epekto ng paninigarilyo at vaping, mare-realize mo na kapag ginagawa iyon ng mga celebrity o ng mga kaibigan mo, hindi naman talaga iyon ‘masaya.’”—Evan.
Pag-isipan: Mas masaya nga kaya ang mga kabataang naninigarilyo o nagbe-vape? Mas handa kaya sila sa stress—ngayon at sa hinaharap? O mas lalo lang silang magkakaproblema?
Humanap ng magagandang paraan para makayanan ang anxiety o sobrang pag-aalala. Ang ilan sa mga paraang ito ay mag-exercise, magbasa, o makipag-bonding sa mga kaibigang makakatulong sa iyo. Dahil nakapokus ka sa magagandang bagay, hindi mo na hahanap-hanapin ang paninigarilyo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso ng tao, pero ang positibong salita ay nagpapasaya rito.”—Kawikaan 12:25.
“Iniisip ng mga tao na makakatanggal ng stress ang paninigarilyo at vaping. Pero pansamantala lang ang ginhawa, at tumatagal ang masasamang epekto ng mga ito. Maraming mas magagandang paraan para makayanan ang stress.”—Angela.
Pag-isipan: Ano ang ilang paraan para mas makayanan mo ang stress? Kung kailangan mo ng tulong, tingnan ang artikulong “Paano Ko Haharapin ang Kabalisahan?” sa seryeng “Tanong ng mga Kabataan.”
Maging handa sa peer pressure. Puwedeng manggaling ito sa mga kaeskuwela mo o sa entertainment ngayon. Madalas ipakita sa mga pelikula, TV show, at social media na masaya at cool ang paninigarilyo at vaping.
Prinsipyo sa Bibliya: Sinasanay ng mga maygulang ang kanilang kakayahang umunawa na makilala ang tama at mali.—Hebreo 5:14.
“No’ng nag-aaral pa ako, nirerespeto ako ng marami sa mga nakakasama ko kasi hindi ako naninigarilyo o nagbe-vape. Nang linawin ko ang paninindigan ko, sila pa ang nagtatanggol sa akin. Kaya kahit parang kakaiba, proteksiyon kapag ipinaalam mo ang paninindigan mo.”—Anna.
Pag-isipan: Kaya mo ba ang peer pressure? May natatandaan ka bang sitwasyon na nakaya mo iyon? Makakatulong sa iyo ang “Plano Ko Laban sa Panggigipit” sa kabanata 15 ng Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2.
Piliing mabuti ang mga kaibigan mo. Mas hindi ka matutuksong manigarilyo o mag-vape kung ganoon din ang paninindigan ng mga kaibigan mo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, pero ang sumasama sa mga mangmang ay mapapahamak.”—Kawikaan 13:20.
“Talagang nakakatulong ’pag may paninindigan at pagpipigil sa sarili ang mga kaibigan mo. Kapag nakikita mong maganda ang nagiging buhay nila, siyempre gusto mo silang gayahin.”—Calvin.
Pag-isipan: Pinapalakas ba ng mga kaibigan mo ang paninindigan mong mamuhay nang malinis at walang bisyo, o pinapahina nila iyon?
Mas mabuti ba ang marijuana?
Sinasabi ng marami na hindi nakakasama ang marijuana. Pero hindi totoo iyan!
Puwedeng maadik sa marijuana ang mga kabataang gumagamit nito. Makikita sa mga pag-aaral na puwedeng maapektuhan ng paggamit ng marijuana ang utak mo. Halimbawa, puwedeng bumaba ang IQ mo.
Ayon sa U.S. Substance Abuse and Mental Health Services Administration, “ipinapakita ng mga research na ang mga taong gumagamit ng marijuana ay malamang na magkaproblema sa kaugnayan nila sa ibang tao, pag-aaral, career, at maging hindi kontento sa buhay.”
“Natukso akong mag-marijuana kasi gusto kong mabawasan ang anxiety ko. Pero nang maisip ko na maaadik ako, ang gagastusin ko, at ang magiging epekto nito sa kalusugan ko, na-realize ko na mas lalala lang ang anxiety ko kapag nag-marijuana ako.”—Judah.