Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Dapat Ba Akong Mag-drop Out sa Paaralan?

Dapat Ba Akong Mag-drop Out sa Paaralan?

“Ayoko nang mag-aral!” Kung iyan ang nararamdaman mo, baka gustuhin mo nang mag-drop out sa paaralan. Sa artikulong ito, tatalakayin ang mga bagay na mas maganda mong gawin.

 Kung bakit nagda-drop out ang iba

Ito ang mga dahilan ayon sa mga guro:

  • Hiráp matuto. ‘Laging bagsak ang grades ko.’

  • Kawalan ng interes sa pag-aaral. ‘Magagamit ko ba talaga ang mga pinag-aaralan ko?’

  • Kahirapan sa buhay. ‘Kailangan kong magtrabaho para makatulong sa pamilya.’

 Pag-isipan ang magiging resulta

Sinasabi ng Bibliya: “Pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.” (Kawikaan 14:15) Ang aral? Kung gusto mo nang mag-drop out sa school, pag-isipan mo muna ang magiging resulta.

Tanungin ang sarili:

  • ‘Kapag nag-drop out ako, makakakuha kaya ako ng magandang trabaho?’

    “Darating ang araw na kailangan mong magtrabaho para masuportahan ang pamilya mo. Pero paano ka makakakuha ng trabaho kung ang tinatanggap nila ay mga high school graduate?”—Julia.

  • ‘Kapag nag-drop out ako, matututo kaya akong harapin ang mga problema sa hinaharap?’

    “Ang pag-aaral ay paghahanda para sa hinaharap. Kasi ang mga pakikitungo mo sa iba sa paaralan, ang mga problemang hinaharap mo ngayon, at mga ginagawa mo, ay kapareho ng mga haharapin mo sa hinaharap.”—Daniel.

  • ‘Kapag nag-drop out ako, magkakaroon kaya ako ng mga kasanayan na kailangan kapag naging adulto na ako?’

    “Parang ’di ko naman magagamit y’ong mga pinag-aaralan ko ngayon. Pero kapag 23-anyos ka na, at nagba-budget ka na ng pera mo, maiisip mo, ‘Mabuti na lang, natuto ako ng math.’”—Anna.

 Ang mas magandang gawin

  • Magpatulong. Sinasabi ng Bibliya: “May tagumpay kapag marami ang tagapayo.” (Kawikaan 11:14) Kapag bumababa ang grades mo, magpatulong sa iyong mga magulang, teacher, guidance counselor, o iba pang mapagkakatiwalaang adulto. Siguradong may maipapayo sila sa iyo.

    “Kapag nahihirapan ka, puwede mong kausapin y’ong teacher mo. Minsan kasi isinisisi natin sa teacher natin kapag mababa ang grades natin, pero madalas, nababago ang sitwasyon kapag humingi ka ng tulong sa kaniya.”—Edward.

  • Isipin ang mga pakinabang. Sinasabi ng Bibliya: “Mas mabuti ang wakas ng isang bagay kaysa sa pasimula nito.” (Eclesiastes 7:8) Kapag nagtapos ka sa pag-aaral, hindi ka lang nagkaroon ng kaalaman, nagkaroon ka rin ng mga katangian at kasanayan na kailangan sa buhay.

    “Hindi ka naman magsusulat ng essay o mag-aaral para sa exam kapag adulto ka na. Pero kapag naharap mo ang mga stress sa school, mas madali na lang para sa iyo na harapin ang mga problema pagka-graduate mo.”—Vera.

    Kapag nag-drop out ka sa school, para kang tumalon sa bangka bago pa ito makadaong; baka magsisi ka sa gagawin mo!

  • Mag-isip muna bago magdesisyon. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng padalos-dalos ay tiyak na maghihirap.” (Kawikaan 21:5) Huwag magpadalos-dalos sa pagpapasiya na mag-drop out, na parang ito lang ang pinakamabuti mong magagawa. Puwede mo pa ring tapusin ang pag-aaral mo kahit sa online schooling o homeschool.

    “Sa school, matututo kang maging masipag, solusyunan ang mga problema, at makipagtulungan sa iba. Habambuhay mo iyong magagamit. Kaya sulit na tapusin ang pag-aaral.”—Benjamin.

Tandaan: Kapag tinapos mo ang pag-aaral mo, mas magiging handa kang harapin ang mga pananagutan mo kapag adulto ka na.